Kumpirmado, sa nabaon sa limot na kasaysayan ng Marinduque, noong panahong sumadsad ang San Ildefonso sa baybayin ng isla 1590, ay lulan ng barko ang naging pangunahing historian sa bansa ng mga Kastila, si Padre Pedro Chirino. Magandang halukayin sa kanyang bantog na Relacion de las Islas Filipinas kung dinetalye man doon ni Chirino ang kaniyang tiyak na di makakalimutang dinanas sa Marinduque, naganap pagkarating pa lamang niya sa Las Islas Filipinas.
Subalit hindi ito ang unang direktang encuentro sa isla ng Marinduque ng mga Kastila, dahil 1579 pa lamang, may Franciscanong prayle na nagtanim na rito ng unang Krus. Para simulan ang conversion sa Kristiyanismo ng mga katutubo sa isla. Nang sumunod na taon 1580, ay itinayo na ang unang visita sa Boac na tinawag nilang Monserrat de Marinduque. (May historical awareness marahil ang may-ari ng super Italian gourmet deli sa may Isok II kaya't tinawag naman nila itong Monserrat de Boac).
Ilang mga old world Italian gourmet sa Monserrat de Boac sa Isok II |
Umalis ng Cavite ang San Felipe (700 toneladas), ng July 12, 1596 papuntang Acapulco. May lulang 300 katao kasama ang pitong prayle. Pagdating ng September 18 sa karagatan ng Japan, doon ito sinalubong ng nagngangalit na bagyo. Anim na kataong sakay nito ang nalunod kapagdaka.
September 25 ay sira na ang lower deck ng San Felipe. Pagdating ng October 3 ay may sumalubong na namang bagyo na tumagal ng 5 araw. Dito na naglayag ang barko na walang masts at sails, at hinila na ng 200 funcas papuntang baybayin ng Chopongame.
Doon ito napuno ng tubig hanggang first deck at hindi na nakapaglayag. Ang halaga ng cargo, 1.3 million pesos sa Mexico. Ayon sa naitala ay sobrang ikinaluksa ng mga taga-Maynila ang trahedya ng San Felipe.
Modelo ng isa pang San Felipe. Parepareho pala ang sukat at hitsura ng San Juan Bautista at Santiago. |
Kometa at Buwan sa Pacific Ocean. Larawan ni: S.Deiries/ESO |
"Hanggang Octubre 21 maayos ang lagay ng panahon, pero sa araw na ito, nakasalubong ng mga Pari ang isang bagyo na bagamat hindi naman kalakasan, ay dinala ng alon ang mga barko sa isang tabi na puno ng corals at mga bato, sobrang delikado na ang mga barko at halos mabiyak sa maraming piraso. Sa ika-23 ng buwan ding iyon, may dumating na namang isang bagyo na mas malakas kaysa sa nauna. Dahil sa lakas ng hangin, pinaghiwa-hiwalay (ng direksiyon) ang mga barko. Ang barko na kung saan si Padre Visitor ay lulan kasama ang lima pang mga misyonaryo ay napadpad ng alon papunta sa dakong Marinduque.
"Sa wakas ay nakapasok sila sa isang ilog para kumubli sa sama ng panahon. Nang sumunod na araw, na maaliwalas na katulad ng nangyayari pagkaraan ng bagyo, naglayag ang mga barko sa paligid ng Bondoc point, at pumondo malapit sa tabi. Lumipas ang apat na araw at may malakas na hanging dumating na naman, napilitan ang mga misyonaryo na pumasok muli sa isang maliit na ilog para kumubli sa bagyo, na tumagal ng araw na iyon at kasunod, na araw ni San Simon at Judas."
Marinduque-Bondoc topographic map |
"Napadpad ng alon papunta sa dakong Marinduque?". Iyon ang nakalagay kaya maliwanag na di naman nawasak ang barko ayon sa salaysay ni Chirino, 1599. Base naman sa The Selga Chronology (si Selga ay isa ring Hesuita na nagtala naman ng lahat ng mapanirang bagyo sa Pilipinas mula 1348), maraming bagyo pa ang rumagasa sa Pilipinas higit sa isang dekada. Bagamat marami sa mga ito ang nasira wala namang naitalang lumubog sa panahong nabanggit.
Sa Marinduque pagdating ng 1609, sinimulang itayo ng mga Franciscano ang visita sa Sta. Cruz na 'San Juan de Marinduque' ang ipinangalan nila, at sa Gasan naman ay ang 'San Bernardo de Marinduque'. Ayon sa The Jesuits in the Philippines ni Horacio de la Costa, ang isla ng Marinduque pala ay ipinagkatiwala ng Arzobispo ng Manila Miguel Garcia Serrano sa mga Hesuita noong 1621. Kaya nang sumunod na taon 1622 itinatag na ng mga Hesuita ang bayan ng Boac.
(Noong 1864 sa tibay ng Spanish royal decree ng May 19, 1864, sa mga Agustinian Recollect Fathers naman naisalin ang 'spiritual administration' ng Boac - kapalit, ayon din sa tala, ng mga posisyon ng kaparian na iniwan nila sa kamay ng mga Hesuitang misyonaryo sa Mindanao).
Paggawa ng galleon sa Marinduque
1609 din nagsimula ang termino ni Governador Juan de Silva bilang Governador-General ng Pilipinas.
Ito rin iyong panahon kung kailan nasimulan naman sa Marinduque ang paggawa ng galleon at almiranta. Si de Silva mismo ang nag-utos para sa konstruksyon ng mga sampung malalaking galleon at walong galley sa ibat-ibang astillero. Kasama na rito ang paggawa ng galleon na San Juan Bautista at almirantang San Marcos sa Marinduque. (Hiwalay na paksa sa mga susunod).
Pagsapit ng 1616 anim sa pitong malalaking galleon ang nakadaong na sa Manila, gawa sa ibat-ibang astilleros.
At may lumubog na galleon na naman sa Marinduque. Sa isang bagyuhan lamang, marami!
Sabi sa Selga Chronology:
10-15 | Oct | 1617 | A very severe typhoon crossed Visayas. Six ships were wrecked near Marinduque with the loss of over a thousand persons. It was considered as the greatest calamity during the administration of Jeronimo de Silva |
Sa iba pang source ay ganito lamang ang nakasulat na pinaulit-ulit lamang ng iba pa kaya may kakulangan sa detalye:
OCTOBER 10-15, 1617 - Six large ships were reduced to floundering hulks by a mighty tidal-wave-generating sea churner off Marinduque.
May isa namang maikling panulat na nagsabing ang anim na barko ay papunta ng Marinduque para ipakumpuni, subalit ang naging kapalaran ng mga ito aniya noong 1617, ay "katulad din ng sinapit ng ibang barko sa rutang ito."
Ito pa lamang ang karagdagang nasaliksik ko tungkol sa naganap 1617, mula sa isang primary source:
Isang licentiate (auditor), si Alonso Fajardo na ipinadala ni Felipe III (Hari ng Espana) sa Pilipinas at kararating lamang niya nang nangyari ang nasabing sakuna ay sumulat sa hari tungkol sa mga nagaganap sa bansa sa mga usapin ng pamamahala. Tungkol sa nasabing sakuna ay ganito ang bahagi ng sinulat niya mula sa:
Letter to Felipe III. Alonso Fajardo de Tenza; August 10, 1618. The Philippine Islands, 1493–1898, Volume XVIII, 1617–1620 (Blair and Robertson): (Tulad ng ibang quotes sa itaas ay isinalin ko na rin sa Tagalog dahil iyon ang lenguahe ng salaysay na ito).
"Nangyaring hindi ako nakagawa ng ano mang imbestigasyon tungkol sa pagkawala ng anim na galleon na naganap kararating ko pa lamang sa bansang ito, at ipinaalam ko naman kaagad sa inyong Kamahalan. Dahil, si Don Geronimo de Silva ang dapat managot doon, dahil siya ang capitan-general sa dagat at lupa, at kung siya ay mapawalang sala, ang pananagutan ay dapat ipataw sa iba... Hindi ko pa nagagawang imbestigahan ito ng buo, subalit gagawin ko kung ano man ang ipag-uutos ng iyong Kamahalan, kapag natanggap na ang iyong mga kautusan...
Sa aking opinyon ang ganoong pangyayari at mas matitindi pang mga sakuna ay maaaring mangyari, nang walang kaparusahan na naghihintay sa sino mang nagbigay ng pag-uutos, o sa kanila man na sumunod sa utos. Maraming mga ganoong uri ng sakuna ang nangyari na, sa karagatan, kapag ito ay nabulabog ng alinmang marahas na bagyo - at isa pa, dahil ito ay nasa mga isla, kung saan walang lugar para sa mga barko para tumakbo ng malaya."
Tidal wave? O tsunami o storm surge kaya ang nagpalubog sa anim na barko?
Storm surge kaya ang nangyari? |
'Loss of over a thousand persons'. Tsunami kaya dala ng lindol tulad nito? |
Labanan ng Spanish vs Dutch
1646 naman naganap sa pagitan ng Marinduque at Banton ang bombahan sa pagitan ng dalawang Spanish galleons at pitong Dutch warships. Ito ang labanan sa Karagatan ng Marinduque na itinuturing ng mga Kastila at Filipino hanggang ngayon ay isang milagro. Magkahiwalay na sumumpa baga naman ang General Orellana at Admiral Lopez na kapag napanalunan nila ang laban na ito ay maglalakad silang nakayapak mula Cavite hanggang sa Santo Domingo Church sa Manila sa ngalan ng Virgen ng Santo Rosario.
Naganap sa karagatang ito ang pinakamadugong labanan na mula mga alas-siete ng gabi, July 29, 1646. Pinaligiran ng pitong Dutch ships ang Encarnacion. Palitan ng mga putukan at may napuruhan sa panig ng mga piratang Dutch. Ang Rosario naman ay nasa labas ng nakapaligid na kaaway sa Encarnacion. Walang hirap sa pambobomba ang Rosario mula sa likuran at lumala ang kalagayan ng mga kaaway. Sinubukan ng mga Dutch na pasabugin ang Encarnacion sa pamamagitan ng isa nitong fire ship, subalit sinalubong ito ng mga kanyon kayat umurong. Binalingan naman ang Rosario subalit sinalubong din ng sampung sabay sabay na kanyon. Nahagip ang mga fireworks ng fire ship at sumabog ito, nasunog at lumubog, kasama ang mga tripolante.
Walang namatay sa Encarnacion pero nalagasan ang Rosario ng limang sundalo. Nang sumunod na araw ay ang Spanish-Filipino fleet naman ang humabol sa kaaway. Nakorner ng dalawang galleon ang mga Dutch noong July 31, 1646 mga alas-dos ng hapon. Nakarating ang labanan sa pagitan naman ng Mindoro at isla ng Maestre de Campo. Inihalintulad ang putukan ng magkabilang panig sa animoy "pagsabog ng maraming bulkan". Nalampang isa-isa ang mga barko ng kaaway at lumubog na naman ang isang barko ng kaaway kasama ang crew at mga armas sa ilalim ng dagat.
"Ave Maria! Ave Maria! ang sigaw ng mga bida, "Viva la fe Cristo y la Virgen Santissima del Rosario!" (Long live the Faith in Christ and the Most Holy Virgin".
Pagsasalarawan ng tinawag na Battles of La Naval de Manila |
Ito ay bahagi na ng Fiesta ng Virgen ng Santo Rosario sa Santo Domingo Church sa Maynila na hanggang ngayon ay ipinagdiriwang tuwing ikalawang Linggo ng Oktubre taon-taon. Ito na po iyong Mahal na Ina ng Santo Rosario ng La Naval de Manila, tawag din dito ay Santo Rosario o Our Lady of La Naval de Manila.
25 November 1659
Inabot na ng 1659, bago may lumubog na galleon o galley na naman. At sa Marinduque na naman!
Galing naman kay Padre Pedro Murillo (siya yung nagpagawa ng mapa na tinaguriang 'mother of Philippine maps na nagpapakitang ang Scarborough Shoal ay bahagi ng bansa noong una pa man), ang bahagi ng salaysay na ito:
"Noong November 25, 1659, si Padre Juan del Castillo (Jesuit), taga Manila, ay nalunod sa Tablazo ng Marinduque dahil sa bagyo... siya ay naging Encomendero, Regidor, Capitan at Procurador ng Ciudad ng Manila... Nawasak ang maliit na barko... tatlong mga katutubo lamang ang nailigtas ang buhay nila at naibahagi nila ang kasaklap-saklap na pangyayari".
At marami pang galleons, galliots at almirantas ang malalaman nating lumubog sa pinakang-puso ng Las Islas Filipinas, at sunod-sunod na! (Itutuloy)
Sources:
The Philippine Islands, 1493-1898, Vol. XVIII, Blair and Robertson;
The Selga Chronicles na itinuloy nina R. García-Herrera, P. Ribera, E. Hernández, L.Gimeno:'Typhoons in the Philippine Islands 1566-1900';
Treasure Ships of the Pacific, Tom Bennett;
TSEATC.com (tungkol sa 1617 na kinuha sa The Philippine Storm Logbook, 1617 to 1876);
Battles of La Naval de Manila, Wikipedia;
Juan de Silva, Wikipedia;
Pedro Chirino, Wikipedia
Pedro Chirino, Wikipedia
Anthony Reid and the Study of Southeast Asian Past, Geoff Wade and Li Tana;
Diocese of Boac webpage.