Wednesday, April 24, 2019

May hawak na susi ang Marinduque sa usaping Bajo de Masinloc?


Ngayon pa lamang matatalakay ang kinalaman ng isang pinakatatagong yaman ng Marinduque sa bagay na ito.

Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal). Photo: NASA

Inapakatago-tago talaga at hindi basta-basta makikita ang deklaradong National Cultural Treasure ng Pilipinas na tinatawag na Marinduque Celadon Jar. 

Ayon sa paglalarawan ng National Museum, nagmula raw ito sa Yuan Dynasty (1280-1368), kaya tinatawag din itong Yuan Celadon Jar. Sa katawan nito ay may embossed na “Chinese dragon” at isa ito sa tatlo lamang daw na bangang may ganitong uri sa mundo.

Marinduque Celadon Jar (Yuan Dynasty),
a National Cultural Treasure

Sung, Yuan, Ming
Nauna ang Sung at Yuan kaysa sa Ming dynasty (1368-1644).  Ang maayos na naitalang pakikipagkalakalan naman ng mga taong Tsina sa Marinduque (na Mao-li-wu o Ho-mao li ang tawag ng Intsik), ay naganap noong 1405, panahon na ng Ming.

Nadiskubre sa Marinduque ang Yuan Celadon Jar nang may isinagawang systematic excavation si Alfredo Evangelista ng National Museum sa tinaguriang Pilapil Cave sa bayan ng Torrijos, 1961. Ang mga nahukay dito ay napag-alamang may malawak na kaugnayan sa “Sung at Yuan sherds” ayon kay Evangelista at mayroon din namang iba pang local artifacts na nakuha.

Ano naman ang koneksiyon nito sa usapin ng Bajo de Masinloc, ang pinag-aawayang pangkat ng mga pulo at bahura o coral atoll, sa pusod ng West Philippine Sea? Palaging nasa headlines ngayon at pinag-aawayan ng ilang bansa kasama na ang Tsina at Pilipinas dahil hitik sa yamang dagat at iba pang kadahilanan?

Ang claim ng China ay may kaugnayan daw sa Yuan dynasty
Ang argumento pala ng China ay ganito: sila raw ang unang nakadiskubre sa tinatawag nating Bajo de Masinloc na pinangalanan daw naman nilang “Huangyan Island” kuno nung una pa. Nadiskubre raw ito ng “Chinese explorers” noong 13th century sa panahon ng Yuan dynasty. (Panahon nga ng ating celadon jar).

Subalit ang Yuan Dynasty (1280-1368), pala ay isang foreign dynasty na itinatag ni Kublai Khan, panahon ito na ang Tsina ay isang bahagi lamang ng great Mongol Empire. Nuong 1368, naghimagsik ang mga Intsik sa pamumuno ni Zhu Yuanzhang, ibinagsak ang kahariang Yuan ng mga Mongol, at ipinalit ang tinawag niyang Ming dynasty. 

Yuan Dynasty, 1294

Kayat kung igigiit na ang Bajo de Masinloc ay naangkin ng Tsina dahil sa pagdiskubre nito noong Yuan Period ay maaari lamang daw gawin ang pag-angkin sa pangalan ng soberenya, ng Mongol Empire. Ibig sabihin, kung mayroon mang gustong umako doon, ito ay ang Mongolia bilang natitira pang labi ng Mongol Empire. Pero hindi ang China.

Sablay sa mapa 
Ayon din daw sa mga sinaunang mapa ng China, kahit tapos na ang Yuan Dynasty wala namang “Huangyan Island” na lumalabas sa mga mapa nito kahit pa sa guniguni.

 “Map of the Entire Empire and Frontier Countries” drawn in 1402 based on Yuan Dynasty maps. The Philippines appears as a small collection of spots in the lower right corner, west of the large patch that represents Japan. (Source: cartographic-images.net). Credit: The Institute for Maritime and Ocean Affairs: www.imoa.ph 

Sa mapa ni Quan Jin, 1402, “Hun Yi Jiang Li Li Dai Guo Du Zi Tu” (Map of the Entire Empire and Frontier Countries), nasa ibabang bahagi ang Pilipinas, pero maliliit na isla lamang ang makikita at ang pinakamalaki ay Mindoro at mga bahagi ng Palawan.

Sa “Dong Han Hai Yi Tu” (Barbarian Countries of Southeast Seas) ni Lo Hsung-Hsien, 15th century, base pa rin sa Yuan Dynasty maps, ang Pilipinas ay kakikitaan din ng mga maliliit na isla at may marka kung nasaan ang May-i (Mindoro) at Sansu (malamang daw na Calamian, Palawan, at Busuanga), ayon sa mga mananaliksik. Walang "Huangyan Island" kahit saan.

Ming Dynasty at Marinduque
Sa panahon ng Ming dynasty naman, ay bumida ang Isla ng Marinduque (Mao-li-wu). Tumugon sa anyaya ng China ang mga pinuno ng Luzon at Marinduque para magpunta sa Tsina, nuong Oktubre 17, 1405. Dalawang pinuno lamang sila mula sa Pilipinas, bagamat kasabay nila ang iba pang mga sugo mula sa Java (na nasa kapangyarihan naman ng Madjapahit).

Naitala ang pangalan ng sugo mula sa Marinduque bilang si Taonu Makaw. Ang pagbisita doon ay bilang pagkilala lamang sa hari ng Tsina at pagkakaroon ng kasunduan tungkol sa buwis, kalakal at ugnayang bayan (diplomatic relations).

Maliwanag na ang China nuong Yuan Period ay kakaunti ang nalalaman tungkol sa mga isla ng Pilipinas kung pag-uusapan ang lokasyon, laki o hugis ng mga ito base sa mga mapa nila. E di lalo na kapag napunta ang usapan sa mga gatuldok na mga batong lulubog-lilitaw sa Bajo de Masinloc na natural na wala nga sa mga mapa nila.


Map of Ming Dynasty trade route. Sapul na sapul ang Marinduque.

May mas nauna pang kontak
Ayon din sa ibang panulat ng mga Intsik, noong 7th at 10th century daw ay nakipag-ugnayan na ang mga sinaunang Filipino sa China panahon pa ng Tang Dynasty, 700 taon bago ang Yuan. May mga tala din sila tulad ng “Chu Fan Chi” ni Chau Ju Kuo na naglalahad ng pagkatakot sa mga pandarambong ng mga Visayans na nakakapaglayag na nuon pa man sa malayong hilagang baybayin ng Fujian Province.

Kung nakarating ang mga mandaragat ng Yuan Dynasty sa Pilipinas, lalo na sa Marinduque kung saan tayo ay may mahalagang ebidensya nga ng pakikipagkalakal, maliwanag na alam nila na ang ating mga ninuno ay naroroon na’t namumuhay at pinupuntahan nila para lamang makipagkalakalan.

Maliwanag na ito rin ang naging laman ng kanilang mga mapang pangkalakalan kung saan makikitang sapul na sapul ang Marinduque sa kanilang ruta (tingnan ang image sa itaas).

Hindi maitatanggi kung ganon na ang Marinduque Celadon Jar baya ngani ang katangi-tanging katibayan na sumisimbulo sa kalakarang iyon at mahalagang bahagi ng usapang Bajo de Masinloc.

Bajo de Masinloc. Photo: Featuresdesk

References: Marinduque Celadon Jar, ang dineklarang National Cultural Treasure (Marinduque Rising); Mao-li-wu ang Marinduque ayon sa Tsina taong 1405 (Marinduque Rising); Dr. Jay L. Batongbacal, UP Institute for Maritime Affairs & Law of the Sea; Prehispanic source materials for the study of Philippine History, WH Scott; The Yuan Dynasty (1279–1368): Mongol China History; Ming Dynasty (Wikipedia); Porselana Ng Mga Taginting (Ang pagdalaw ng mga Pilipino, ayon sa Ta Min Hui Tien, ‘Great Ming compendium of Laws’)


Today this photo appears in the news.
In this March 2014 photo, a Chinese boat can be seen scraping coral reef and giant clams
inside Scarborough Shoal (Bajo de Masinloc). (File photo from Philippine Daily Inquirer)