Sunday, April 12, 2020

Mensahe ni Gov. Presby Velasco para sa Semana Santa at Muling Pagkabuhay




Ang buong sambayanang MarinduqueĊˆo ay kaisa sa lahat na mga Kristiyano sa buong mundo sa pagdiriwang ng Semana Santa at Muling Pagkabuhay ng Mahal nating si Kristo sa gitna ng mabigat na hamon sa ating buhay – ang pandemic na dala ng COVID-19.

Napakabigat na dagok, pinsala at paghihirap sa buhay ang nararanasan ng ating nakararaming kababayan.  Isang mabigat na bagabag at agam-agam ang nararamdaman natin ngayon ay ang maaring mahaba pa ang paghihirap na daranasin natin dahil sa virus.

Dapat nating isaisip ang naganap sa buhay ng ating Kristo na Anak ng Diyos na pumayag na isakripisyo ang kanyang buhay para mailigtas ang sangkatauhan. Isaisip natin na anumang paghihirap at dalumhati sa ating buhay ngayon ay maiibsan kung tayo ay magsisikap at magsakripisyo katulad ng ginawa ng ating Hesu Kristo.

Gayahin natin ang sakripisyo sa Krus ng ating Tagapagligtas na nagbigay ng pag asa at kasagutan sa ating buhay.

Ito rin ang pagkakataon na tayo ay magnilay sa ating mga nagawang kasalanan at humingi ng kapatawaran sa Diyos patungo sa bagong buhay. Ang kapatawarang ito ay marapat na isalamin natin sa pamamagitan ng pagpapayabong sa ating paniniwala sa Diyos at sa mabubuting gawa na pagtulong at malasakit sa kapwa lalo sa panahong ito ng mabigat na suliranin at paghamon.

Nawa’y ang pagpapala ng Pasko ng Pagkabuhay ang siyang magdulot sa buhay nating lahat ng kaligtasan at pag-asa ng isang magandang kinabukasan. Sama sama nating bibigyan ng solusyon ang krisis na ito at magsasakripisyo tayo na sumunod sa mga batas at direktiba ng pamahalaan patungo sa pagbangon natin sa ating kasalukuyang kinasasadlakan. 

Sa pamamagitan ng ating lubos na pananampalataya ay tatawirin natin ng matiwasay ang krisis na dinaranas ng ating lalawigan, ng ating bansa at ng buong mundo.

Pagpalain po tayong lahat,


Presbitero J. Velasco, Jr.
Governor, Province of Marinduque
National President, League of Provinces of the Philippines
National Chairman, Union of Local Authorities of the Philippines

- Mula sa Facebook Page Gov. Presby Velasco, Province of Marinduque