Wednesday, December 5, 2018

Mahiwagang bundok sa Marinduque na naisulat na bago pa man ang pananakop ng mga Kastila

Ang mahiwagang tuktok na bahagi ng Mt. Malindig (Lo-Huang), na tinaguriang Makulilis Peak & Rockies. Precolonial era pa lamang ay naisulat na ito. Ming dynasty period.
Sa Mao-li-wu (Marinduque) ay may naisulat nung unang panahon tungkol sa pangangalakal ng mga taong Tsina sa ating panig ng mundo. Panahon ito ng Yong-le Emperor ng Ming dynasty.

May tinagurian silang isang “bantog na tanawin”. Ito raw ang Bundok Lo-Huang at sa tuktok daw nito ay may puting bato.

Sa Marinduque, ating magandang islang-lalawigan, ay iisa lamang ang maaaring pinupuntirya ng banyagang manunulat at ito ay ang Bundok Malindig. Lalo na at mayroon naman sa isang tuktok nito na ‘puting bato’ na nakabibighani kapag makita mo ng malapitan at maglakbay ka sa bahagi nito na sakop ng Torrijos.

Kung mahiligin ka namang maghalukay sa mga lumang paniniwala ng mga katutubong Marinduqueno, mga iningatang paniniwalang namana nilang nakatira malapit sa bundok ay maaaring maibahagi sa iyo ito. Ang kuwentong lihim tungkol sa isang lagusan doon papunta sa daigdig ng kababalaghan.




Ang kanilang paniniwala ay doon sa puting bato, Makulilis Peak (ang bansag dito sa ating panahon), nagsisimula ang isang mahiwagang lagusan. Sa kaisipan ng mga may ganoong paniniwala at kayang ipagtanggol ito, ay doon mismo sila nagtutungo para makasalamuha ang mga taong nakatira sa kabilang daigdig na iyon. Daigdig ng mga ginintuang palasyo, ginintuang caruaje, mga dwende, engkanto, engkantada, kasiyahan at kakaibang kapangyarihan.

Subukin mo kaya namang akyatin at makihalubilo sa kanila?



Mga larawan ng Makulilis Peak & Rockies sa bahagi ng Dampulan. Courtesy of Morion Mountaineers Sta. Cruz Marinduque.