Monday, October 25, 2021

1590, 1595: Mga nakatagpo sa Marinduque ng Kastilang historyador, Padre Pedro Chirino

Makailang ulit din palang nadalaw si Padre Pedro Chirino (1557-1635), sa isla ng Marinduque, ang dakilang historyador na Kastila, isang Jesuitang misyonero.

Pagdating pa lamang sa Pilipinas mula Espanya at Acapulco ay sumadsad noong Hunyo 1590 sa Marinduque ang kanyang sinakyang almiranta. (Galing naman ang barkong ito mula sa Lima, Peru bago nakarating ng Acapulco).

Nakatala sa mga pananaliksik tungkol sa mga nadisgrasyang mga galleon na ang nasabing almiranta ay 'shipwrecked in Marinduque'. Tinagurian pa ng ilan na ito raw ay 'silver galleon' na laman ay hindi birong mga kayamanan. Ito ang galleong San Ildefonso. * (Basahin sa ibaba kung paano ko itong napangalanan)

Halos isang buwan din ang lumipas bago nakabalik sa Maynila sina Padre Chirino at mga kasama niya. Ang kanyang barko ang nagsilbing almiranta ng "Santiago" na mas naunang dumating sa daungan sa Cavite lulan ang bagong Gobernador ng Pilipinas, si Gomez Perez Dasmarinas.

May tala pa rin na makalipas ang panahon na sa pagtatag ni Chirino ng misyon sa Tigbauan sa Iloilo ay dumaan siyang muli sa Marinduque (1595), sa may bahagi ng ngayon ay Torrijos. Ang ruta niya dito mula Maynila ay tumahak ng Taytay, Tanauan, Taal, Batangas, deretsong Calilaya hanggang Marinduque patungong Iloilo. Tingnan ang mapa.



Maaaring hindi na bago sa kanila ang lugar na ito dahil sila nga ay napadpad sa isla limang taon na ang nakalipas.

Habang nasa Marinduque siya at mga kasamahan sa barko ay hindi sila nag-aksaya ng panahon para masiyahan sila sa kakaibang mapaglilibangan sa isla. Isang tala ang nagsabi na nagawa pang manghuli sila ng mga usa rito gamit lamang ang kanilang mga kamay:

“This was the island of Malindig, hispanized into Marinduque, where it may be recalled Chirino stopped on his way to found the mission of Tigbauan, and his ships’s company had a marvelous time catching deer with their bare hands.”

Tungkol sa unang kakaibang karanasan niya sa Marinduque ay naisulat ni Chirino ang kanyang nagisnan sa islang ito. Maaalala na noong unang dumaong siya sa Marinduque mula Acapulco ay naobserbahan rin niya ang pag-uugali at paniniwala ng mga taga rito. 



Aniya: 

“Halimbawa nito ay nuong unang dating ko sa Pilipinas. Sa pulo ng Marinduque ako dumaong nuong Mayo 1590, abot ng 140 kilometro mula sa Manila. Nagsiyasat nuon sa luoban ng pulo ang isang pangkat ng mga sundalong Espanyol, pinamunuan ng isang teniente (ensign). Inabot sila ng gabi sa isang barangay at humingi sila ng tangkilik sa mga tagaruon.

“Sagdag sa pagkain at inumin na ibinigay sa kanila, inalok pa sila ng mga katutubo ng 2 babae na masisiping nila. Agad pinabalik ng teniente ang mga babae sa barangay at hinayag sa mga taga-baranggay na kasalanan sa Dios ang ginawa nila.

“Subalit may ibang Espanyol na, higit na mapusok sa pagkamit ng kanilang mga mithi, ay hindi lamang tumanggap ng mga alok, kundi naghahanap pa talaga ng mga babae na masisiping.”


Mga dapat basahin:

1). *Hindi nagawang pangalanan ang galleon na ito sa lahat ng authoritative books tungkol sa paksang   shpwrecks sa Pacific, hanggang ngayon, tulad ng:  The Manila-Acapulco Galleons, Treasure Ships of the Pacific by Shirley Fish; Shipwrecks of the Philippines, Tom Bennett, at Maritime Disasters in Spanish Philippines: The Manila-Acapulco Galleons, 1565-1815 by Efren B. Isorena ('Almiranta' lamang ang nabanggit dito)

2) The Dasmarinases, Early Governors of Spanish Philippines, by John Newsome Crosslry (Nalimbag noon lamang 2016, dito makikita ang tungkol sa San Ildefonso at kung paano ito nasangkot, naglayag mula Acapulco hanggang mabahura sa Marinduque).

3) Relacion de las Islas Filipinas, 1595-1602, by Pedro Chirino

4) History of the Society of Jesus in the Philippine Islands, Vol. 1 The Philippine Mission (1581-1595)

4) The Philippine Islands, 1493-1898, by Blair & Robertson