PANAWAGAN SA MGA PINUNO NG LOKAL AT NASYUNAL NA PAMAHALAAN:
1. Tuluyan ng maideklara ang buong lalawigan ng Marinduque na mining-free zone;
2. Agarang maisampa ang kaso ng Pamahalaang Panlalawigan laban sa Placer Dome/Barrick Gold sa bansang Canada;
3. Magsagawa ng malawakang pagsusuri sa kalusugan at kapaligiran sa mga apektadong pamayanan sa lalawigan;
4. Maglagay ng mga footbridges at mga babala sa mga ilog at dagat na kontaminado ng nakalalasong kemikal upang maiwasan ang malawakang pagkakasakit ng mga residente sa Boac, Mogpog at Sta. Cruz.
5. Isagawa ang rehabilitation ng ilog ng Boac at ilog ng Mogpog gayundin ang Calancan Bay upang unti-unting maisaayos at muling mapakinabangan ng mga mamamayan.
|
PAHAYAG
NG PANININDIGAN AT PANAWAGAN NG MARINDUQUEÑO SA IKA-23 TAONG ANIBERSARYO AT
PAGGUNITA SA PAGBULWAK NG BASURANG-MINA SA ILOG NG BOAC
Marso 24, 1996.
Dalawamput-tatlong (23) taon na ang nakakaraan nang mangyari ang pagbulwak ng
basurang-mina ng Marcopper sa ilog ng Boac. Tinatayang 1.6 milyong metro kubiko
ng nakalalasong basurang-mina ang pumuno sa 26 kilometrong kahabaan ng
ilog-Boac mula sa Tapian Pit na ginawang mine tailings disposal ng
Marcopper/Placer Dome sa panahon ng kanilang mining operation. Ang trahedyang
ito ay naitala bilang isang pinakamalaking trahedyang pangkalikasan sa
kasaysayan ng pagmimina sa Pilipinas at sa buong mundo. Sa pagtagas ng basurang mina ay halos
limanglibong (5,000) pamilya na umaasa sa agrikultura ang labis na naapektuhan.
Hanggang sa ngayon ay walang nangyaring rehabilitasyon dahil iniwan na lamang
ng Marcopper/Placer Dome ang kanilang responsibilidad na linisin ang ilog-Boac
at maging ang ilog ng Mogpog at Calancan Bay na nauna ng naapektuhan ng dahil
sa pagmimina.
Dahil sa kawalan ng rehabilitasyon ay
patuloy ang pagkalason at pagkasira ng kapaligiran at dumadami din ang mga
nagkakasakit dulot ng heavy metal contamination batay sa mga pagsusuri ng
Department of Health (DOH) sa 3 bayang apektado: Mogpog, Boac at Sta. Cruz. Ang
iniwan nilang mga dam, open pit at iba pang estruktura ay patuloy ding
nagbibigay ng pangamba sa mga mamamayan na maulit muli ang mga sinapit na
trahedya.
Mahabang panahon nang nananawagan ang
mga mamamayan sa mga kinauukulan na makamit ang hustisyang pangkapaligiran at
tuluyang pagdeklara ng lalawigan na sarado na sa pagmimina batay na rin sa
sumusunod na kadahilanan:
1.
Halos
3 dekada ng nagdusa ang lalawigan sa mapaminsalang operasyon ng pagmimina at
sadyang maliit lamang ang isla ng Marinduque at hindi sapat ang carrying
capacity nito upang balikatin pa ang mga basurang-mina at iba pang kasiraan
kapag magpapatuloy pa ang operasyon ng anumang uri ng pagmimina;
2.
Maliban
sa mga panganib na dulot ng mga abandonadong estruktura ng Marcopper ay mataas
din ang pagkalantad ng ating lalawigan sa mga natural hazards tulad ng mga
sumusunod:
§ Pangpito
mula sa sampung probinsya na natukoy ng DENR na prone to landslide;
§ Daanan
ng lindol, Central Marinduque Fault at 93% ng populasyon ng Marinduque ang
expose dito;
§ Pangatlo
sa may pinaka-kalbong kagubatan sa Pilipinas;
§ Daanan ng bagyo
at ng iba pang pagsama ng panahon;
§ May
mataas na peligro sa pagbaha at isa sa mga lugar na maaring maapektuhan ng pagbabago
ng panahon (climate change)
3.
Hindi
lang po ninanais ng mga mamamayan na maibalik sa dati ang mga nasirang
kalikasan dulot ng pagmimina, higit sa lahat ay nais din po naming protektahan
ang mga natitira pang likas-yaman ng ating lalalawigan na dapat pag-ingatan
kabilang na ang Marinduque Wild-Life
Sanctuary (MWS) na idineklara ng Kongreso bilang Protected Area (Republic Act
No. 11038) na sa ngayon ay maraming ng samot-saring buhay ang naitala at pinagkukunan ng daloy ng tubig ng maraming
pamayanan;
4. Mayaman
din ang ating lalawigan sa pangisdaan at kabilang tayo sa Verde Island Passage
(the Center of the Biodiversity in the World), kaya’t nararapat lamang na
proteksyunan laban sa mga polusyon na dulot ng pagmimina. Maraming ding mga
pulo at magagandang tanawin na dapat ding pag-ingatan at pagyamanin sa ating
lalawigan upang patuloy itong mapakinabangan ng susunod na henerasyon;
5.
Nang
dahil sa pagbulwak ng basurang-mina, ay naitatag ang Marinduque Council for
Environmental Concerns (MACEC) na pinangunahan ng namayapang Obispo Rafael Lim,
unang Obispo ng Diyosesis ng Boac, noong Hulyo 27, 1996, apat na buwan makaraan
ang pagbulwak ng basurang-mina at hanggang ngayon ay patuloy ang adbokasiya at
mga kampanya upang itaguyod ang pangangalaga sa kapaligiran at hustisya sa mga
biktima. Maraming pagkakataon na naipakita ng mga Marinduqueňo ang pagkakaisa
kaya’t marami tayong napagtagumpayan at nararapat nating ipagpasalamat at
bigyan ng natatanging pagkilala lalot higit ang mga naging tagapangunang tagapagtanggol sa pagtataguyod
ng kapakananan ng ating kapaligiran tulad ng mga sumusunod:
5.1.Noong 2003,
pinangunahan ng namayapang Obispo Joey Oliveros, pangalawang Obispo ng
Diyosesis ng Boac ang unang Diocesan Synod sa panahon ng selebrasyon ng ika-25
taong pagkakatatag ng Diocese ng Boac kung saan napagtibay ang mga Dekreto ng
Diyosesis. Sa ika-6 na Dekreto sa Katarungan isinasaad na “magkaroon ng patuloy
at malawakang kampanya hinggil sa wastong pangangalaga sa likas na yaman at
kalinisan ng kapaligiran, at tahasang pagtutol na may matibay na paninindigan
sa anumang uri ng malakihang (open pit, underground, etc.) pagmimina at iba
pang katulad na industriya at gawaing may malubhang epekto sa kapaligiran o
ekolohiya ng lalawigan”. Ang dekretong
ito na ipinatutupad ng Diyosesis sa pangunguna ng Obispo at ng mga kaparian ang
isa sa matibay na batayan ng MACEC bilang church-based organization sa mga
kampanya laban sa pagmimina at anumang proyekto na maaring makasira ng
kapaligiran.
Noong Agosto 10,
2015, nagpalabas ng isang circular letter ang Diyosesis ng Boac sa pangunguna
ng Obispo Marcelino Antonio Maralit, Jr.
na nag-aatas na basahin sa mga misa sa panalangin ng bayan ang 2
kahilingang ito:
a) Para
sa ikasusulong ng hangarin nating maisabatas na maideklara ang buong Marinduque
bilang lalawigang mahigpit na tumututol at nagbabawal sa anumang uri ng
pagmimina, at
b)
Para
sa pagkakamit ng hustisyang pangkalikasan at panglipunan, nawa ang mga pinuno
ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque ay magkaroon ng sapat na lakas at
inspirasyon na maging determinadong ipagpatuloy na isulong ang mga kaso laban
sa Marcopper/Placer Dome/Barrick Gold
5.2.Noong Oktubre
28, 2005 ang Pamahalang Panlalawigan sa pamamagitan ng ika-10 Sangguniang
Panlalawigan ay idineklara ang Fifty (50) year large scale mining moratorium sa
lalawigan (Resolution No. 379 s 2005). Naging consistent ang Sangguniang Panlalawigan
sa pagpapatupad ng moratorium sapagkat ito ay matapat na itinaguyod ng mga
sumunod hanggang sa kasalukuyang ika-14 Sangguniang Panlalawigan (Resolution
No. 13 s 2016). At ito ay suportado ng katulad na mga resolusyon ng limang (5)
bayan at nakararaming bilang ng mga barangay sa buong lalawigan.
5.3.Hiniling din
natin sa ating mga naging representative lalawigan sa Kongreso na maideklara
ang lalawigan bilang “no go zone” for mining. Isang panukalang batas ang
isinulong ng dating Rep. Gina Reyes – House Bill No. 5566 “An Act Declaring
Province of Marinduque a Mining-Free Zone” na inaprobahan ng 16th
Congress noong Agosto 24, 2015 at naisumite sa Senado noong Agosto 27, 2015
subalit kabilang sa iba pang lalawigan na may ganitong panukalang batas ay
hindi rin tuluyang naaprubahan bilang isang ganap na batas. Kaugnay nito,
dalawang katulad na panukalang batas din ang isinumite nina Marinduque Rep.
Lord Allan Jay Q. Velasco (House Bill No. 6336) at MATA Party List Rep. Tricia
Q. Velasco – Catera (House Bill No. 6384) upang maaprubahan ng 17th
congress. Sa kasalukuyan, ay patuloy natin itong sinusuportahan sa pamamagitan
ng signature campaign upang maging isang ganap na batas.
5.4.Patuloy din
nating sinusubaybayan at sinusuportahan ang mga kasong nai-file laban sa
Marcopper/Placer Dome/Barrick Gold sa Municipal Trial Court, Regional Trial
Court at sa Supreme Court upang mapanagot ang mga kompanya at makamit ang
karampatang hustisya.
Ngayong ika-23 anibersaryo at paggunita
sa pagbulwak ng basurang-mina at sa ating pakikiisa sa World Water Day at
Philippine Water Week ay nais po naming bigyan diin ang mga sumusunod na
panawagan sa kasalukuyan at sa mga susunod na magiging pinuno ng ating lokal at
nasyunal na pamahalaan:
1. Tuluyan
ng maideklara ang buong lalawigan ng Marinduque na mining-free zone;
2. Agarang
maisampa ang kaso ng Pamahalaang Panlalawigan laban sa Placer Dome/Barrick Gold
sa bansang Canada;
3. Magsagawa
ng malawakang pagsusuri sa kalusugan at kapaligiran sa mga apektadong pamayanan
sa lalawigan;
4. Maglagay
ng mga footbridges at mga babala sa mga ilog at dagat na kontaminado ng
nakalalasong kemikal upang maiwasan ang malawakang pagkakasakit ng mga
residente sa Boac, Mogpog at Sta. Cruz.
5. Isagawa
ang rehabilitation ng ilog ng Boac at ilog ng Mogpog gayundin ang Calancan Bay
upang unti-unting maisaayos at muling mapakinabangan ng mga mamamayan.
Bilang patunay sa aming mga paninindigan at
panawagan, kami ay nagkaisa na ilakip ang attendance sa ika-23 anibersaryo at
paggunita sa pagbulwak ng basurang-mina sa ilog ng Boac na isinagawa ngayong
ika-24 ng Marso 2019 sa Boac Covered Court, Boac, Marinduque