Monday, May 13, 2019

Nakaboto na si Cong. Lord Allan Velasco sa Poctoy, Torrijos; mga huling paalaala ng Comelec sa midterm election ngayong araw


Bumoto ngayong umaga si Congressman Lord Allan Velasco sa isang poll precinct
ng Poctoy Elementary School sa Torrijos, Marinduque

Mahigit sa 61 milyon na rehistradong botante sa buong bansa ang magsisipuntahan sa iba't ibang voting centers para sa midterm election ngayong araw. Nasa 18,072 na mga puwesto para sa buong bansa, kabilang ang 12 pwesto para sa senador at 61 para sa mga kinatawan ng party-list ang pupunuan.


Tatakbo ng labindalawang oras ang halalan na magmumula sa 6:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi.

Nagpaala-ala naman ang Comelec na dapat bumoto ang publiko ayon sa kung ilan lamang ang dapat iboto ayon sa anumang pwesto. Halimbawa, kung ang botante ay kailangang bumoto ng isa lamang mayor ay dapat isa lamang ang iboto. Kapag lumampas sa pinapayagang bilang ay maituturing itong  spoiled vote dahil walang kandidatong makakakuha ng boto.

Mahaba ang pila sa poll precinct ng Brgy. Mercado, Boac, Marinduque.
Kuha ni Carlo Morong Manay

Ipinaala-ala rin sa mga miyembro ng media na bawal ang pagkuha ng mga larawan o footage ng mga nakumpleto nang mga balota. Walang pwedeng pumilit sa sino mang botante na ibunyag ang mga pangalan ng mga kandidatong ibinoto niya.



Maari namang ibunyag ng botante ang mga kandidatong ibinoto niya sa labas ng lugar ng botohan.

Ipinagbabawal din ang mga poll watchers na makilahok sa usapan o ligaligin ang mga Electoral Board Members. Kung mayroon mang reklamo ay maaaring maghain ng nakasulat na protesta sa Comelec.

Ang mga pinahihintulutang pumasok lamang sa lugar ng botohan ay mga botante, mga Electoral Board members at support staff, poll watchers, Comelec representatives, technical support staff, jail or prison escorts, at iba pang awtorisado ng Comelec. 

Masaya ang mood ng mga botante sa Mercado, Boac habang naghihintay.
Kuha ni Carlo Morong Manay

Maliban kung bumoboto sila, ang mga sumusunod ay hindi rin pinahihintulutan sa lugar ng botohan: mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines, mga kasapi ng Philippine National Police, peace officer o sino mang armadong tao mula sa ano mang extra-legal police agency, special forces, reaction forces, strike forces, at para-military forces tulad ng security guards o mga barangay tanod.

Ang mga barangay tanod ay hindi pinahihintulutan sa loob ng lugar ng botohan sa layong 50-meter radius mula sa lugar ng botohan.