Marinduque Celadon Jar (Yuan) |
Deklaradong National Cultural Treasure ang
Marinduque Celadon Jar
Kung tutuusin, nagsisimula pa lamang tayong maunawaan ang di
naisulat na mayamang kasaysayan ng Marinduque noong di pa ito nasasakop ng mga
Kastila. Ang Marinduque na mula’t-mula pa ay may sariling pinagkakakilanlan
bilang mga Tagalog.
May sariling tawag ang mga Tagalog sa mga taong iba ang wika: Samot o
Samok. Tawag naman nila sa Intsik noon ay ‘Sanglay’.
Ngayon pa lamang natin mapapahalagahan ang naging papel ng
islang-lalawigang Marinduque noong wala pang kasaysayan na naisulat, maliban sa
naabutan nilang mga sumakop sa ating bansa.
Kayat nahuhukay na mga artipakto mula sa mga kuweba,
parang, bundok, gubat, mga dalampasigan at karagatan ang mga bagay na may mahalagang
naiiambag para higit nating maunawaan ang tungkol sa ating pinagmulan.
Sa panahon ngayon na may mabilis na pamamaraan na magagawa ng ating mga daliri para manaliksik at malaman pa ang mga ganitong bagay, mas
mabubuksan ang ating mga isip – para tayo maging malaya sa pag-iisip. Hindi
nakatali o nakakadena pa rin.
Ngayong unti-unting nagiging maliwanag na ang ating mahal na
isla, na nasa gitna ng Pilipinas at nasa kalagitnaan pa rin ng sinaunang
kasaysayan, marapat lamang na dapat pang payabungin ang unawa tungkol
sa ating lahi.
Sa pagpapatuloy nga sa mga pag-aaral, maging ang mga
naisulat ko na noong nakalipas tungkol sa maaaring kaugnayan ng Marinduque sa mga lost
civilizations sa South America ay binibigyang pansin na rin (hanapin sa Internet ang Prehistory
of Marinduque). Subalit medyo nalilihis tayo.
SA MAO-LI-WU, MARINDUQUE
Sa larangan ng arkeolohiya ay naitala na sa Marinduque
naganap ang unang sistematikong paghuhukay sa ilang kuweba na nagresulta sa
pagbawi mula sa lupa ng ibat-ibang mga artefacts. Mga artipakto na mahalaga di lamang sa atin
kundi sa lahat ng mga Filipino.
Sa mga kuweba sa Marinduque ay hindi na bago na makakita ka ng mga kalansay ng mga sinaunang tao dahil ito ang naging libingan nila. |
Kamangha-manghang sa Marinduque pa rin nagawa ang kauna-unahang underwater
archaeology na nagresulta pa sa pagbawi ng mga porselanang pinggan, mga bangang
may mga disenyo at libo-libong mga sinaunang bagay na kasing-tanda ng Ming Dynasty. Ngayo’y
nasa mga museo at mga pribadong koleksyon ang mga ito. (Ang mga basag ay nasa Marinduque Museum na matagal ng inaayos kayat di ka makakapasok para bumisita).
Subalit, may isa pang nahukay na katangi-tangi sa ating
kalupaan na dahil nga katangi-tangi ay naideklara ng pamahalaan na isang
National Cultural Treasure.
Ano ito? Ito po ang tinatawag na THE MARINDUQUE CELADON JAR.
Mula raw ito sa Yuan Dynasty (1280-1368). Sa maikling
paglalarawan ng National Museum ay ganito lamang ang nakasaad:
Ang Yuan Celadon Jar ay may isang katawan na may embossed na disenyong Chinese dragon na isa sa tatlo lamang na may ganitong uri sa mundo. (The Yuan Celadon Jar has a body embossed with Chinese dragon design which is one of the only three known of its kind in the world).
May kahirapang makakuha ng iba pang datos tungkol dito
(maging noong minsang nabisita ako sa National Museum ay wala akong nakuhang
karagdagang impormasyon).
Base lamang sa aking hindi pa gaano kalalim na pananaliksik
tungkol sa misteryosong banga na ito ay ganito sa ngayon ang lumabas:
Noong 1961, may isinagawang systematic excavation si Alfredo
Evangelista na dating taga-National Museum sa tinaguriang Pilapil Cave sa
Marinduque. Ang mga nahukay dito ay may malawak na kaugnayan sa Sung at Yuan
sherds at mayroon ding mga local artifacts. Tila dito lamang natala ang ugnayan ng Marinduque sa Yuan dynasty.
Matatandaan na ang mga naitalang pakikipagkalakalan ng mga
taong Tsina sa Mao-li-wu ay naganap mula noong 1405 at ito ay panahon ng Ming
dynasty.
Ang Yuan dynasty (1280-1368) naman ay nauna kaysa sa Ming
(1368-1644). Kayat wala pang lumalabas na tala kung mayroon man kung papaanong
nakarating sa Marinduque ang Marinduque Celadon Jar.
Kahilera sa listahan ng mga National Cultural Treasures na kasama ang Marinduque Celadon Jar ang Manunggul Jar ng Palawan (nasa larawan). |
Palawenos display their pride for the Manunggul Jar in the Mimaropa Festival.