Doon sa ilalim na bahagi ang lagusan, gagapang ka muna. Photo: Eli J Obligacion |
Sa true lang marami na akong nakausap tungkol sa mga
nakabaong yaman sa ilang lugar sa Marinduque natin. Isa lamang iri:
Nagkataon lamang na nakahuntahan ko ang isang matandang
taga-Torrijos ng minsang napadpad ako doon. Nasa duyan siya sa harapan ng
kanilang munting dampa, di na makalakad dahil nagkaroon pala siya ng
karamdaman.
Napunta ang usapan namin tungkol sa mga yamang nakabaon sa
ilalim ng lupa. Ibinida niya sa akin ang isa niyang di malilimutang karanasan.
Malapit sa tabing-dagat ang kanilang tirahan kaya palagi
siya aniyang nasa dalampasigan nung siya ay bata pa. Minsan, mga sampung taong
gulang pa lamang siya, tandang-tanda niya na may mga taong taga-labas na
dumaong sa lugar nila sakay ng isang batel.
Isang uri ng bangka raw ito noong araw na may mga apat o
marami pang tagasagwan. Nagtago raw siya habang nakabantay kung ano ang gagawin
ng mga estranghero hanggang sa makita niyang natukoy ng mga ito ang isang
lagusang nagsisimula sa mga dalawang metro ang lalim.
Alam niya, aniya ang lagusan na iyon pero hindi niya ito
napasok. Hinayaan ko na lamang siyang magkwento at ni hindi ko siya halos siya ginagambala
para tuloy-tuloy lamang siya sa inabahagi.
Paglabas daw ng mga estranghero mula sa lungga ay
sako-sakong puno ng mga lamang hindi niya alam kung ano ang buhat-buhat ng mga
ito pabalik sa bangka. Sa pagkakataong ito raw ay patay-mali siyang nagpakita,
kunwang papunta lamang siya sa may dagat.
Kinausap siya ng isa sa mga tao, sa huli ay inabutan siya ng
pera. Isandaan at limampung piso! Noong mga panahong iyon aniya ay napakalaking
halaga na noon. Siya ay nasa 70 taong gulang na ngayon.
Umalis na ang mga tao sakay ng batel pagsapit ng gabi. Hindi
na niya nakitang bumalik ang mga ito kahit kailan.
Nang siya ay nagbinata na, may pagkakataong sinubukan niyang
pasukin ang lungga. May nakuha siya ritong isang plato pero hindi aniya
babasagin kundi aluminum. Sigurado siyang aluminum. May mga disenyo aniyang
parang sa Intsik at walang duda sa isip niya na kasama ito sa “yaman ni Limahong”!
Napalunok na lamang ako pero maingat na di ko binabago ang
ekspresyon sa mukha ko at baka makahalata siyang di ako naniniwala.
“Nandito lamang dati yun sa kubo ko pakalat-kalat”. Nawala
na, siguro ay nadala ng baha o baka may nakagusto”, aniya.
“Natatandaan pa baga ninyo yung lugar na pinagkunan noon?”,
tanong ko.
“Oo ah, dahil dito ako nakatira simula noong bata pa ako. Sa
banda roon laang”, sagot niya. “Maluwang na kuwarto yun, kuwadrado, mula doon
papar-un hanggang dito. (Inaturo sa daliri niya). Anung ganda ng pagkasalansan
ng mga bato sa loob pag nakita mo”.
“Puwede po baga akong samahan para makita ko?”
“Hindi ako puwede at di na ako makalakad. Masukal na doon. Apasamahan
‘ta sa asawa ko, alam niya ‘yun”, sabay tawag sa kanyang asawa na lumabas ng
kubo kalong ang isang bata.
Nagkasundo silang asamahan ako, hindi kalayuan pala iyon sa bahay nila. Kalong niya ang bata, kasunod ako ng babae sa kanyang likuran. Madawag, masukal, matinik nga
ang dinaanan namin, sumusuot kami sa ilalim ng mga sanga ng mumunting kahoy na
nakaharang.
Sinamahan ako ng maybahay kalong-kalong ang bata sa madawag, masukal na lugar |
Hanggang siya ay napatigil sabay sabing “may palatandaan
kaming kahoy pero parang natatakpan yata, di ko na makita”.
Di ako nagasalita, nakikiramdam laang, hanggang: “Ayun!”,
sabi ni Manang. “Dini ngani!”, sabay turo sa isang palalim na bahagi.
“Saan po?”
“Yaan mandin”, sabay turo sa isang butas. May 1 ½ hanggang 2
metro kuwadrado ang sukat.
“Saan ang pinto?”
“May butas doon sa baba, ayun oh”
Pero basa-basa pa ng ulan ang paligid, wala akong dalang
flashlight, helmet o niha-niho wala, nakatsinelas pa ako. Hindi talaga ako
handang pumasok doon dahil wala namang plano at karinig ko lamang sa kuwento, wala
pa akong makakasama sa pagpasok. E kung may ahas pati doon.
Ito ang pahagi ng unang butas na makikita papunta sa lagusan. Photo: Eli J Obligacion |
“Ay sige po, alam ko na. Sa ibang araw na laang”, sabi ko kay
Ate, sabay balik na kami sa kanilang kubo.
Bungad sa amin ni Manong, “ano napasok mo?”
“Hindi po ay, wala akong flashlight”.
Kita ko ang panghihinayang sa mukha ng matanda. “Ay di hindi
mo nakita yung maayos na maayos na pagkasalansan ng mga bato?”, sabay munstra ng
kanyang kamay kung paano nakasalansan ang mga bato, “pero wala nang laman yun.
Nalimas na”.
“Sa masunod na laang para makunan ko ng picture ang loob”, sabi ko.
Bahagi ng lagusan. Photo Eli J Obligacion |
Di na ako nakabalik sa lugar na iyon. Di nagkaroon ng
pagkakataon sa loob ng walong taon. Siguro sa tamang panahon muli. Kung may
makakasama pati.
Sa di kalayuan, may mga pirasong batong tila sinadyang gawin bilang bahagi ng taguan ng mga kayamanan. Photo: Eli J Obligacion |