Saturday, June 25, 2016

MIMAROPA tsunami talk para lamang sa kaalaman mo



Sa isang disaster preparedness info campaign na isinagawa sa Romblon ni Dr. Renato Solidum, pinuno ng Phivolcs, nagbabala ito na ang mainland Palawan ay walang active fault pero puwede pa rin itong tamaan ng mga tsunami.  

“Ang Palawan ay maaaring maapektuhan ng tsunami na manggagaling sa alin mang dagat sa magkabilang bahagi ng isla", ani Solidum.

Ang lahat ng mga isla sa rehiyon aniya, tulad ng Mindoro, Marinduque at Romblon ay maaaring tamaan ng mga tsunami. Ang mga nabanggit na mga isla ay may mga aktibong fault, di tulad ng Palawan.

Matatandaang sinalanta ng isang tsunami na may taas na walong metro ang bahagi ng Mindoro noong November 15, 1994, na pumatay sa 78 katao at sumira sa 7,566 na mga kabahayan matapos maramdaman doon ang isang 7.1 magnitude na lindol. Nabalisa rin ang mga taga-Gasan nang nakarating hanggang sa kanilang lugar ang isang minor tsunami naman.

Ang 1994 Mindoro earthquake ay lumikha ng isang tsunami na tumama sa bahagi ng Mindoro, ng Verde Island, Baco Islands at bahagi ng Luzon. Ang epicenter nito ay nasa Verde Island Passage, na pumapagitna sa Luzon at Mindoro.




Dahil ang MIMAROPA ay maaring mahagip ng mga ganitong geologic hazards, idinagdag pa ni Dr. Solidum na kailangang maging handa ang mga residente sakaling dumating ang mga ganitong pangyayari. Ang pag-inspect ng mga bahay, mga gusali at mga iba pang istruktura at pagtitiyak ng pagsunod sa building code ay makakatulong aniya na maibaba ang bilang ng mga namamatay o nasasalanta sa mga lindol. Dapat din aniya na alamin kung saan ang pinakamatibay na bahagi ng bahay o gusali, at alamin ng mga tao kung ano ang dapat gawin pagkatapos ng lindol.

Sinabi rin niya na ang mga komunidad na nasa baybayin ng dagat, ay dapat maging alerto sa mga natural na senyales ng tsunami - tulad ng pagyanig ng lindo (a felt earthquake), ang pagbaba ng tubig dagat (a sudden change in seawater level), at hugong (a loud rumbling sound). Mahalaga ito dahil ang tsunami na naging sanhi ng paglindol malapit sa baybayin ng dagat ay maaaring dumating sa loob lamang ng dalawa hanggang limang minuto, dagdag pa niya.



Iba pang tungkol sa tsunami:

1. Ang tsunami ay magkakasunod na pagkalalaking alon sa dagat na sanhi ng mga lindol na naganap sa ilalim ng dagat, o landslide, o pagputok ng bulkan sa ilalim pa rin ng dagat. Maari ring ang tsunami ay maging sanhi ng pagbagsak sa karagatan ng isang higanteng meteor. Ang mga higanteng alon ay maaaring umabot ng higit pa sa 100 talampakan.

2. Halos 80% ng tsunami ay nagaganap sa mga lugar na sakop ng Pacific Ocean's 'Ring of Fire'.

3. Ang unang alon ng tsunami karaniwan ang hindi pinakamalakas, kundi ang mga kasunod na alon ang mas malalaki at mas malakas.

4. Ang mga tsunami ay may mga bilis na mula 500 milya o 805 milya sa isang oras, halos kasing bilis ng isang jet plane.

Ang tsunami sa Mindoro ay umabot ng 8 metro ang taas.
Makikita sa larawan kung gaano kataas ang 3 metro pa lamang
kung ihahambing sa isang taong may taas na anim na talampakan.
(Ang mga larawan sa itaas ay mula sa ibat-ibang Internet sources)

Philippine Fault Lines