Bishop Marcelino Antonio M. Maralit, Jr., Bishop of Boac |
“Iisa pong titik ang pinagkaiba ng TIWALA sa TIWALI, kaya
nga po ang paggawa o pagsunod sa DAPAT at MABUTI ang nagpapatibay ng TIWALA,
samantalang ang HINDI naman PAGSUNOD sa DAPAT at paggawa ng MASAMA ang paraan
ng mga TIWALI" – ito ang isinaad ni Bishop Antonio Maralit, Jr., Bishop of Boac
sa isang liham na ipinadala niya sa mga “Lingkod
ng Bayan” sa kapitolyo ng Marinduque.
Sa liham na nabanggit, niliwanag ng Obispo na ang maraming
tinig na nagpahayag ng agam-agam tungkol sa magiging paggamit sa 300 milyong
pisong utang “na inaprubahan na” at ang “natipid na mahigit 100 milyong piso
mula taong 2005 hanggang 2015 sa pondo ng lalawigan”, ang nagbunsod sa kanya
para gumawa ng liham ng paalaala.
Matatandaang nagpahayag na rin ang Komisyon ng Audit (COA). ng
pagtutol sa pamamaraaang isinagawa ng kapitolyo ng Marinduque sa usapin ng
bidding tungkol sa ilang FMR projects na ang ilang kaukulang dokumento ay
binansagan nito na “bogus”.
Maging ang Department of Budget and Management
(DBM) ay nanindigan rin sa isinagawang pagpapasa ng isang resolusyon na hindi
naayon sa patakaran kaukulang patakaran ng nasabing ahensya.
Kasalukuyan pa ring dinidinig sa Makati RTC ang isang
kasong isinampa ng isang grupo ng Marinduque taxpayers na may kinalaman sa
P300-million na naglalayong pawalan ng bisa ang nasabing kontrata. Maging ang
Sangguniang Panlalawigan ay nagawa nang bawiin ang kontrobersiyal na resolusyon na pinuntirya ng DBM tulad ng nabanggit sa itaas.
Subalit ayon naman sa
impormasyon ay nagawang igiit ng isang mataas na opisyal ng Marinduque sa Sangguniang Panlalawigan para magpasa ulit ng panibagong resolusyon tungkol dito
bago matapos ang kanilang panunungkulan. Ang mga dating opisyales ng Sanggunian, maliban
sa mga muling nahalal, ay magtatapos ng kanilang tungkulin sa Hunyo 2016,
Ayon kay Obispo Maralit, dalawang grupo ang nais niyang paglaanan ng nilalaman
ng kanyang sulat. Ito aniya ay para sa mga NAHALAL na mga lingkod ng Bayan –
ang mga magtatapos na ang panunungkulan, at higit “sa mga magsisimula pa lamang”.
Kapitolyo ng Marinduque. Larawang kuha ni Jepoy Olores. |
Ang ikalawang grupong pinatutungkulan ng Obispo ayon sa kanya ay ang “mga
Kawani ng ibat-ibang sangay ng ating Pamahalaang Panlalawigan”.
Para sa unang grupo ng mga halal na opisyales ay binigyang diin
ng Obispo ang kahalagahan ng “masusing pagpapatupad ng mga nakasaad na rin namang RULES o PAMANTAYAN sa pag-apruba o paglalaan ng mga pondo ng lalawigan”.
Hindi
aniya dapat aprubahan ang kahit anong paghingi ng mga pondo “kung wala pong
tunay na proyekto at walang masusi at detalyadong paglalaanan ang mga ito”
Ang ikalawang grupo naman na pinatungkulan ng Obispo ay ang mga kawani na ang tungkulin, aniya, ay ang maglapat at magpatupad ng mga proyektong pangkaunlaran. Hiniling ng Obispo na hindi dapat hayaan ng mga nasabing kawani na sila ay maging "kasangkapan" ng kahit anong
katiwalian o kasamaan na labag “at laban sa kabutihan ng inyong mga
tungkulin at atas”.
“Manindigan po sana kayo sa tama at sa mabuti lagi”, at
huwag aniyang hayaang ang para sa ikabubuti ng lalawigan ay “masayang at mapunta lamang
sa mali.”
Nagpaalaala pa rin ang Obispo na “kapag nagpagamit kayo sa
simula, siguradong gagamitin din kayo ng masama hanggang sa huli."
Sa isang bahagi pa rin ng nasabing sulat ay iminungkahi ng Obispo sa
mga halal ng bayan na makapagbuo ng isang lupon na kakatawanin ng mga
mamamayang mapagkakatiwalaan na masusing bubusisiin ang pagkakagamit sa mga
pondo.