Wednesday, March 4, 2020

Mga pinarangalan ng GAWAD MARINDUQUEŇO sa Sentenaryo ng Marinduque

Ang Kautusang Panlalawigan Bilang 14 serye ng 2020, "Kautusan sa Gawad Marinduqueno" ay ipinasa para pagkalooban ng Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque ang mga Marinduqueno na nagpakita ng kahusayan at kabayanihan, nagtagumpay o naging huwaran sa kani-kanilang larangan, at/o makabuluhang nakapagsilbi sa mga mamamayan ng Lalawigan ng Marinduque.

Ipinagkaloob ito kaalinsabay ng pagdiriwang ng Sentenaryo ng "Araw ng Marinduque". Matapos ang malalimang pagsusuri at ebalwasyon ay ganap na natukoy ang mga paparangalan at isinumite para sa pagpapatunay at pagpapatotoo ng Pamahalaang Panlalawigan.

Naganap ang parangal noong ika-21 ng Pebrero 2020, sa Convention Center, Boac, Marinduque sa isang marangal na pagtitipon na dinaluhan ng lahat ng mga pinarangalan o opisyal na representante ng kanilang pamilya. 

Sila ay ang mga sumusunod:

Para sa Posthumous Awardees




RICARDO M. PARAS, JR.
PAGLILINGKOD SA PAMAHALAAN 
(Government Service)

Panganay na anak ni Ricardo G. Paras, ang unang nahalal noong 1904 bilang gobernador ng Tayabas at sub-province ng Marinduque.

Nagtapos ng abogasiya sa University of the Philippines (UP), noong 1913 at pumangalawa sa Bar Examinations. Nagsilbi bilang abogado bago mahalal sa House of Representatives noong 1919. Nahirang bilang huwes sa Court of Appeals noong 1936, naging Associate Justice noong 1941. Nahirang bilang ika-walong Punong Mahistrado ng Korte Suprema ng Pilipinas mula Abril 2, 1951 hanggang Pebrero 17, 1961.

Siya ang may akda sa Mababang Kapulungan ng Act No. 2880 noong Pebrero 21, 1920, na naghiwalay sa sub-province ng Marinduque mula sa Tayabas, at muling itinatag ang dating Lalawigan ng Marinduque. Ang batas na nabanggit ay nilagdaan ni Gov. Gen. Francis Burton Harrison sa pamamagitan ng Executive Order No. 12 na may petsang Pebrero 21, 1920.

Siya ang dahilan kung bakit tuluyang naging malaya na ang Lalawigan ng Marinduque mula noon at siya ring dahilan ng pagdiriwang natin ngayon ng Sentenaryo ng “Araw ng Marinduque”.


PILAR HIDALGO-LIM
EDUKASYON

Naging mahusay na lider sibiko, edukador at tagapagsulong ng karapatan ng kababaihan, siya ay isinilang sa Boac, Marinduque, anak nina Luis Hidalgo at Eulalia Lardizabal. Nakilala agad ang kanyang talino nang magtapos ng Bachelor of Arts, Cum Laude sa University of the Philippines, ang unang babae na nagtapos nang may mataas na karangalan sa UP.

Nagturo siya ng matematika sa UP, noong 1911 nagturo sa Centro Escolar University (CEU), nanguna sa pagsulong ng karapatan ng kababaihan na bumoto, naging sekretarya ng unibersidad at naging pangulo ng CEU noong 1962.

Maybahay ni Hen. Vicente Lim, ang Bayani ng Bataan.  Naging pangulo ng Girl Scouts of the Philippines, pangulo ng Philippine Association of University Women, pangulo ng Philippine Foundation for the Rehabilitation of the Disabled. Hinirang  ni Pangulong Sergio Osmena bilang miyembro ng Relief and Rehabilitation Commission pagkatapos ng digmaan.

Bilang pagkilala nagtayo ng isang historical marker sa harapan ng munisipyo ng Boac ang National Historical Institute noong 1982. Sa Malate, Manila ay may isang kalye na nakapangalan sa kanya.



DR. FE VILLANUEVA DEL MUNDO
KALUSUGAN

Unang Filipina na pinarangalan noong1980 bilang first Naional Scientist. Dahiil sa kanyang pagsisikap na masagip ang maraming mga sanggol sa pag-imbento ng incubator na magagamit sa mga rural areas na walang kuryente.

Nagtapos noong 1933, sa UP College of Medicine bilang class valedictorian. Ang kanyang kaalaman sa mga problemang pangkalusugan na dinaranas sa mga lalawigan, lalo na sa kanyang bayang Marinduque ang humimok sa kanya na piliin ang pediatrics bilang kanyang specialization.

Nag-aral noong 1936, sa Harvard University Medical School, kauna-unahang babaeng natanggap doon bilang isang iskolar. Noong 1942, nakumbinsi niya ang mga Hapon na payagan siyang magbukas ng isang Children’s Home para sa mga bata. Pagkaraan lamang ng tatlong linggo may inaalagaan nang 130 mga bata ang Tahanan at may 25 staff.

Dahil sa kabiguang makakuha ng kaukulang suporta sa gobyerno, ipinagbili ang kanyang bahay at ari-arian para maitayo ang unang pediatric hospital sa Pilipinas, ang Children’s Medical Center, 1957, pinangalanan namang Fe del Mundo Medical Center, noong 1964. Ito na ang tinatawag ngayong Philippine Children’s Medical Center (PCMC), isang ospital na pinapatakbo na ng gobyerno.

Dahil sa kanyang mga pagpupunyagi sa kalusugan ng mga bata, mga tinamong pagkilala bilang isang multi-awarded scientist at doctor, ginawaran siya ng 1977 Ramon Magsaysay Award for Public Service, dahil sa kanyang “lifelong dedication as a physician extraordinary to needy Filipino children”.



NESTOR MANRIQUE MANTARING
KAPAYAPAAN AT KAAYUSAN

Tubong Boac, Marinduque. Nagtapos ng Abogasya sa Far Eastern University. 

Nagsilbi sa National Bureau of Investigation (NBI), bilang Deputy Director for Comproller Services (2001-2002); Deputy Director for Administrative Services ((2002-2003); Deputy Director for Special Investigation (2003-2004); Assistant Director (2004-2005); at naging pinakamataaas na pinuno ng NBI bilang Director noong 2005-2010.

Bago siya nahirang na NBI Director, isa sa mga organisasyon na sumuporta para siya ay italaga bilang permanenteng hepe ng ahensya ang NBI Investigators Mutual Benefit Association, Inc. na may 2,000 miyembro buhat sa rank and file hanggang mga imbestigador. Si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang nagtalaga sa kanya bilang Director. Maraming high-profile cases ang naresolba sa kanyang pamamalakad.



LUCRESIA R. KASILAG, NATIONAL ARTIST
SINING AT KULTURA

Anak nina Asuncion Roces ng Boac at Marcial Kasilag, ang kauna-unahang naging pangulo ng Philippine Society of Civil Engineers.

Kilala bilang “Grand Lady of Philippine Music” dahil sa kaniyang malaking ambag sa paglinang ng musika sa Filipinas. Iginawad sa kanya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Musika noong 1989. Itinuturing din na si “Tita King”ang nasa likod ng popular na bersiyon ng Putong o Tubong na kasalukuyan pa ring inaawit sa mga bayan ng Marinduque, masasabing panghabang-buhay na niyang pamana sa lalawigan.

Bilang kompositor, nag-eksperimento siya sa musikang isinasanib ang mga katutubong instrumenting pangmusika sa pagtatanghal ng isang orchestra. Bantog dito ang premyadong “Tocatta for Percussions and Winds”, “Divertissment and Concertante”,  mga musika para sa “Filisiana”, “Misang Filipino”, at “De Profundis”. Lumikha siya ng mahigit 250 komposisyon, mga areglo ng mga katutubong awit, awit sining, mga piyesang pansolo at instrumental,  chamber at orchestra.

Naging pangulo at artistic director ng Sentrong Pangkultura ng Filipinas (CCP),  mula 1969-89. Nagtamo ng Presidential Award of Merit as Woman Composeer (1958);  Republic Cultural Heritage Award, Patnubay ng Sining at Kalinangan Award ng Lungsod ng Maynila (1954 at 1973).


ROMEO MANGARING LUMAWIG
AGHAM AT TEKNOLOHIYA

SIya ang kauna-unahan sa buong daigdig na nagpakadalubhasa sa pagpaparami ng mga bila-bila o paro-paro sa lalawigan ng Marinduque na isinagawa sa sarili niyang pag-aaral. Dahil sa kanyang nasimulang mga pamamaraan ay lumaganap hindi lamang sa kanyang lalawigan kundi sa iba pang mga lalawigan ang bagong industriyang ito (Butterfly Industry), at kinilala sa ibat-ibang panig ng mundo ang kanyang namumukod-tanging kontribusyon.

Maraming uri ng mga bila-bila at iba pang mga insekto na matatagapuan sa ibat-ibang panig ng bansa ang ipinangalan sa kanya ng mga kapuwa siyentipiko.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang paglago ng kabuhayang kanyang sinimulan na nakakatulong sa maraming komunidad. Ang industriyang ito ang pinagmulan ng “Bila-Bila Festival” sa bayan ng Boac, Marinduque at ang lalawigan ay nakilala na rin bilang “Butterfly Capital of the Philippines”.



PANFILO MONTEJO MANGUERA
PANGKOMUNIDAD AT PAMPUBLIKONG SERBISYO (Community and Public Service)

Nagtapos bilang Class Salutatorian sa Marinduque High School at nagpatuloy ng pag-aaral ng Abogasiya sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), kabilang sa UP Law Class ng 1933 at nakakuha ng pangwalong pwesto sa klase. Sa panahon ng pananakop ng Hapon ay itinalaga bilang 1st Lt. at Regimental Adjutant ng USAFFE at napasabak sa Bataan. Napabilang sa Death March at nakulong sa Capas Concentration Camp sa Tarlac.

Naging Justice of the Peace at Provincial Fiscal sa lalawigan ng Marinduque. Nahalal bilang kinatawan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso noong 1949, at nahalal muli noong 1953 hanggang 1957. Itinalaga bilang Tagapayo at Direktor ng Legal Department ng Reparations Commission ng Pilipinas hanggang sa kanyang pagretiro noong taong 1975, at nanatiling isang aktibong abogado.

Sa Kongreso ay naging tinig ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at nanguna sa pagsusulong sa Kongreso sa kapakanan ng mga beterano. Naging awtor ng mga batas katulad ng RA 1190 na nagtatag ng National Civil Defense Administration (Office of Civil Defense ngayon). Para sa lalawigan ng Marinduque, siya ang may akda ng RA 805 na lumikha sa Marinduque School of Arts and Trades (MSAT) na ngayon ay Marinduque State College/University (MSC).

Pinangunahan ang pagsaayos ng mga imprustruktura sa lalawigan tulad ng pagpapagawa ng Bahay Pamahalaan ng Gasan at Sta. Cruz, pagsusulong ng pagpapagawa ng Central Marinduque Road sa layuning magkaroon ng pampitong munisipalidad ang lalawigan, pagsasaayos sa kanyang panahon ng Balanacan Port Facilities at Marinduque Airport, at pagpapagawa ng Bahay Igat Waterworks. Nahirang bilang Ten Most Outstanding Congressmen (1949-1957), ng Congressional Press Club.



RICARDO CARDINAL VIDAL
PANGKOMUNIDAD AT PAMPUBLIKONG SERBISYO (Community and Public Service)

Tubong Mogpog, Marinduque. Naging pari sa Lucena, Quezon noong 1956, naging Coadjutor Bishop of Malolos noong 1971, hanggang naitalaga ni Pope Paul VI bilang Arsobispo ng Lipa noong 1973. Hinirang ni Pope John Paul II bilang Coadjutor Archbishop ng Cebu noong 1981, at naging Archbishop ng Cebu noong 1982 hanggang 2010.

Naging Pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), mula 1986-1987. Bukod sa marami niyang naging katungkulan bilang pari ay naging miyembro rin siya ng Permanent Council of the Synod mula 1989-1994, ng Congregation for the Evangelization of Peoples, Congregation for Catholic Education at Pontifical Council for the Pastoral Care of Health Care Workers.

Ginawaran ng Lalawigan ng Cebu ng pinakamataas na parangal, ang Order of Lapu-Lapu, at ginawaran ng University of the Visayas ng titulo bilang Doctor of Humanities honoris causa. Nakilala bilang isang namuhay sa kabanalan at pagpapakumbaba.



PAZ MANGUERA LATORENA
PANITIKAN

Itinuring na isa sa mga natatanging manunulat sa wikang Ingles ng Marinduque. Nakilala rin sa kanyang nom de plume na Mina Lys sa pagsulat niya ng mga tula. Naging estudyante ng mahusay na manunulat, si Paz Marquez Benitez na siyang nagbigay sa kanya ng pagkakataong makapagsulat sa Philippines Herald.

Isa sa mga naging tagapagtatag ng UP Writers Club kasama ang iba pang manunulat. Bilang edukador, ilan sa mg naging mahuhusay na estudyante niya sina Juan Gatbonton, F. Sionil Jose, Nita Umali, Genoveva Edroza Matute at Zenaida Amador. Ang kaniyang huling kwentong naisulat ay ang “Miguel Comes Home”, 1945.


ASUNCION ARRIOLA PEREZ
PANGKOMUNIDAD AT PAMPUBLIKONG SERBISYO

Tubong Gasan, Marinduque, nagtapos ng A.B. sa University of the Philippines noong 1917, at nag-aral ng Social Work and Sociology sa University of Wisconsin, USA, noong 1919-1920.

Matapos ang labimpitong taong paninilbihan sa Red Cross para sa civilian relief, naging Executive Director ng Associated Charities of Manila na naging Associated Charities of the Philippines, isang semi-government office. Misyon nito ang pagbibigay ng tulong sa mga biktima ng kalamidad sa ibat-ibang panig ng bansa  tulad ng sunog, bagyo, lindol at pagsabog ng bulkan, kasama na ang karampatang rehabilitasyon sa mga nangangailangan.

Wala pang school of social work sa bansa ng mga panahong iyon, kaya naging tungkulin ng kanyang tanggapan na magsagawa ng mga pagsasanay dito para sa mga nakapagtapos sa kolehiyo. Kinilala ng pamahalaan ang kanyang kaalaman sa social work kaya’t siya rin ang kinilalang ‘first woman member of the cabinet’, 1948, at naging Social Welfare Administrator, 1948-1953.

Ilan sa mga karangalang iginawad sa kanya ay Social Worker of the Year mula sa Philippines Free Press, 1941, Medal of Merit mula sa National Federation of Women’s Club of the Philippines, 1952, Doctor of Laws in Human Welfare (Honoris Causa), mula sa PWU, CEU at Doctor of Humanities (Honoris Causa), mula sa University of Denver, Colorado.


LUISITO MERCADER REYES
ENGINEERING

Tubong Boac, Marinduque. Nagtapos sa BS Mechanical Engineering sa University of Sto. Tomas noong 1946.

Nagkamit ng ika-tatlong pwesto sa Professional Mechanical Engineer licensure exam at ika-pitong pwesto sa Professional Electrical Engineer licensure exam. Nagawaran bilang Outstanding Thomasian Engineer, at Outstanding Professional Mechanical Engineer (PRC).

Naging Pangulo ng Professional Society of Mechanical Engineers sa mahabang panahon at Philippine Chamber of Commerce, Inc., Marinduque Chapter. Nahalal bilang Punong-Lalawigan ng Marinduque mula 1988-1995.
               

MIGUEL RIVERA MAGALANG
PANGANGALAGA SA KALIKASAN

Tubong Boac, Marinduque. Nakatapos ng BA in Philosophy sa St. Francis de Sales College, Lipa City, 1980-1998; Master in Public Administration sa Marinduque State College, 2002-2006, ; Nakatanggap din ng mga Katibayan sa iba’t-ibang Training Program sa Asian Institute of Management,  University of North South Wales, at Al Gore Leadership Course on Climate Change sa Melbourne, Australia, 2009.
Naging Program Coordinator ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), 1988-1995; Nahalal na Konsehal ng Bayan ng Boac, 2001-04 at 2013-16; Executive Director ng Marinduque Council for Environmental Concerns (MACEC), 2004-13.

Naging masugid na tagapagsulong ng mga kaalamang may kinalaman sa Environmental Justice, Social Accountability, Good Governance, Climate Change Adaptation at Disaster Risk Reduction Towards Sustainable Development. Ang mga kaalamang ito ay kanyang naibahagi sa iba’t ibang panig ng mundo bilang presentor.
Ang Climate Reality Philippines na itinatag ni Nobel Laureate Al Gore ay nagsagawa ng isang Posthumous Award sa kanyang pangalan, ‘Miguel R. Magalang Individual Climate Leadership Memorial Award’ para kilalanin ang mga Filipinong sangkot sa Climate Movement. Nabigyan din siya ng Gawad Lehislatibo sa pamamagitan ng SB Resolution 2015-No. 2015-079, A Resolution commending ang acclaiming the works and contribution of Councilor Miguel Rivera Magalang in Legislatio n and Governance.



RICARDO V. PARAS III
LINGKURANG BAYAN

Ang kanyang ama ay ang yumaong Atty. Ricardo Paras, Jr. at ang kanyang lolo ay ang naging Punong Mahistrado ng Korte Suprema, Ricardo M. Paras.

Nagtapos sa Colegio de San Juan de Letran ng Bachelor of Science in Commerce, Major in Finance noong 1976. Nabigyan ng parangal bilang Far East Bank Gold Medal Awardee for Most Outstanding Graduate in Finance.

Nagsimula ng pag-aaral sa abogasiya sa Ateneo de Davao University College of Law at lumipat sa Ateneo de Manila School of Law kung saan siya nagtapos noong 1982. Nagturo ng Public International Law sa Lyceum College of Law sa loob ng apat na taon. Naging Trial Attorney sa Office of the Solicitor General 1984-1988).

Assistant Secretary for Legislative Affairs (1988-2004) at Chief State Counsel ng Department of Justice (2004-2018), kung saan siya ay katuwang ng Secretary of Justice bilang Attorney General or Legal Adviser of the National Government, at pinuno ng Legal Staff ng DOJ na binubuo ng 60 state counsels.



MOST. REV. RAFAEL M. LIM
PANGKOMUNIDAD AT PAMPUBLIKONG SERBISYO (Religious)

Itinalaga at hinirang sa Banal na Orden ng pagkapari noong 1956, at muling nag-aral sa Angelicum Seminary sa Roma 1961-1963 para sa kanyang postgraduate studies. Naging Prefect of Studies at Vice-Rector ng Our Lady of Mount Carmel Seminary, Direktor ng Third Order of Saint Francis sa Sariaya at Lucena Chapters, naging Paring-Katiwala ng Parokya ng Immaculada Conception sa Sariaya, panahong ang parokya ng lalawigan ng Marinduque ay saklaw pa ng Diyosesis ng Lucena.

Nahirang bilang ikalawang Obispo ng Dyosesisbng Laoag hanggang inordenang Obispo ng Laoag noong 1971. Hinirang ni Pope Paul VI noong 1978, bilang unang Obispo ng Diyosesis ng Boac, kasabay ng Canonical Erection ng ating Diyosesis.
Bilang bagong Obispo hinarap at patuloy niyang isinabalikat ang krusada ng pagtatanggol sa maliliit  na inagawan ng lupa, ng mga biktima ng polusyong industriyal bunga ng iresponsableng pagmimina at pagtuligsa sa mga kabuktutan. 

Naging adbokasiya niya ang pagkalinga sa kalikasan kaya’t kanyang itinatag noong 1996 ang Marinduque Council for Environmental Concerns (MACEC), bilang tugon sa mga naganap na pagwasak sa kalikasan sa lalawigan at patuloy na paghahanap ng katarungan sa usaping ito.



MSGR. SIMEON REGINIO
SINING
Hinirang sa Banal na Orden ng pagkapari noong 1956 International Eucharistic Congress Mass Ordination. Nagsilbi bilang Professor, Choir Director at Rondalla Conductor sa mga seminaryo sa Sariaya, Tayabas at Lucena (Quezon), at bilang Parish Priest sa ibat-ibang bayan ng STa. Cruz, Mogpog, Buenavista at Torrrijos (Marinduque).
Nagsimulang lumikha ng mga awiting pangsimbahan (Liturgical Music) sa Pilipino noong 1972 at para sa sambayanang Kristiyano ay nailimbag noong 1974 ang kanyang mga orihinal na komposisyon sa Himnal ng Sambayanang Pilipino Cristiyano “Liber Usualis”, Hymns for All Sundays of the Year, Songs for Advent, Christmas, Lent and Holy Week, Pentecost Sundays, Several Masses Responsorial Psalms, Hymns and Marches.


Susunod: Mga LIVING AWARDEES