Friday, May 28, 2021

May 28: National Flag Day; Unang pagkakataong iwinagayway ang bandila sa Boac, Marinduque, Hunyo 27, 1898

Presidential Proclamation No. 374 ay nagdeklara na Mayo 28 ang National Flag Day. Ginugunita ang araw kung kailan ang pambansang watawat ay unang iwinagayway ng matalo ng puwersa ng rebolusyonaryong Filipino ang puwersang Espanyol sa Labanan sa Alapan, Imus, Cavite noong 1898.

Ang pagkamakabayan ng mga Marindukenyo ay naisuat sa maraming mga tala noong panahon ng Digmaang Filipino-Espanyol, Digmaang Filipino-Amerikano, at Digmaang Filipino-Hapon. Kung tutuusin, ang mga pinuno ng Marinduque na pinamunuan ni Gobernador-Militar Martin Lardizabal ang mas nauna kaysa sa alin mang provinsya sa pagdedeklara ng paghiwalay mula sa pamamahala ng Espanya sa Pilipinas.

Nang ang pinakahuling natitira pang mga casadores ng Espanya ay umalis sa Marinduque noong Abril 23, 1898, idineklara ng Marinduque ang kalayaan nito mula sa Espanya. Naganap ito sa petsang nabanggit sa pamamagitan ng isang pormal na pagpupulong at pagpapatibay ng mga kinatawan (mga opisyal ng bayan at ilustrados) mula sa limang munisipalidad ng Boac, Gasan, Mogpog, Sta. Cruz at Torrijos. (Buenavista, dating Sabang ay bahagi pa ng Gasan).

Ancestral house ng Lardizabal-Trivino*. Larawan ni Phil Lim

Hindi nakakagulat kung gayon, nang ang unang Watawat ng Pilipinas ay dinala sa Marinduque makalipas ang dalawang buwan, at makalipaas ang dalawang linggo nang idineklara ni Gen. Emilio Aguinaldo sa Kawit,Cavite ang kasarinlan ng Pilipinas.

Napakalaking kaganapan sa bayan ng Boac, Marinduque ang pagtitipon ng mga taga rito upang bigyang pagpupugay ang watawat. Naisulat ni Ramon Madrigal, ang mahalagang tala ng lokal na kasaysayan tungkol sa pagsalubong ng mga Marindukenyo sa watawat:

 

"Noong Hunyo 27, (1898), mensahero ng Gobernador (Gobernador Martin Lardizabal), na si Canuto Vargas, ay dumating sa Boac na dala-dala ang unang Watawat ng Pilipinas para sa Lalawigan ng Marinduque. Isang malaking pulutong ng mga tao ang nagtungo sa Bundok  Santol upang salubungin ang Bandila habang ang tagadala ng watawat ay pumapasok sa bayan sa Calle Real.
"Napakaraming mga tao ang sumalubong pero ang Bandila na nakatali sa dulo ng mahabang poste ng kawayan ang makikitang dahan-dahang gumagalaw, hindi makita kung sino ang tagadala ng watawat.

"Nang nakarating pa lamang sa panlalawigang gusali* nakilala kung sino ang may dala at nakilala ngang si Cabuto Vargas, isang maliit na tao, pawisna pawis at mukhang pagod na. Ang mga tao ay tuwang-tuwa na makita at hangaan ang kauna-unahang watawat ng Pilipinas sa lalawigan ng Marinduque -  ang Bandila na kanilang kinilala at iginagalang ng labis na may pagmamahal."

(* Ayon sa tala, ang gusaling tinutukoy dito ay ang tahanang Lardizabal-Trivino na nasa tapat ng Boac covered court ngayon.)