Hulyo 31, 2020, ika-120 taong anibersaryo ng makasaysayang Labanan sa Paye
Mga tala bago maganap noong July 31, 1900, ang engkwentro sa Sitio Paye, Balimbing, Boac na ginugunita ng mga Marinduqueno bilang ‘Labanan sa Paye’.
Ito ngayon ay isang special, non-working holiday sa buong lalawigan naaayon sa RA 9749; inaprubahan noong 2008, na nagdeklara sa Hulyo 31 ng bawat taon bilang Araw ng Labanan sa Paye sa lalawigan.
Bukas, ito ay ipagdiriwang sa bayan ng Boac sa panahon ng pandemya sa pamumuno ni Boac Mayor Armi DC Carrion. May pag-aalay ng bulaklak sa makasaysayang lugar sa Paye kung saan may dambanang nakatayo, subalit ang programa ay sa Boac Covered Court isasagawa sa ilalim ng "new normal" dulot ng pandemya.
Panauhing pandangal si Noel Rene Nieva mula sa lahi ng mga bayani ng Paye na sina Police Delegate Calixto Nieva at 2nd Lt. Gregorio Nieva. Magbibigay din ng kanilang mensahe sina Gov. Presbitero J Velasco, Jr., Cong. Lord Allan Velasco at Mayor Carrion.
Balik-Tanaw
Abril 25, 1900 dumaong sa may Laylay ang dalawang US navy gunboats. Kasama dito ni Col. Edward E. Hardin ang isang batalyon ng 29th US Voluteer (USV) Infantry. Deretso silang nagmartsa sa direksiyon ng Boac at inokupa ang simbahan ng Boac, walang kumontra, walang insidente.
Dahil inakala nilang tahimik sa isla, iniwan ang isang company (A/29) sa Boac at lumisan ang isang company patungo sa iba pang isla para kanilang maokupa.
Larawan ng pagdating sa Laylay ng mga sundalong Amerikano noong 25 Abril 1900 |
Walumput-walong sundalo lamang ang natira, kayat pitumput-dalawang tauhan ng Company D, 38th USV sa pamumuno ni Major Charles H. Muir ang ipinadala rito para reinforcement. Inikot ang isla pero wala silang namataan na mga guerilla at ang mga sibilyan ay namundok na rin.
Unang engkwentro
Mayo 19 isinama nina Muir at Capt. John Jordan ang limamput-pitong tauhan ng D/38 para manmanan ang kabundukan. Nakarating sila sa Santa Cruz at nakarating doon ng 7:00 Linggo ng umaga. Mga 1,000 tao ang kanilang nadatnan na nakikinig ng misa. Nagsipagtakbuhan pagkakita sa mga Amerikano, habang paakyat sa itaas ng bundok ang maraming guerilla.
Nagkaroon ng putukan at ginamitan ng mga Amerikano ng “bush tactics o Indian style” ng paglusob ang mga Pilipino. Ilang oras din ang inabot ng paggapang ng mga Amerikano sa bundok hanggang 300 yarda na lamang ang layo nila.
Tumirada na ng paglusob ang grupo ni Muir. Nagsipanakbuhan ang mga Pilipino sa ibat-ibang direksyon. Naiwan ay anim na patay na Pilipinong sundalo at isang bihag.
Panalo ang mga Amerikano sa unang sagupaan sa Marinduque at wala silang casualty.
Sinundan ni Muir ang kanilang tagumpay sa pamamagitan ng paggalugad sa interior ng isla ng apat na araw. Nakabihag sila ng tatlumput-anim na mga gerilya ni Col. Maximo Abad na nakakalat sa ibat-ibang lugar. Dahil dito, napasuko ng mga Amerikano si Martin Lardizabal ang sibilyan na gobernador at si Abad na ang namuno.
Bilang tugon, ipinag-utos ni Muir na lumabas na sa simbahan ng Boac ang kanyang mga sundalo para magamit naman ng mga tao para sa mga misa ang simbahan.
Pagdating ng Hunyo, ipina-recall ni Bates sina Muir at Jordan at lahat nilang kasamahan (38th USV) sa Luzon at ipinalit sa kanila ang Company F, 29th USV sa pamumuno ni Capt. Devereux Shields.
Santa Cruz naman ang ginawang garrison ni Shields, at dahil tag-ulan tila walang umasa na may magaganap na di inaasahan. Ni wala silang balita tungkol kay Abad.
Kuha sa Sta. Cruz Church nang ginawa rin itong garison ng mga Amerikano, 1900. Larawan mula sa koleksiyon ni Curtis Shepard. |
Si First Lieutenant William S. Wells naman, ang commander sa Boac, ay tila kampante na sa bayan dahil para sa kanya ay tahimik dito. Walang na-appont na over-all commander para sa buong isla.
Ang peligrosong sitwasyon ng mga Amerikano ay lumitaw noong July 31, 1900 ng inambush ng mga gerilya ni Kapitan Teofilo Roque ang isang bihirang pagmamanman sa kabukiran ng grupo ni Lt. Wells. Isang account mula sa The US Army's Pacification of Marinduque, Philippine Islands ni Andrew J. Birtle na pinagmulan ng panulat na ito, ay ganito ang nakasaad:
"The precariousness of the American position became evident on 31 July, when Teofilo Roque's Guerrilla ambushed one of Lieutenant Wells' rare forays into the countryside. Roque's force wounded two Americans and captured two others before the patrol escaped.
"That night the victorious guerrillas set fire to a portion of Boac in an effort to drive the Americans out. In this they failed, though many of Boac's inhabitants fled, leaving the town virtually deserted.
"The episode also succeeded in paralyzing Company A, which retired to the church, venturing out only twice over the next two months..."
Subalit ng maganap ang paglusob sa Paye ng ating mga sundalo ay wala nang urungan, wala nang atrasan. At nasundan pa ito pagkaraan ng isa at kalahating buwan ng isang labanan sa bahagi ng Torrijos-Sta. Cruz na gumulantang sa buong puwersang militar ng mga Amerikano nang makarating ang balita sa Amerika. Naging laman ng kanilang mga pahayagan ang para sa kanila ay mapangahas na pagkilos ng mga Marinduqueno.
Tampok sa mga pahayagan sa Estados Unidos ang naganap sa isla ng Marinduque. Mula sa pananaliksik ni Curtis Shepard (Ulongbeach.com)
Doon nila unang narinig ang tungkol sa isla ng Marinduque at ang matinding pagtanggi at paglaban ng mga taga rito sa pananakop ng mga dayuhan kapalit ng kanilang buhay.