Friday, March 1, 2019

Ang 'Grand Lady of Philippine Music' at National Artist for Music 1989 ay isang Marindukenya


Lucrecia Roces Kasilag
(31 August 1918 – 16 August 2008)

Ang mga magulang ni 'Tita King'

Nag-asawa si Catalina Morente ng Boac ng isang Roces (hindi ma-trace ang unang pangalan) mula sa sikat na pamilya Roces ng Maynila na nagmamay-ari ng mga sinehan, printing press at kilala rin sa pulitika.

Mayroon silang isang anak na babae lamang na pinangalanang Asuncion, ipinanganak sa Boac. Naging isang musikero dahil nakapag-aral siya ng musika at sa huli ay nakapagturo ng piano at violin sa bayan ng Boac.

Nakapag-asawa siya ng isang civil engineer na si Marcial Kasilag na noon ay nadestino sa Marinduque at Mindoro. Si Marcial ang kauna-unahang naging pangulo ng Philippine Society of Civil Engineers (PICE na ngayon). Sa Boac ay may kalye sa harapan ng munisipyo na ipinangalan sa kaniya (Marcial Kasilag St.), dahil sa kanyang tagumpay.

Sina Asuncion at Marcial ay may anim na anak at pangalawang anak nila si Lucresia (“King” ang kanyang palayaw). Si King ay hindi nakapag-asawa at itinalaga ang kaniyang buhay sa musika. Siya ay naging Dean ng Philippine Women’s University at naging Pangulo ng Cultural Center of the Philippines.

Si Tita King ang nasa likod ng popular na bersiyon ng Putong na inaawit sa kasalukuyan sa mga bayan ng Marinduque. Sa tulong ng mga lokal na guro noong 1960’s ito ay binuo ni Tita King mula sa iba’t-ibang bersyon ng mga awiting Putong / Tubong na ginagamit noon sa tatlong bayan ng Boac, Mogpog at Gasan. 

Ito raw ay sa kadahilanang maaaring umabot ng 6 na oras o isang buong araw pa ang ritwal ng Putong sa saliw ng mga orihinal na awit para dito.

Masasabing ang pinaikling bersyon na ni Tita King ang katangi-tangi at panghabang-buhay na niyang naging pamana sa mga taga-Marinduque.

Noong 1989 ay pinarangalan si Lucresia Kasilag bilang National Artist for Music.

(Hango mula sa mga artikulong isinulat nina Rene Nieva (2015) tungkol sa ancestral roots ng Nieva clan at ni Eli J. Obligacion, 'Putong. Unique to Marinduque' (2010)

Souvenir Program noong nakaraang taon 2018 ng isang pagtatanghal.
Tribute to the King: The Music of National Artist Lucrecia “King” Kasilag on September 22, 2018 at 3:00PM and 8:00PM at the Tanghalang Nicanor Abelardo (CCP Main Theater). 

Mula naman sa Sagisag Kultura (Vol 1), V. Almario (Ed.) Manila: National Commission for Culture and the Arts:

Lucresia R. Kasilag
(31 Agosto 1918–16 Agosto 2008)

Itinuturing na “Grand Lady of Philippine Music” si Lucresia R. Kasilag dahil sa kaniyang malaking ambag sa paglinang sa musika sa Filipinas. Kilalá rin sa tawag na Tita King, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Musika noong 1989.

Bilang kompositor, nag-eksperimento siya sa musikang isinasanib ang mga katutubong instru- mentong pangmusika sa pagtatanghal ng isang orchestra. Bantog dito ang premyadong “Tocatta for Percussions and Winds,” “Divertissement and Concertante,” at ang mga musika para sa “Filiasiana,” “Misang Filipino” at “De Profundis.” 

Lumikha siyá ng mahigit 250 komposisyon, mga areglo ng mga katutubong awit, awit sining, mga piyesang pansolo at instrumental, at mga chamber at orchestral na mga akda. 

Bilang tagapagtaguyod ng musika, binigyan niya ng karampatang pagpapahalaga ang mga artista, kompositor, at manunulat. Hinikayat at ginabayan niya ang mga kabataang talento sa larangan ng musika. Isinagawa niya ang mga ito sa pamamagitan ng pagiging presidente at artistic director ng Sentrong Pangkultura ng Filipinas mula 1969-89, at sa pamamagitan ng mga kilalang organisasyon sa musika.

Ilan sa mga natamo niyang karangalan ang: Presidential Award of Merit as Woman Composer (1956); Republic Cultural Heritage Award para sa kaniyang “Toccata for percussions and winds” (1960) at “Misang Pilipino” (1966); Patnubay ng Sining at Kalinangan Award ng Lungsod Maynila (1954 at  1973).

Isinilang noong 31 Agosto 1918 sa San Fernando, La Union, si Kasilag ay ikatlo sa anim na supling nina Marcial Kasilag Sr., naging direktor ng Bureau of Public Works at dating manager sa National Power Corporation (Napocor), at Asuncion Roces na isang guro ng biyolin at solfeggio. 

Nagtapos siyáng balediktoryan sa Paco Elementary School at sa Philippine Women’s University (PWU) High School. Sa PWU din siyá nagtapos na cumlaude ng Batsilyer sa Sining sa Ingles. Nakamit niya ang diploma bilang guro sa musika sa St. Scholastica’s College of Music at ng Master of Music noong 1950 sa University of Rochester, New York. (RVR).

Also read:


3 Great Marinduqueñas: Pilar Hidalgo Lim, Fe del Mundo, Rita Gomez