Thursday, April 25, 2019

Ibig sabihin ng Makulilis at Malindig: Maikling tala hinggil sa salita - EJ Bolata

(May pahintulot mula kay EJ Bolata para i-repost).

Larawan ni Natalie Ross


 Kamakailan, maraming historikal at kultural na artikulo ang mababasa mula kay Sir Eli J Obligacion. Isa sa pumukaw sa akin ay ang Makulilis Peak, na isa sa mga ebidensya, ayon sa mga Ming Dynasty sources, ng pagtungo ng mga Tsino sa Marinduque. Ito ang bahagi na "may puting bato" na makikita sa Bundok Malindig. Napatanong ako kung bakit ganoon ang tawag sa lugar. Dahil dito, magsisilbi ang mumunting talang linggwistik na ito bilang suhay (suplemento, karagdagan) sa mga mahahalagang historikal na panunuklas ni Sir Eli.


 MAKULILIS

Malalaman sa Vocabulario de la Lengua Tagala (1832) ng mga Heswitang paring sina P. Juan de Noceda at P. Pedro de Sanlucar ang ibig sabihin ng salitang ugat ng 'makulilis' at 'malindig'. Ang 'culilis' ay kasingkahulugan ng 'culiglig'-- na para sa mga Tagalog, ang insektong 'cricket'. Ngunit ayon sa entri ng Vocabulario: "Chicharra [tsismosa]; se dice de una muger habladora [Kung ano ang tawag sa babaeng tsismosa]." Sa aking palagay, ginawang metapora ng mga paring lexicographer ang salita para sa insekto upang tumukoy sa isang madaldal na babae. (Tulad din ng sasakyang kuliglig, lahat ng nagiging signifier ng "kuliglig" ay may kinakatawang konsepto ng tunog). Kung idadagdag ang 'ma-' sa 'culilis' (ma + kulilis) ay bubuo ito ng isang pang-uri (adjective) na naglalarawan sa lugar, na isang madalas na gawin sa pagpapangalan ng mga lugar (toponyms o place-names).

Isang hinuha (hypothesis) ko rito ay maaaring kilala ang Makulilis Peak sa isang partikular na tunog/ ingay na maihahalintulad-- dahil na rin sa lexical na pagkakahawig-- sa onomatopoeia ng kuliglig at tsismosa. (Nangangailangan ito ng pag-verify sa pamamagitan ng pagpunta sa mismong lugar. Hiking na ba ito? Haha.).

Pag-akyat sa Makulilis Peak ng isang grupong kabataan.
Larawan ni Nathalie Ross




Mt. Malindig, 1,157 meters. Larawan ni prnl benj

MALINDIG
Kinikilala ang 'Malindig' (Malindic, Malinding) bilang pinagmulan ng Hispanisadong 'Marinduque'. Kung pagbabatayan ang mga historikal na dokumento, gawa-gawa lang pala-- isang fakelore-- ang itinuro sa aming 'Alamat nina Marina at Garduque'. (Meron din namang Legend of Mt. Malindig sa Philippine Folklore Series: The Legends ni Damiana Eugenio, pero sa iba pang usapan iyon). 

Interesante ang 'malindig' sa entri sa Vocabulario de la Lengua Tagala. Nangangahulugan ang ugat nitong 'lindig' bilang "empinarse para que no le cubra el agua" (pagtingkayad upang hindi mabalutan ng tubig). Bumubuo ito ulit ng adjective sa pagdadagdag ng unlaping 'ma-' (ma + lindig). Lupaing umaangat mula sa tubig. (Isang kaso ulit ng matulaing heograpiya!)

Sa gayon, sa katubigang bumabalot sa ibaba ng Batangas, Quezon hanggang Kabikolan, at sa hilaga ng Romblon at Panay, ang ating Malindig-- pagkalaon ay tatawagin ang buong kalupaan bilang Marinduque-- ay isang pulong tumitingkayad mula sa kailaliman ng dagat, umiibabaw sa nakapalibot na tubig. - EJ Bolata

Sanggunian: Juan de Noceda at Pedro de Sanlucar, "Vocabulario de la Lengua Tagala" (Valladolid: Imprenta de Higinio Roldan, 1832).
[Salamat kay Sir Chas M. Navarro sa konsultasyon sa salin.]


Basahin din:

Marinduque: The name's origin and the Marinduque Tagalog we speak