Monday, November 5, 2018

Galleon Trivia 2: Nang mabahura sa baybayin ng Marinduque ang almirantang lulan si P. Pedro Chirino

Nang mabahura ang isang galleon sa baybaying Marinduque. Yung nandini kaya yun o yung nandun ay?

Rebulto ni Padre Pedro Chirino

Padre Pedro Chirino, pangunahing historiador na Hesuita na sumulat ng Relacion de las Islas Filipinas. Dumating siya sa Pilipinas lulan ng galleong San Ildefonso taong 1590. Napadpad sa Marinduque. 

Ang San Ildefonso ay isang almiranta o escort ship ng Santiago (capitana ang tawag dito bilang flagship) ni Gomez Perez Dasmarinas, ika-pitong governador ng Filipinas. Nagsilbi si Perez Dasmarinas mula June 1, 1590 hanggang October 25, 1593 (tatlong taon lamang ang tinagal dahil siya ay nasawi).

Pabalat ng Relacion de las Islas Filipinas ni P. Pedro Chirino

Ang kuwento tungkol sa galleong San Ildefonso ay ganito:

Nang dumating si Perez Dasmarinas sa Acapulco lulan ng Santiago ay kailangan pa niya ng isang galleon bilang kanyang almiranta papunta sa Filipinas. Sa Acapulco ay may nakita siyang nakadaong na mas maliit na barko na 80 tonelada lamang at kararating pa lamang mula sa Peru.

Ito na nga ang San Ildefonso.

Larawan ng isang Almiranta

Gamit ang kanyang kapangyarihan bilang hinirang na bagong Governador ng Filipinas, pinadiskarga ni Dasmarinas ang mga kargamento nitong cacao at pilak. Pinapuno niya ang San Ildefonso ng mga kinakailangan nilang mga kagamitan para sa mahabang biyahe papuntang Filipinas.

Ilan sa lulan ng Santiago, ang pangunahin nilang barko (‘capitana’ ang tawag o flagship), na umalis sa Acapulco noong March 1, 1590, maliban kay Gomez Perez Dasmarinas at ang kanyang anak na si Luis Perez Dasmarinas (na naging governador din), ay ang mga sumusunod: ang kanyang pamangkin, si Lope de Andrada, Kapitan at Sarhento-Mayor Juan Juarez Gallinato, mga Kapitanes na sina Hernando Becerra Montano at Gregorio Cubillo, Licenciado Armida (judge-advocate for war), Juan Villegas, ang Kapitan ng Infantry, Diego Jordan, kasama ang alferez (lieutenant) at sergeants ng kanyang military units, maraming mga sundalo, ibang mga pasahero, at 17 Augustinian friars.

Sakay naman ng San Ildefonso ang isa pang pamangkin ni Dasmarinas, si Fernando de Castro, mga Kapitan na sina Francisco Pacheco at Francisco de Mendoza na may kasamang 90 mga sundalo, 6 na Augustinian friars at dalawang Jesuits.

The Dasmarinases, Early Governors of the Spanish Philippines,
by John Newsome Crossley

Isa na nga sa dalawang Hesuita ay si Pedro Chirino. Si Padre Chirino na napakamahalaga ng ginampanang papel sa loob ng maraming taon niyang pamamalagi sa Pilipinas.

Tumagal ng tatlong buwan ang biyahe ng dalawang barko patawid ng Pacific Ocean. Subalit nang makapasok na sila sa arkipelago ng Filipinas sa karagatan ng mapanganib na Embocadero (San Bernardino Strait), ay nagkaroon ng isang napakalakas na bagyo.

Dahil dito, nagkahiwalay ang mga galleong Santiago at San Ildefonso.

Dumating ang Santiago sa isla ng Capul noong May 24, 1590. Nabahala si Dasmarinas tungkol sa pagkabalam ng almiranta kaya’t nagpalipas muna siya ng isang araw para maghintay. Walang senyales kaya’t nagpasya na siyang tumuloy na pa-Maynila. Alas tres ng hapon siya dumating sa Cavite, Mayo 31.

Pagkarating ni Dasmarinas sa port ng Cavite lulan ng Santiago ay kaagad siyang nagtungo sa Maynila para simulan na ang kanyang tungkulin nang sumunod na araw, June 1, 1590.


Ayon sa panulat ni Padre Chirino nakarating din ang almirantang San Ildefonso sa Capul. Dahil siya ay pasahero nito, naisulat niya na nasira ang palo (mast) ng galleon kaya't nakarating aniya ito sa Marinduque kung saan nakababa ng matiwasay ang mga pasahero.

Ayon sa salaysay, nalaman lamang ni Dasmarinas kung ano ang nangyari kina Padre Chirino at mga kasama pagdating ng mga ito noong June 20, o dalawampung araw pa muna ang lumipas pagkarating ni Dasmarinas sa Cavite.
“Hindi kalaunan pagkarating niya noon sa Manila, inutusan ni Dasmarinas ang lanyang pinsan, Lope de Andrade na bumalik sa Cavite para tiyakin na ang mga barko ay handa nang bumalik (papuntang Acapulco). Noong June 26, 1590 naroon na si Dasmarinas para makapagpaalam sa mga maglalakbay. Habang naroon naman siya, dumating ng June 20 ang iba pang mga pasahero na naging kasabay niya mula Acapulco na sumakay sa almiranta. Ibinahagi nila sa governador ang nangyari sa kanila sa Marinduque.”
Wala namang iba pang mga detalyeng nabanggit kung ano pa ang kanilang isinalaysay sa governador.

Dito na lalalim ng husto ang misteryo.

Misteryoso kung bakit sa mga tala ng mga mananaliksik sa kasalukuyang panahon (at lalahatin ko na sila), na sa insidenteng ito ng ‘pagkasira ng mast’ ng almiranta ay nakababa naman sila ng matiwasay sa Marinduque (ayon sa kuwento ni Chirino).

Subalit hindi rin maliwanag sa panulat sa ‘The Dasmarinases: Early Governors of the Spanish Philippines’ na pinagbasihan ng salaysay ayon kay Chirino kung ano talaga ang nangyari sa San Ildefonso (hindi po talaga ito San Felipe dahil matibay ang mga tala na sa petsang nangyari ito ay ginagawa pa lamang ang San Felipe).

The Manila-Acapulco Galleons ni Shirley Fish.
Isa lamang sa mga namali sa pagpangalan ng galleon
na nabahura sa Marinduque noong 1590

Mas nakakaintriga lalo ang makakalap nating mumunting impormasyon sa mga sinaliksik ng mga batikan tulad ng:
“1590 San Felipe, Between March and June
“The San Felipe sailed from Acapulco, Mexico to Manila, but was shipwrecked off the coast of Marinduque during typhoon. The Ship's crew survived the wreckage with the cargo and silver where (sic) were valued at 500,000 pesos. Her cargo partly recovered. She grounded on a reef near the shore.”
 Naisalba raw ang bahagi ng cargo. 500,000 pesos. Noon. Nasusulat, nabahura raw ang galleon malapit sa baybaying dagat ng Marinduque. Doon wari ay.


Sources:

The Dasmarinases: The Early Governors of the Spanish Philippines by John Newsome Crossley;
The Manila-Acapulco Galleons: Treasure Ships of the Pacific by Shirley Rice;
UlongBeach.com (Mahalagang source sa mga makasaysayang bagay tungkol sa Marinduque)