Saturday, August 1, 2020

GCQ sa Metro Manila mula Agosto 1-15; MGCQ pa rin sa Marinduque


Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Biyernes (Hulyo 31) na muli niyang ipinapalawig ang paglalagay sa Metro Manila sa ilalim ng general community quarantine(GCQ) mula Agosto 1 - 15.

Bukod sa National Capital Region, ang mga sumusunod na lugar ay inilalagay din sa ilalim ng GCQ hanggang Agosto 15:

Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna, at Rizal sa Luzon; Lapu-Lapu City, Mandaue City, Talisay City, Minglanilla at Consolacion sa Visayas; at Zamboanga City sa Mindanao.

Samantala, ang natitirang bahagi ng bansa ay mapapasailalim ng modified general community quarantine (MGCQ). Kasama rito ang islang-lalawigan ng Marinduque bilang "low-risk".

Matatandaang ayon sa DOH ang MGQC ay nahahati sa dalawang kategorya: ang isa ay nangangailangan ng "strict local action", localized community quarantine, mahigpit na pagpapatupad ng minimum health standards, at patuloy na paglalagay sa ayos ng sistemang pangkalusugan.

Ang ikalawang kategorya naman ay "low risk areas", kung saan patuloy pa ring ipinapatupad ang minimum health standards (pagsusuot ng face mask, malimit na paghuhugas ng mga kamay at social distancing), gayun din ang pagpapatupad ng mas maayos na sistemang pangkalusugan.