Isang piraso ng basag na banga mula sa May Bungo cave ng Gaspar Island. Larawan ni Eli J Obligacion |
Isa ang pulo ng Gaspar, sakop ng Brgy. Pinggan, na pinakamalaki sa mga Tres Reyes
Islands kung saan unang naihayag sa labas ng Pilipinas noong 19th century na ang ilang mga kweba
rito ay ginawang huling hantungan ng mga sinaunang mga taong nanirahan sa isla
ng Marinduque.
Sa ilan pang mga kweba sa mainland Marinduque naman ay
natagpuan ang mga ataol na gawa sa kahoy at may disenyong kinakitaan ng mga
imahe ng buwaya bilang isang simbulo na may kinalaman sa kabilang buhay. Ang
mga ito ay napag-aralang kapareho ng mga ataol na natagpuan din ng mga panahong
iyon sa isla ng Nosy Loapasana sa Madagascar sa Indian Ocean malapit sa
southeastern coast ng Africa.
Kahangahanga ang tila hinubog sa kamay na pasukan ng isang kweba sa Gaspar. Larawan ni Eli J Obligacion |
Sa Gaspar Island ay maraming natagpuang mga bungo at mga kalansay
ng tao. Ilan sa mga bungo ay tinawag ng
mga archaelogists ng panahong iyon na “artificially deformed skulls” na dito
lamang sa Marinduque nila natagpuan. Mga bungo ng tao na pahaba ang hugis.
Naikumpara naman ang mga ito sa
ganun ding mga bungo na natagpuan sa South Pacific islands ng Chatham at
Sandwich Islands na dating tinirahan ng mga proto-Malays.
Sa bandang entrada ng kweba ay makikitang pinagsama-sama na lamang ang ilan sa mga buto, ngipin at piraso ng mga basag na banga. Larawan: Eli J Obligacion |
Paglipas ng panahon ay may ganoon
ding mga bungo na natagpuan sa Peru at Bolivia, hanggang di na makatiyak ang
mga scientist kung ‘artificially deformed’ nga talaga ang mga ito o natural na hugis
ng bungo pagka-panganak.
Lalo itong nabigyan ng pansin sa
pagkadiskubre sa panahong kasalukuyan ng mga fetus sa Peru-Bolivia na ganoon
din ang hugis. Tuluyang napalitan na ngayon ang turing sa mga ito bilang ‘elongated
skulls’ na.
Mula sa isang Marinduque cave, Larawan: Quai Branly Museum, France |
Mga artifacts ng Gaspar naglaho na sa ngayon
Para sa mga matagal nang nanirahan
sa pulo ng Gaspar, marami sa kanila ang nakasaksi sa mga bungo na natagpuan sa mga
kweba doon at mga “mahahabang buto” ng mga sinaunang tao. Pero sa kasalukuyan, ayon
din sa kanila ay wala ka nang matatagpuan, maliban sa mas maliliit na kalansay
na tila labi na lamang ng mga sinaunang bata ang natira.
Ang ilang natagpuan ng mga
siyentipiko noon sa mga kweba ng Marinduque ay mga banga na naglalaman ng mga
bungo at kalansay. Ang ilan sa mga bangang ito ay may mga disenyo. Paniniwala ng
mga siyentipiko na maingat na itinatago sa mga banga ang mga ito bilang
pangalawang paglibing at ang huling hantungan nila ay sa mga kweba.
May isang nakaangat na bahagi ng kweba, animo'y isang altar kung saan pinagsama-sama na lamang ang natitira pang mga buto ng tao sa kanilang huling hantungan. Larawan: Eli J Obligacion |
Sa ilang mga yungib sa Gaspar makikita
ang nagkalat na mga pirapirasong bahagi ng mga banga na pinaglibingan sa kanila (second burial). Wala
nang natitirang buo. Kung mayroon man ay nasa mga museo na sa ibang bansa tulad
ng France.
Patuloy naman ang mga pag-aaral sa
ibat-ibang aspeto ng mga bagay na may kinalaman dito, bagamat sa di malamang
kadahilanan ay hindi naman basta-basta ibinabahagi ang mga ito sa publiko.
Sa isa pang kweba ay kailangan pang gumapang muna bago makapasok. Maluwang naman sa loob na may kahabaan din. Sa isang kwebang ito ay wala nang makikitang mga labi. Larawan: Eli J Obligacion |
Pamana ng lahi ang Gaspar; pagpapalaganap ng Eco-tourism
Bago tuluyang maglaho sa ating gunita,
o tuluyang mawasak ang mga sagradong lugar ay panahon na ngayon upang
mapangalagaan, mabantayan sa isang sistematikong pamamaraan ang mga
mahahalagang lugar na ito sa pulo ng Gaspar. Patuloy din na lumalaki na ang populasyon ng isla.
Di hamak na ang pagpapalaganap ng
kaalaman tungkol sa matatawag na ‘Gaspar Heritage Island’ ay napakalaki rin ng
maitutulong sa promotion ng eco-tourism. Makakatulong ng malaki sa
pamumuhay ng mga residente hindi lamang sa Gaspar kundi sa sumasakop na
barangay dito - ang makasaysayang Brgy. Pinggan.
Maayos na pasukan ng isang kweba sa Gaspar, mga 50 metro ang taas mula sa sea level. Eli J Obligacion |
Mga sinaunang mga banga, pinggan at iba pa (mula Ming
dynasty), ang nagkalat noon sa baybayin ng lugar na ito (at iba pang lugar basta sa western coast), kung saan isinagawa naman ng National Museum ang kauna-unahang underwater archaeological
excavation sa Pilipinas, may kinalaman naman sa isang shipwrecked Chinese
junk.
Maaring mabilis na mabuksan na ngayon ang pintuan sa tulong ng National Museum at LGU's para sa paghahanap, pag-retrieve na rin sa iba pang mahahalagang artifacts na nanggaling mismo sa lugar na ito.
Marami pang mga yungib na halos kapantay ng dagat sa paligid ng Gaspar Island. Eli J Obligacion |
Di na tuloy tayo mabalik sa panahon nuon na ang mga pagkalalaking antique plates ay ginagamit lamang ng mga naninirahan sa Brgy Pinggan sa pagbahog ng mga baboy. Di na rin tuluyang mawawala sa gunita ang kahalagahan at pagiging sagrado ng Gaspar (na kahit pa sa ngayon ay ilan lamang ang nakababatid).
Iyon ay kung may totoong pagpapahalaga pa tayo sa ganitong mga bagay.
Iyon ay kung may totoong pagpapahalaga pa tayo sa ganitong mga bagay.
Makikita ang Mt. Malindig mula sa Gaspar Island na paboritong pasyalan. Eli J Obligacion |