Saturday, July 29, 2017

Matinding record baya (Part 3): 'Sige bagyo!' Lumubog, nalunod, napadpad, kinain; 3 metrong taas ng baha sa Boac

Tiempo talaga na ang daanan ng Manila galleon ay siya ring nasa typhoon belt. Taon-taon ang tropical storms ay gumagalaw papuntang kanluran mula sa Caroline at Mariana Islands papuntang Pilipinas. Naisulat tuloy na ang trade route na ito na umaabot mula pa sa China hanggang Manila papuntang Mexico ang "isa sa pinakamahirap na mga tawiran para layagan sa buong mundo". ("This made the trade route reaching out from China through Manila Manila to Mexico one of the most difficult passages to navigate in the world".)


Corals. Photo: DSRF

Dagdag pa raw sa mga banta na dala ng bagyo at kasalungat na hangin ay ang iregular na mga baybayin at mga bahura dito, bankota (coral shoals), at iba pang mga nakalubog na palagiang panganib na para sa mga malalaking barko.

Taong 1622. Napasakamay ng mga Hesuita ang 'spiritual nourishment' ng mga katutubong Marinduqueno. Naisulat kaagad ng mga Hesuita (tingnan ang The Philippine Islands 1493-1803, 1700-1736 Jesuit Missions (Blair and Robertson), ang ilan sa karanasan nila sa Marinduque (mapapansin mo na sa panulat ay natawag din nila itong isla ng Malindig dahil sa pangalan ng mataas na bundok dito). Nagawa nila ang gayung pagkilala sa isla dahil inilipat sa kanila noong 1622 ng arzobispo ng Manila (Miguel Garcia Serrano), ang pangangalagang espiritwal ng mga nakatira dito. 

Ayon sa kanila, ang nasabing isla raw ay 40 leguas mula Manila, pahaba mula Hilaga hanggang Timog (hindi pa perpekto ang mapa nila ng Marinduque noon). 

Bahagi ng 1734 Philippine map ni Fr. Pedro Murillo na nagpapakita sa kakaibang hugis ng Marinduque at sa Manila-Acapulco trade route.

Naisulat pa rin na ang Marinduque raw ay nasa lugar na binabagtas ng mga galleon na papunta o pabalik mula Nueva Espana (Mexico at Central America). Dito natin mauunawaan kung paanong sa kahabaan ng panahon, maraming galleon ang dito na rin inabot ng masamang panahon at nangagsilubog sa kasamaang-palad. Masaklap na sa di-masukat na lawak ng Pacific Ocean na ilang buwan ding lakbayin, ang ilan sa mga galleon ay dito pa inaabot ng kamalasan. Pero wala silang ibang mas malapit o mas maayos na madaraanan sa Manila-Acapulco trade-route para makaikot sa tinatawag natin ngayong Verde Island Passage papuntang port ng Cavite, ang hantungan ng mga barko noon.

Vagios, baguios, tufones, typhoons 

Dahil sa mga bagyo (vagios o baguios sa panulat ng mga Kastila ayon sa tawag ng mga Filipino; tufones naman sa mga Portuguese, typhoon sa Ingles), matapos ang ilang taon at mga naranasan ay naisipan nilang pumili na ng isang santong patron laban sa mga bagyo at tama ng kidlat. Doon na pumasok si St. Elmo (San Telmo sa iba, pinag-ugatan naman ng salita sa Marinduque na 'santermo', mahiwagang bola ng apoy na nakikita sa ibat-ibang panig ng isla sa tamang pagkakataon).

Mga Hesuita, kinain

1709, panahon naman ni Domingo Zabalbaru (Spanish governor-general 1701-1709), ng ihanda niya ang isang barko para muling subukan na diskubrehin ang Palau islands sa Pacific. (Ilang taon na ang nakalipas nang una nilang narinig ang tungkol sa mga islang ito nang may napadpad na Palauans sa Samar dulot ng bagyo). 

Nasa karagatan pa lamang ng Marinduque ang barko na may lulang mga misyonaryong Hesuita, nang salubungin sila ng isang malakas na bagyo. May isang tinawag lamang na 'Brother Agnaron' na sa pagdating ng bagyo ay lulan na ng isang maliit na junk papuntang Boac para kumuha ng 'fresh supplies'. Tuluyan nang napahiwalay sa malaking barko ang junk subalit nagawa nito na manatiling nakalutang hanggang mapadpad sa isang daungan sa Romblon. Doon na sila nagpang-abot ng malaking barko na nakadaong. Hindi na rin naging matagumpay ang misyon ng barko na marating man lamang ang Palau. 

Sa Palau. Kuha ni Lux Tonnerre, Wikipedia

Nang sumunod na taon ay ipinadala naman ang Trinidad para sa pagdiskubre pa rin ng Palau. Dalawa sa lulan nitong mga misyonaryo ay lumapag sa isang isla para doon magpalipas ng isang gabi dahil sa sama ng panahon. Pero sa lakas ng bagyo, napadpad ang Trinidad laman ang kanilang mga kasamahan sa laot ng dagat hanggang mapunta sa Mindanao. Di na nabalikan ang dalawang pari. Nabalitaan na lamang nang mga sumunod na taon na ang mga pari ay kinatay ng mga katutubo doon at pinagkakain. (Jesuit Frs Jacques Du Beron at Joseph Cortyl). Masuwerte ang mga nauna, hindi sila ang nakain.

December 4, 1748. May napakaikling salaysay sa Selga Chronology na nangangailangan pa ng karagdagang pananaliksik. Pero isinama muna sa salaysay na ito para lamang magkaroon tayo ng ideya kung ano pa ang umiiral na mga paniniwala ng mga tao ng mga panahong iyon. Para na rin sa makakalap pang detalye. Ang sabi:

Sa isang nakakatakot na bagyo, isang alon ang umanod kay Padre Ignacio Generoso Serra kasama ang apat na mga pari na marahil ay kinain ng mga halimaw dagat, dahil isang bangkay lamang ang nakita sa kabila ng maraming pasaherong namatay. (In a horrible baguio, a wave carried away P.Ignacio Generoso Serra with four other Fathers who probably were eaten by the sea monsters, because only one corpse was found of the many passengers who perished).

Aminado ang iba pang mga gumamit ng mga tala ni Fr. Miguel Selga, isa siyang Kastilang Hesuita na nag-aral ng astronomiya (naging director din siya ng Manila Observatory mula 1926-1946), na hindi naman kumpleto ang mga datos at mga iba pang detalye na naitala ng pari tungkol sa mga bagyo at barko. Subalit anila ay mahalaga ito sa pag-aaral ng mga bagyo sa Pilipinas. 

Miguel P. Selga, SJ

Paglipas naman ng panahon ay nagkaroon na rin ang Observatory ng pakikipag-ugnayan sa mga observatories sa mga karatig bansa, at nadagdagan na rin ang iba pang maaaring pagkunan ng mga tala. 

November 14, 1844. Naitala ang isang mapanirang bagyo. Mula sa mga report na nanggaling sa mga gobernadorcillo patungo sa Governador-General, napag-alaman na maraming bahay, simbahan at gusali ang nasira ng bagyo sa Camarines Norte, Camarines Sur, Albay Batangas, Tayabas (Quezon), Burias at Marinduque. Tumagal ang bagyo ng 24 oras kaya maraming kabuhayan ang nasalanta, mga imprastruktura ang nawasak. Sa Albay ay 32 katao ang namatay.

Sa Karagatan ng Marinduque, ilang mga inter-island ships ang lumubog. (Some inter-island ships were lost in the sea of Marinduque). Ang simbahan ng Gasan ay nasira, at ilang mga kabahayan sa Mogpog ay nawasak. Sa Boac ay nasa '500 work animals' ang nangamatay dahil sa baha.

Ang bagyong ito raw ay mas malakas kaysa sa naramdaman sa Manila noong 1831. Para sa mga taga Tayabas naman, ito ang pinakamalakas mula noong 1811.

Isang panco na San Gabriel din ang pangalan
a nakadaong sa pier ng Manila, 1888.

November 2-4, 1871, May isang bagyong nagpalubog sa 'panco' na San Gabriel malapit sa Marinduque. Ang panco ay kapareho rin ng isang inter-island vessel na sa teritoryo lamang ng Filipinas bumibyahe. Naapektuhan din ng bagyo ang Nueva Ecija kung saan lumawak ang mga ilog sa tindi ng baha.

October 24-31, 1875. Tatlong metro ang taas ng baha sa Boac!

Isang mapanirang bagyo ang rumagasa sa Visayas at southern Luzon. Ayon sa Governador mas marami ang nasira ng bagyong ito kaysa sa mga lumipas na bagyo sa nasabing lokasyon. Sa Boac, ang baha ay umabot ng tatlong metro ang taas. Inanod nito papuntang dagat ang ilang kabahayan, sinira ang lahat ng mga tulay. Sa Santa Cruz, Marinduque, giba ng hangin ang bubong ng baluarte, ang lahat ng mga pananim ay sinira. Sa Gasan, 83 bahay ang nasira, pinahapay ang 35, at wasak ang bubong ng simbahan at kumbento. 

Baluarte, Sta Cruz. Photo: Manila Times

Sa dagat ng Ticao (Masbate), ang schooner na may pangalang San Miguel, puno ng bigas, ay lumubog. Sa kabuuhan, naapektuhan ang Camarines Norte, Camarines Sur, Batangas, Tayabas, Mindoro, Marinduque at Romblon.

Isang schooner

August 8, 1876,  Telegramang ipinadala mula Hong Kong:
MANILA.—By telegram from Hong Kong, Aug. 8, 1876
The MARIA YSASI barque, from Australia for this port, has been totally lost on Marinduque; crew saved.
Nailathala, August 21, 1876  ng London and China Telegraph

Susunod: Di inaasahang malampasan ang world record sa maritime disaster

Pagdating ng bagong dantaon 1900, mas lalong tumindi pa ang mga kabanatang naganap dito sa dagat ng Marinduque bago pa at pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, dala ng maraming sakuna na totoong ikinagulat ng buong mundo! (Itutuloy)


Sources:

Typhoons in the Philippine Islands, 1566-1900;
Ricardo García-Herrera, Pedro Ribera , Emiliano Hernández and Luis
Gimenol;
The Selga Chronology;
The Philippine Islands, 1493-1898, Volume X!!, 1601-1604, Project Gutenberg;
UlongBeach.com
The Age of Trade: The Manil Galleons and the Dawn of the Global Economy, Arturo Giraldez;
Catholic Missions in the Carolines and Marshall Islands, Francis X. Hezel, SJ;
History of Palau, Wikipedia.