Sunday, July 24, 2016

New! Kapitolyo de Marinduque: Pagkagumon sa katiwalian hindi na masawata?

"Absence of thorough assessment, work designs and study of one particular project may lead to its ambiguous implementation that could further result to delayed completion, and consequently, the use thereof by the public coupled with dubious assumptions from various stakeholders. The irregularity could also draw the attention of the media and the public, casting a bad image on public service." - COA

Naging kaugalian na pala talaga ng mga kinauukulan sa pamahalaang panlalawigan ng Marinduque ang hindi pagsunod sa mga patakarang nakasaad sa Section 17.6, Rule VI ng Revised TRR ng RA 9184 - Detailed Engineering para sa Procurement sa Infrastructure Projects. Lumalabas na ang tahasang pagsuway sa mga hakbangin na dapat munang isagawa hinggil sa bidding o kontrata para sa mga infrastucture projects ay nakaugalian na at bale wala ang batas para sa mga kinauukulan. 

Hindi maikubling ehemplo lamang ng iregularidad. Hindi nagkamali ang COA.
 Isang post mula sa FB ng Bagong Marinduque.

Ito ang suma-total ng karagdagang obserbasyon ng Komisyon ng Audit hinggil sa sistemang umiiral sa kapitolyo ng Marinduque. Tungkol pa rin ito sa P300-M loan ng lalawigan sa Development Bank of the Philippines na nilagdaan ng magkabilang panig noong October 20, 2015. Para diumano ito sa mga infrastructure projects tulad ng pagsesemento/rehabilitasyon/pagsasaayos ng Farm to Market Roads at pagtatayo/pagkompleto/rehabilitasyon/pagpapaayos ng mga multi-purpose buildings na dahil dito ay nagsagawa ng public bidding noong Marso 9, 2016.

Sa isinagawang pagsusuri ng nasabing ahensya sa mga dokumentong may kinalaman sa mga nasabong proyekto, napag-alaman na wala naman palang detalyadong engineering na mandatory ayon sa batas, matapos dapat gawan ng feasibility o preliminary engineering study at iba pang patakaran na dapat sinusunod at wala rin pala dahil hindi isinagawa ang mga ito sa usaping milyon-milyong salapi ng bayan ang gagamitin at babayaran sa higit sampung taon.

Ayon sa COA, inamin ng Provincial Engineer sa pamamagitan ng isang liham na wala ngang detailed engineering na isinagawa para sa lahat ng mga proyekto na popondohan mula sa inutang. Nagawan daw naman nila ito ng Program of Works (POWs), ayon pa rin sa Provincial Engineer. Inilahad naman ng COA na walang POW na dapat aprubahan kung walang detailed engineering.

Bukod sa rito, sa isinagawang physical inspection ng Audit Team sa mga diumano ay project sites, lalo na iyung may mga panaka-nakang sementadong daan, napag-alaman na ang mga hangganan o haba ng bawat proyekto ay hindi agarang matantiya dahil ang mga boundaries sa mga dati ng nakumpleto/sementado na at sa kung alin ang isasagawa ay hindi naman naka-specify at hindi matiyak kung saan.


Bahagi ng Audit Observation Memo No. 16-05 ng COA, March 28, 2016

Tungkol naman sa ibat-ibang diumano ay multi-purpose buildings, wala rin namang isinagawang pre-repair o pre-improvement inspection reports. Province-wide daw ang gustong ipatayo, ipakumpleto, ipaayos, ipa-rehabilitate, isaayos na multi-purpose buildings. 

Subalit dahil sa kawalan ng mga nasabing report, ipinaalam ng COA na katakatakang makakagawa ng POW dahil wala namang pre-determined individual scope of work at mga disenyo. Maaring ihambing sa pagpapagawa ng mga gusali na wala namang disenyo.

Ang mga report na ganito anang COA na maaari ding in narrative form ay dapat anyang kasama sa feasibility study na maari namang gamitin bilang basehan sa pag-gawa ng detailed engineering.

Napag-alaman din ng COA na ang mga gusali na hinati sa apat na packages bagama't nasa ibat-ibang lugar sa buong lalawigan ay pinagsama-sama sa iisang Program of Work package (lumped into one Program of Work package). Dahil dito ang pag-evaluate ng kakayahan ng magiging contractors ay masalimuot sa usapin na pang-ekwipo at paggamit ng manpower, ayon sa Komisyon.

Dahil sa kawalan aniya ng mga assessment, work designs at pag-aaral ng alinmang partikular na proyekto ay maaring humantong lamang sa may kalabuang implementasyon, na tiyak na hahantong lamang sa nabalam na pagkukumpleto ng proyekto, paggamit dito ng publiko at kasama na rito ang hindi kaaya-ayang palagay ng mga nasasakupan.


Bahagi pa rin ng kaukulang AOM ng COA. Ina-dedma talaga?

Dinagdag pa ng COA na ang iregularidad na ito ay maaaring makahatak ng pansin ng media at publiko, na magdudulot ng masamang imahe sa serbisyong pampubliko.

Sa lalong madaling panahon aniya ay dapat pawalang bisa ang naganap na public bidding dahil sa hindi pagsusod sa mga kailangan munang isagawa na naaayon sa Annex A ng Revised IRR ng RA 9184, at ipag-utos kaagad ang kanselasyon ng mga naigawad na mga kontrata sa mga nanalong bidders.

Binigyan din ng COA ang mga kinauukulan ng taning para sa kanilang masasabi subalit lumalabas na binabale-wala ng mga kinauukulan ang lahat ng detalyadong pagsusuring isinagawa ng ahensa.

Dahil nga kaya sa pagkagumon na ng kinauukulan sa katiwalian na hindi na kayang masawata?

Ano kaya talagang uri ng "Change is Coming" ang madating, kung mayroon man, sa lalawigan ng Marinduque? Ga-nood ka na lamang baga?