Markado ang Marinduque sa kasaysayan ng archaeology sa
Pilipinas. Dahil sa islang ito naisagawa at naitala ang kaunaunahang archaeological
excavation sa ating bansa.
Isa sa mga naunang scientific excavation ay naganap noong
Abril-July 1881 sa pagbisita ni Alfred-Antoine Marche, isang French explorer na kinomisyon ng French government sa gawaing ito.
|
Isang French postcard na nagpapakita ng isang karanasan ni Marche sa iba pang lugar |
Bahagi ito ng kanyang naisulat tungkol sa Gaspar Island (Los Tres Reyes):
“Kabilang sa mga alahas na aking nakuha dito, ay isang
pulseras na katulad ng nakolekta ko sa kuweba ng Los Tres Reyes. Ang isa ay
isang spiral tulad ng isang pulseras na parang ahas, parehong disenyo ng mga ginagamit pa rin ngayon ng mga eleganteng
tao; ang iba ay tinusok, na tila ginagamit ng mga ito na nakalawit sa mga
tainga o sa paligid ng leeg; isa sa mga ito ay tinunaw sa isang shell ng
pagong…
|
Katulad ng pulseras na nahukay sa Gaspar Island (Tres Reyes Is.) ang nakuha rin sa Pamintaan Cave (Torrijos) |
“…Tulad ng mga bungo na matatagpuan sa isla ng Los Tres
Reyes ang mga ito ay deformed. Nagdala ako ng halos 40, karamihan sa kanila ay
walang panga at isang dosenang kalansay o higit pa…” (Luzon and Palawan, AA Marche, English translation from the French by Pura Santillan-Castrence)
Dito nagmula ang Philippine Archaeology
Sa pag-aaral ng kung kailan nagsimula ang archaeology sa Pilipinas, nakatalang una itong naganap sa isla ng Marinduque base sa mga panulat ni Alfred-Antoine Marche, tulad ng nabanggit na.Nagsagawa siya ng paghahanap noong 1881. Sa Marinduque, napuntahan niya ang maraming kuweba kasama na ang ilan pang kuweba sa 'Los Tres Reyes' (Gaspar Island) at Pamintaan Cave na pawang ginamit ng mga sinaunang tao bilang libingan.
|
Ilang nagkalat na mga kalansay, basag na mga banga (ang ilanay glazed), mga bahagi ng bagang ng tao. Gaspar Island |
|
Mga kalansay na magalang na pinagsama-sama na lamang ng mga taga isla. |
|
Isang piraso ng banga. Hindi Ming kundi inukit ng katutubo. |
Ang kanyang nahukay na mga artefacts dito ay naitala bilang "isang masaganang ani ng Chinese urns, vases, gintong ornaments, mga bungo at iba pang mga ornaments na pre-Spanish origin". (Archaeology in the Philippines, the National Museum and an Emergent Philippine Nation, CO Valdes)
Ang malaking koleksyon ng antiquities na nahukay ni Marche sa mga isla ng Marinduque ay nakatago sa Musee de l'Homme sa Paris at ilan pang mga museo sa France at U.S. (Smithsonian Institution)
|
Sa bahaging ito ay may isa pang kuweba. |
“Imagine these fragile jarlets traveling from China to the pre-colonial Philippines. Buried in a cave in Marinduque for centuries, they were excavated in the late 19th century, brought to Paris and eventually ended up in a museum bodega outside Washington, D.C. Part of our history lies in museums abroad and it will take sometime to analyze these artifacts to piece together our pre-colonial past” (Ambeth Ocampo, dating chair ng National Historical Institute)
Ngayon pa lamang sa ating panahon nagsisimulang mapagtagni-tagni ang mga kabanatang hindi naitala noong ang Pilipinas ay sakop pa ng Espanya.
Ang ilan sa mga bagay na natagpuan sa Gaspar Island ay napag-alamang panahon pa ng Ming. Ang iba naman ay mas maaga pa kaysa rito. Marapat lamang na ipagpatuloy ang pananaliksik sa tulong ng mga panulat tungkol sa panahong iyon na matatagpuan sa ibang bansa, lalo na sa China.
|
Bahagi ng Gaspar 'Heritage Island' |
Subalit higit sa lahat, dapat ay mauna ang mga tubong Marinduque sa pagpapalaganap ng kahalagahan ng lugar na ito. Para sa pagpapayabong pa at pagmamalaki sa mga pamana sa atin ng ating mga ninuno.