Ang pedestal sa Capitol Park kung saan itatayo ang eskultura ng Bantayog Wika |
Sa Unang Pambansang Asamblea noong 27 Oktubre 1936, sinabi
ni Pang. Manuel L. Quezon sa kaniyang mensahe
na hindi na dapat ipaliwanag pa, na ang mga mamamayang may isang
nasyonalidad at isang estado ay “dapat magtaglay ng wikang sinasalita at
nauunawaan ng lahat.”
Itinatag ang Surian ng Wikang Pambansa alinsunod sa Batas
Komonwelt Blg. 184, “na mag-aaral ng mga diyalekto sa pangkalahatan para sa
layuning magpaunlad at magpatibay ng isang pambansang wikang batay sa isa sa
mga umiiral na wika.”
Ang pagpili ng isang pambansang wika ay ibinatay sa
“pagkaunlad ng estruktura, mekanismo, at panitikan na pawang tinatanggap at
ginagamit ng malaking bilang ng mga Filipino.”
Sa madali’t salita, Tagalog ang napili. At pinili ang
Tagalog sa ilalim ng pamumuno ni Jaime C. de Veyra (Samar-Leyte), at
kinabibilangan ng mga kasaping sina Santiago A. Fonacier (Ilokano), Filemon
Sotto (Sebwano), Casimiro F. Perfecto (Bikol), Felix S. Salas Rodriguez
(Panay), Hadji Butu (Moro), at Cecilio Lopez (Tagalog).
Larawan mula sa Lowela's Site |
Tampok sa pagpili ng Tagalog ang pagkilala rito “na
ginagamit ito ng nakararaming bilang ng mga mamamayan, bukod pa ang mga
kategorikong pananaw ng mga lokal na pahayagan, publikasyon, at manunulat.”
Matatandaang naisulat na sa blog na ito na si Cecilio
Lopez, kinilala bilang ‘Ama ng
Linggwistikang Pilipino’ ay kasapi sa pagpili ng isang pambansang wika na kung
saan Tagalog nga ang napili.
Si Lopez din ang siyang nagsagawa ng masusing pag-aaral sa
wikang sinasalita sa islang-lalawigan ng Marinduque, partikular sa ‘Boak
Tagalog’.
Bahagi ng kanyang naisulat tungkol sa salitang Marinduque ang sumusunod:
“Kapag nakikinig ka sa isang usapan sa pagitan ng mga taong
kasama sa grupo ng panananalita na pinag-uusapan dito, ang isang katutubo na nanggaling
sa lugar na nakapaligid sa Maynila ay malamang na makatanggap ng impresyon na
ang Boak Tagalog ay mas simple, mas imperpektong porma ng kanyang mas napaunlad
na pananalita, isang impresyon na maihahambing sa naranasan sa ilalim ng gayun
ding kalagayan ng isang Englishman, German, o Frenchman, kapag sila’y nakikinig
sa isa sa mga ibat-ibang pananalitang ginagamit sa kanyang bansa.
“Subalit hindi natin dapat limutin, na bagamat iba ang sinunod
nilang pag-unlad, ang mga panglalawigang porma ng mga ganitong salita ang
siyang naging orihinal na mga ugat, o kasama sa mga ugat, na kung saan ang
modernong pambansang porma ay umusbong, at kung saan sa mga ito, kung ganoon,
matatagpuan ang mga labi ng mas sinaunang pananalita ng ating mga ninuno, mga
labing napaglimutan na ng ating modernong pamamaraan ng pananalita, gayunpa ma’y
malaking interes dito ang mga linggwistiko.” (Cecilio Lopez, 1914).
Samakatuwid, gayun kahalaga ang ngayo'y kinikilala bilang Tagalog Marinduque kasama na ang mga sinaunang Tagalog na ginagamit sa lahat ng anim na bayan sa ating minamahal na islang-lalawigan. May mahalagang naging kontribusyon kung gayon ang Tagalog Marinduque sa pagpapalawig pa ng "Wikang Pambansa" na base sa Tagalog, naging "Pilipino" noong 1959, at maghuhunos sa "Filipino" simula noong 1973.
Ayon naman sa Saligang Batas ng 1986, "habang nililinang ang Filipino ay dapat itong payabungin at pagyamanin nang nakasalig sa mga katutubong salitang umiiral sa wikang Filipino at iba pang wika".
Naging malaking bahagi at hindi dapat balewalain ng mga Marinduqueňo na sa pag-unlad ng wikang Filipino ang mga salitang binibigkas sa lahat ng panig ng tinaguriang Puso ng Pilipinas, ang islang-lalawigan ng Marinduque ay mahalaga ang papel na ginampanan sa ating pambansang kultura.
Sa paggunita at pagdiriwang ng Sentenaryo ng Marinduque ngayong taon 2020, kasamang ginugunita ang kontribusyong ito ng lalawigan ng Marinduque sa wikang pambansa na ngayo'y patuloy namang lumalawig pa hanggang sa labas ng bansa.
Ang pagkilala ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (National Commission for Culture and the Arts, NCCA), ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), gayundin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque sa pamamahala ni Centennial Governor Presby Velasco, Jr., ang Tagalog Marinduque ay isasamonumento ngayong taon sa pagtatayo ng isang Bantayog Wika na nakatakdang pasinayaan sa Buwan ng Wika, Agosto ngayong taon.
Ang bantayog ay dinisenyo ni installation artist Luis Yee, Jr. na nagwagi sa isang patimpalak ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang kanyang likha ay gawa sa stainless steel at may tatlong metro ang taas. Ginamitan din ito ng laser technology para ukitin ang sinaunang titik na Baybayin kung saan ilang linya mula sa tula ni Andres Bonifacio, "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan" ang mababasa. Ang ilaw nito ay nagmumula sa loob ng eskultura.
- Eli J Obligacion
Sanggunian: Paglingon sa Ugat ng Komisyon sa Wikang Filipino, Dir. Hen. Roberto T. Añonuevo;
On the Boak Tagalog of the Island of Marinduque, Cecilio
Lopez;
Luma at bagong mga tala pa tungkol sa Tagalog Marinduque, ang 'ugat', Eli J Obligacion