Tuesday, July 26, 2016

Sa P300-M: Liham ng Marinduque vice-gov sa gov


Vice-Governor Romulo Bacorro Jr.

Pormal na nagpadala ng liham ang Bise-Gobernador ng Marinduque, Romulo Bacorro, Jr. sa Punong-Lalawigan Carmencita O. Reyes hinggil sa kanyang mga reserbasyon sa usaping may kinalaman sa Php 300-million na pondong utang sa DBP. Sa kadahilanang patong-patong na ang mga usaping 'teknikal, administratibo at legal status' ng naipasang Supplemental Budget No. 2 ng Sangguniang Panlalawigan tungkol dito, inihayag ni Bacorro ang kanyang panalangin na kilalanin naman ni Reyes ang mga findings at observations hinggil sa nabanggit na usapin. 

Ayon sa nasabing opisyal na liham na ang kopya ay ipinadala sa mga kinauukulan, ang mga ito ay ang sumusunod (salin sa Tagalog; ang orihinal na kabuuhan sa Ingles ay makikita sa ibaba):


1) Ang mga kinakailangang boto ayon sa Article 107 (g) IRR ng Local Government Code of 1991 ay hindi naman nakamit kaya't ang nasabing Budget ay hindi rin mapapakinabangan (inoperative).
2) Kung ipagpapalagay halimbawa na nagamot na at naratipika na ang mga diumano'y depekto, discrepancies at deficiencies, sa mga aspetong teknikal, procedural at legal na may kinalaman sa bagay na ito, ang marupok na interpretasyong ito ay magdudulot naman ng epekto ng pagbabalewala sa mga naunang ginawang hakbang na inasahang maayos na isinagawa tulad ng, at hindi limitado sa, public bidding na naganap na at ang pag-gawad ng mga kinauukulang kontrata, sapagkat ang paiiralin na petsa ng ABC (Section 7, RA 9184), ay kung kailan talaga naipasa ang Budget.
3) Ang Komisyon sa Audit ay walang pasubaling naglahad na ang pangungutang ay "hindi kailangan at hindi nirerekomenda" at ito ay naipaliwanag ng may kahabaan sa nilalaman ng PGM AOM No. 16-08 na may petsang April 11, 2016. (kalakip ang kopya)
4) Ang proseso ng procurement ay hindi naaayon sa ibat-ibang standard requirements na kailangang sundin ayon sa mga probisyon ng IRR ng RA 9185 tulad ng napakahabang paliwanag na mababasa naman sa PGM AOM No. 16-05 na may petsang March 28, 2016. (kalakip ang kopya)

Kopya ng liham (page 1)

5) Hindi kailanman, sa usaping may kinalaman sa utang, nabigyan ang mandato ng Provincial Development Council na bigyang halaga ang mga aspetong teknikal, administratibo, legal at procedural, bagamat mandatory ang partisipasyon ng institusyong ito sa pagbalangkas ng long term, medium term at annual Socio-Economic Development policies, mga plano, mga programa at mga proyekto, kasama na ang taunang public investment programs (Section 106 at 109, RA 7160).
6) Ang mga proposed projects na may kinalaman dito ay pawang nangangailangan ng prior assessment ng ecological impact. Ang kahandaan at mitigation aspects sa panahon ng pagpapatupad ng mga ito ay lumalabas na hindi binigyan ng kaukulang pansin. Ang mandatory consultation requirement naman ng batas ay higit na mahalagang ipinaparating sa mga apektadong sektor. (Section 2, 26, 27 at 16, RA 7160)
7) Ang kahalintulad na mga usapin na inihayag ng mga concerned Marinduquenos at nasasaad sa kasong isinampa ni Mr. Eliseo Obligacion et. al. na nakabinbin sa korte ay dapat na maresolba.

Sa link na ito mula sa isang Inquirer article mababasa ang tungkol sa kasong nabanggit.

Tila malalim naman ang isang bahagi pa rin ng nasabing opisyal na liham ng Bise-Gobernador sa pagbanggit niyang, ang kasaysayan ay palaging magiging mabait sa sinumang maglakas-loob na higit na unawain, malampasan at mapaglabanan ang tinagurian niyang 'primordial complexities' at mga conflict sa simula pa lamang na pumapailalim aniya, sa isang payak na katotohanan. ("History will always be kind to those who dare to decipher, transcend and overcome the primordial complexities and conflicts underlying a simple truth.")


(Page 2)

Babala ng COA, tanong

Matatandang nauna nang nagbabala ang Komisyon ng Audit tungkol sa mga iregularidad na may kinalaman sa usaping ito na ayon sa kanila ay maaaring mapansin ng media at ng publiko. Magdudulot lamang anila ito ng masamang imahe sa paglilingkod bayan. ("The irregularity could also draw the attention of the media and the public, casting a bad image on public service.") 

Tanong: May posibilidad kaya na magkaroon ng katuparan ang mga dinadalangin hindi lamang ni G. Bacorro, kundi pati na ng ilan sa kanyang mga dati at mga bagong kasamahan sa Sangguniang Panlalawigan? Ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan? Ng mga kaparian at obispo? Ng mga nababahalang Marinduqueno at publiko?

Maituturing marahil na kapuri-puri ang hakbang na ito na ginawa ng Bise-Gobernador. Sa panahong kasalukuyan na isinisigaw ng mas malakas ng bagong Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga ipinahayag sa ibat-ibang sulok ng Pilipinas, maging sa kanyang unang SONA kahapon lamang,  na ang korapsyon sa gobyerno ay dapat itigil ng mga kinauukulan ('This, must, stop!'; 'Pagbabago!'),  marapat lamang na ang ganitong panawagan ay pakinggan, sundin, hindi dalhin sa palusot o pagmamaang-maangan tulad ng nakagawian.

Ano naman po sa inyong palagay?

Also read:

Kasong pang-Ombudsman laban sa mga tiwali sa Marinduque (again!)