Friday, August 2, 2019

Gov. Velasco naglabas ng kautusan sa posibleng dengue emergency sa Marinduque




Naglabas ng isang kautusan si Gov. Presbitero J. Velasco, Jr. para maiwasan ang isang posibleng dengue emergency sa lalawigan ng Marinduque. Layunin nito ang pag-iwas, pagkontrol at paggamot sa sakit na ito na dala ng kagat ng dengue mosquito. 

Kamakailan ayon sa DOH ang dengue fever ang nangungunang karamdaman sa MIMAROPA at ito ay idineklara na ng Kagawaran ng Kalusugan sa kasalukuyan bilang isang  'National Health Emergency'. 

Naiulat ng DOH na mula noong Enero 2019 nagkaroon na ng higit sa 100,000 na kaso sa buong bansa. Ito ay 85% na pagtaas ng denge sa parehong panahon noong nakaraang taon. 

Ang Executive Order No.025-2019 ng gobernador ay nag-aatas sa lahat ng mga tanggapan, kagawaran, ahensya at yunit ng pamahalaan na "ipatupad ang lahat ng kinakailangang mga hakbang sa pag-iwas at pagkontrol upang mapawi ang mga epekto ng Dengue sa ating minamahal na lalawigan".

Gov. Presby Velasco

Ang mga magpapatupad sa lahat ng hakbangin para sa pag-iwas at pag-control ng dengue ay ang Department of Health Marinduque, Provincial Health Office, Dr. Damian Reyes Provincial Hospital, Santa Cruz District Hospital, Torrijos District Hospital, lahat ng mga lokal na punong ehekutibo ng Marinduque LGUs, lahat ng opisyales ng mga barangay, mga barangay health workers, lahat ng mga may kapasidad na mga pribadong klinikang pangkalusugan at ang Department of Education Marinduque. 

Ang mga kinauukulan ay inatasan din na sumunod sa kasalukuyang mga alituntunin tungkol sa dengue na inilalabas ng DOH. Kabilang sa mga ito ang pagtukoy sa lahat ng posibleng mga lugar na pinamumugaran ng dengue mosquito, at upang magsagawa ng kinakailangang paglilinis sa mga barangay.

Iniutos ni Gov. Velasco sa lahat ng mga ospital sa lalawigan na mag stand-by at maging alerto sa mga direktiba ng DOH, kasabay ng paggabay sa mga tao tungkol sa tamang aksyon na dapat isagawa kapag nakakaranas ng mga sintomas ng nasabing sakit.