Mula sa Daily Tribune:
Tinanghal si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco bilang bagong Speaker ng House of Representatives sa isang makulay at makasaysayang sesyon ng mayorya na isinagawa sa Celebrity Sports Plaza ngayong Lunes sa Quezon City.
Tagumpay ang pagsibak na nangyari kay Taguig Rep. Alan Peter
Cayetano bilang Speaker matapos na ideklara ng mga mambabatas na bakante ang
naturang posisyon alinsunod sa mosyon ni Buhay Rep. Lito Atienza.
Matapos masegundahan ang mosyon ni Atienza na walang tumutol
ay nagsagawa ng roll call ang sesyon na umabot sa 186 miyembro kumpara sa 151
majority count na kailangan.
Ang abogadong si Velasco, 42, ay inihalal na bagong Speaker sa mga sumunod
na pangyayari matapos na siya ay inomina ni 1-Pacman party-list Rep. Michael
Romero at ng iba pang mga mambabatas. Tulad ng naunang bilangan sa pagdeklara
na bakante ang posisyon ng Speaker, walang tumutol sa pagluklok kay Velasco
bilang bagong pinuno ng House.
ANG plenary session na ginanap sa Celebrity Sports Plaza.
Bago ang pagpupulong, nagpahayag si Pangulong Rodrigo Duterte at ang anak niyang si Davao City Mayor Sara Duterte ng suporta sa pagtupad sa term-sharing agreement sa pagitan nina Cayetano at Velasco.
Sa ilalim ng agreement na tinalikuran ni Cayetano, tatanganan niya ang speakership sa loob ng 15 buwan at ito ay itutuloy naman ni Velasco bilang bagong Speaker pagpatak ng ika-14 ng October ngayong taon.
Nauna rito ay itinalaga ng mga kongresista si Jocelia Bighani Sipin bilang bagong House secretary-general at si Maj. Gen. Mao Aplasca bilang bagong Sergeant at Arms.
Idineklara sa sesyon na ang mace na ginagamit nila ang siyang magiging opisyal na mace ng House of Representatives oras na mag-resume ang sesyon sa Batasang Pambansa Complex.
Sa kanyang mga pahayag sa media, siniguro ni Velasco ang maayos na pagtupad ng House sa tungkulin nito sa ilalim ng kanyang liderato, kabilang ang pagpasa ng 2021 national budget.
Habang isinasagawa ang kudeta laban sa kanya ay nag-Facebook line naman si Cayetano para igiit na illegal ang sesyon sa Celebrity Sports Plaza.
Kapansin-pansin sa FB live ni Cayetano ang kakaunting natira sa mga kapanalig niya.
Bago ang sesyon na nagluklok kay Velasco ay isang manifesto ang inilabas ng mayorya na nagsabing lubha nilang ikinagalit ang mala-diktador na pagtigil ni Cayetano sa deliberations ng national budget upang mapigilan ang pagtanggal sa kanya.
Anang manifesto: “In accordance with Section 13, Rule 3 of
the Rules of the House of Representatives, of the 18th Congress, we call to
assemble, move to and cast our vote to declare the position of Speaker VACANT
on Monday, October 12, 2020. Further, also in accordance with the same section,
we will move to and cast our vote to declare Representative Lord Allan Velasco
of Marinduque as Speaker of the House of Representatives of the 18th Congress.