Saturday, October 10, 2020

10 de Octubre 1897 sa Kasaysayan ng Marinduque: Kakambal na ng pangalan ng bayaning si Hermenegildo Flores

  

Ganito pa ang anyo ng Simbahan ng Boac ng mga 
panahon nina Hermenegildo Flores

 Sino baga talaga ang bayaning Marindukenyong si 

HERMENEGILDO FLORES?  


(Boac, Marinduque) - Kasamahan siya nina Marcelo H. del Pilar, Andres Bonifacio, at Emilio Aguinaldo. Si Hermenegildo Flores kasama si Remigio Medina, pawang mga rebolusyonaryo ay pinaslang sila noong 10 de Octubre 1897 sa Casa Real ng Boac. Gabi ng kapistahan ng Santo Rosario.

Si Flores na namuno sa Rebolusyonaryong Puwersa sa Marinduque laban sa Espanya, ay sadyang hindi binigyan ng pang-Kristiyanong libing. Sinunog ang kanyang malamig na bangkay sa Ilog Boac kasama ang bangkay din ni Medina ng Torrijos.

Higit sa isang-daang taon pa ang lumipas bago naging maliwanag kung sino talaga si Hermenegildo Flores. Masasabi ko po sa mga mambabasa na ang inyong abang lingkod lamang, sa pamamagitan ng mahaba at masusing pananaliksik, ang nakapagtagni-tagni ng ilang mga mahahalagang datos. Naging maliwanag sa pag-aaral na si Hermenigildo Flores, ang kinilalang makata, ang siya ring 'Hermenegildo Flores' na namuno ng Himagsikan sa isla ng Marinduque.

Si Flores, mula siya sa Bulacan, ay kaibigan ni Hen. Emilio Aguinaldo. Taliwas sa paniniwalang mababasa sa ilang nailimbag na tala na hindi raw nakipaghamok si Flores, maliwanag na iniwan niya ang kanyang pagsusulat para direktang makibaka at sa isla ng Marinduque siya nadestino. 


Nagtungo si Flores, una sa Mindoro, kasunod sa Marinduque (na bahagi noon ng Mindoro), sa huling bahagi ng 1896, para hikayatin ang mga makabayan sa dalawang lugar na ito na manindigan para sa Kalayaan. Sa Napo Sta. Cruz, Marinduque kung saan noong una pa siya namalagi itinayo niya ang kanyang kuta. (The Philippine Revolution, Gregorio F. Zaide, footnote on page 145).


Pinangunahan ni Flores ang paglusob sa Casa Real ng Sta. Cruz noong Marso 4, 1897. Noong Marso 23, 1897, (petsa ng panunumpa ni Aguinaldo bilang Pangulo ng revolutionary government), tinipon ni Flores sa Sta. Cruz ang mga makabayan ng Mindoro at Marinduque. Ang tawag sa kanya ng mga taga-rito ay si 'Kang Bindoy'. Si Flores ang namatnugot sa pulong kung saan ay si Mariano Ricaplaza (ng Sta. Cruz), naman ang naging Kalihim. Sa pagpupulong na iyon, matapos ang mahabang pag-uusap ay nanumpa ang mga sumapi ng kanilang katapatan at pag-anib sa Rebolusyon. Sa pagkakataong iyon ay nahirang na Gobernador ng Mindoro at Marinduque si Flores (provisional revolutionary government).


Marcelo H. Del Pilar

 



Andres Bonifacio

 FLORES-DEL PILAR-BONIFACIO

 Si Flores ay kaliga nina Marcelo H. del Pilar at Andres Bonifacio bilang mga makata na sukdulan ang pagmamahal sa bayan. Silang tatlo ay nagkaroon ng katangi-tanging ugnayan sa pamamagitan ng trilohiya (trilogy) ng mga tula na nagpapahayag ng mga sentimyento mula sa konsepto ng repormismo hanggang sa paghihiwalay ng Pilipinas sa Espanya. Lumitaw ang trilogy na ito sa huling dekada ng ika-19 na siglo.

 Si Flores ang sumulat ng una sa trilohiyang ito sa TAGALOG NOONG 1888. Ito ang “’HIBIK NG FILIPINAS SA INANG ESPANYA”. Sa panahong ito ay nasa London si Dr. Jose Rizal at nagsasagawa ng pananaliksik para sa kanyang anotasyon sa isinulat ni Morga tungkol sa Pilipinas.

Ang “Hibik” ay binubuo ng 66 quatrains (mga saknong), kung saan ang makata na nagsasalita bilang isang pinahihirapan na anak na babae ay nagbubuhos ng kanyang pangunahing karaingan sa Inang Espanya – tulad ng mga pang-aabuso ng mga prayle, ng mga pari!

 (Ang anak na babae ay ganito ang reklamo):

"Sa bawat kapaki-pakinabang mo, ayaw ng prayleng ako'y makinabang, sa mga anak ko ay ibig lang isip ay bulagin, ang butas ay takpan ".

(At tinutukoy niya):

"Sa pag-unlad ng kanilang yaman bendita't bendisyon lamang ang puhunan, induluhensiya't iba't ibang bahay ng mga sagrado naman ang kalakal ".

Kaya’t si Flores ay isang propagandista na may ginampanang papel din sa buhay ni Marcelo H. del Pilar, ang nangunguna sa mga propagandistang Pilipino noong panahong iyon.

Tinagurian sa panulat ni Bienvenido Lumbera (National Artist) na si Flores ay "dating guro at kapwa propagandista" (former teacher and fellow propagandist), ni Del Pilar. (Tagalog Poetry, 1870-1898: Tradisyon at mga Impluwensya sa Pag-unlad nito, ni Bienvenido Lumbera).



Bahagi ng 66 na quatrains ng Rebolusyonaryong Tula ni Flores

 Isang makasaysayan pang yugto ang magaganap pitong taon mula ng maisulat ni del Pilar (1889), ang kanyang sagot sa tula ni Flores,  “Sagot ng Espana sa Hibik ng Pilipinas” (1889). Mas mahaba with 82 quatrains.



(Itaas) Bahagi naman ng kasagutan ni Marcelo H. Del Pilar sa Rebolusyonaryong Tula ni Hermenegildo Flores. Ang tula ni Del Pilar ay may 82 quatrains.

 Dahil noong 1896, ang nagtatag ng Katipunan, si GAT ANDRES BONIFACIO ay sumulat din ng kanyang kasagutan naman sa FLORES-DEL PILAR COMPANION POEMS!

Ito ang “Katapusang Hibik nang Pilipinas sa Ynang Espana” na tinawag na “the climactic moment to the history of Tagalog poetry during the 19th century”. Sa tula ni Bonifacio ang terms of endearment na ginamit sa mga tula nina Flores at Del Pilar ay hindi na ginamit. Ang Espanya ay tinurang “Inang pabaya’t sukaban” at “Inang walang habag.


Bahagi naman ng panghuling kasagutan ni Gat Andres Bonifacio sa magkakambal na tula nina Flores-Del Pilar ang "Katapusang Hibik ng Pilipinas sa Inang Espanya"

Dalangin ng marami kasama na ako na sa susunod na mga aklat ng kasaysayan ay mabigyan lamang ng kaukulang mga pahina ang naging buhay, pakikipaglaban at pagkamatay ng dahil sa bayan ng bayaning si Hermenegildo Flores.

Higit sa lahat, mapahalagahan at kilalaning lubos ng mga Kabataang Marindukenyo ang ating mga bayani sa pangunguna ni Hermenegildo Flores.


Marker ng kasaysayan sa Casa Real ng Boac