Monday, July 24, 2023

Dating laman ng ilang mga kuweba sa Marinduque

 

Babaeng Pastores, Marinduque.
Mula sa dating Koleksyon ng Museum of Man (Oceania).

Napakaraming kuweba sa ibat-ibang panig ng Marinduque. Marami rito ang napasok na sa ngayon pero marami pa rin, dahil sa mga di madaling maipaliwanag na dahilan, ay hindi pa napapasok.

Hindi na rin bago na marinig mo ang mga kuwento na may mga nakatagong lagusan sa ilan sa mga kuwebang ito patungo sa kabilang dagat sa Hilaga ng isla, pero meron ding nagsasabing papunta yun sa kabilang ibayo ng mga kababalaghan. 


Maliit na ataol (Marinduque).
Mula sa dating Koleksyon ng Museum of Man (Oceania)

Samakatuwid, maraming kuweba sa Marinduque ang hindi pa ganap na nasisiyasat. Hanggang kamakailan lamang ay ilang ahensya ng pamahalaan ay naisipang pasukin ang ilan dito para pag-aralan ang mga ito - mga maiidagdag pa sa kasaysayan, mga buhay na bagay na naninirahan dito, mga sekreto nito at kung ano-ano pa.


Tampok naman sa ibang kuweba sa Marinduque ang mga paranormal orbs.
Kuha sa San Isidro (Bagumbungan) Cave.

Noong ika-18 na siglo, may mga siyentipikong dayuhan na dumayo dito para mag-imbestiga. Hindi sila nabigo (sina Fedor Jagor (German-Russian), at Antoine Alfred Marche (French). Pinagkaguluhan sa ibang bansa ang kanilang mga nadiskubre at mga nahukay nang kanila itong isulat. Mga prehistoric artifacts at ebidensya na nagpatunay na mayroon ngang mga nanirahan sa isla ng Marinduque libong taon na, na hanggang ngayon ay hindi pa ganap na maipaliwanag.


Lalakeng Pastores (Marinduque).
Mula sa dating Koleksyon ng Museum of Man (Oceania)

Sa malaking pulo ng Gaspar, maraming nahukay si Marche - mga kakatwang bungo, kalansay, banga, mga palamuti sa katawan gawa sa ginto at iba pa. Sa ilang kuweba sa timog-kanluran ng Boac na pinamahayan ng mga paniki sa loob ng daan-daang taon, nabatid nila na naglalaman din ang mga ito ng buto ng tao at iba pang mga labi. 


San Isidro (Bagumbungan) Cave. Mga orbs.
Kung minsan naroon sila, minsan ay wala naman.
Ang isa pang malaking yungib sa lugar ding iyon na natatabunan ng makapal na mga halaman ay napasok ng Pranses bagamat napakaliit ng lagusan. Sa isang kuweba naman sa bandang Silangan na may mga 70 metro ang taas ay mga buto ng tao pa rin ang kanyang namalas, mga urno at mga sinaunang aksesorya.

Sa isa pang kuweba sa Sta. Cruz ay ganoon din ang kalagayan. Na ito ay ginamit ng mga katutubo noong unang panahon sa ibat-iba nilang mga pakay o ritwal ay hindi maitatanggi.


Isang uri pa rin ng Pastores. Marinduque.
Mula sa dating Koleksyon ng Museum of Man (Oceania)

Ang isang yungib na ginawang libingan sa Pamintaan ay hindi man lamang nagalaw, kayat suwerte si Marche sa kanyang mga nadiskubre. Walang duda si Marche na iyon ang libingan ng isang makapangyarihang tao base sa mga sinaunang kayamanang kanyang nahalukay at inuwi.

Takip. (Marinduque) May disenyong mga reptile.
Mula sa dating Koleksyon ng Museum of Man (Oceania).

Maaaring sa ngayon ay napaglimutan na ang marami sa mga kuwebang ito base sa mga naisulat na pangalan ng mga ito na tila wala na ngayon, maaaring naglaho na sa memorya ng mga katutubo. Ilan dito ay ang kuweba ng Macayon, gayun din ang May-Igi at Padua na ani Marche ay nasa bandang Boac.


Maliit na ataol kasama ang mga kalansay at bungo.
Mula sa dating Koleksyon ng Museum of Man (Oceania)

Sa maliit na daungan ng San Andres ay may mga kuweba rin daw at nasa tuktok ng isang bundok sa malapit doon ang isa pa aniya. Sa Gasan ay may mga nahukay rin siyang ibat-ibang artifacts tulad ng maliit na tibor, perlas, mga bungo at banga. May sinabi itong kuweba ng Antipolo kung saan nahukay ang mga estatwang gawa sa kahoy. Sa mga kuweba ng Manoqu at Salombog ay may mga bungo, mga maliliit na tibor, at malaking sirang plato.


Lalaking Bulol mula sa Mountain Province.
Inilalarawan lamang ang pagkahawig nito sa mga estatwang nakuha sa mga kuweba ng Marinduque.
Isang kilometro, ani Marche, mula sa Pamintaan malapit sa Boulen ay naroon ang kuwebang may lamang mga inukit na bagay, sa mga kuweba ng Moupon naman ay mga itlog ng Tabon* (Philippine scrubfowl) ang laman. 

Ginamit naman ang imaheng ito ng Teatro Balangaw sa
ilang pagtatanghal para ipakilala ang mga Pastores ng Marinduque.
Ano pa kaya ang naghihintay na madiskubre sa mga kuweba ng Marinduque?