"Ang Wika Ko" ni Rio Alma. Image credit: Komisyon sa Wikang Filipino |
Para sa pagdiriwang ng Sentenaryo sa Marinduque, may ilan pang mga proyekto na nakatakdang isagawa subalit kinailangang ipagpaliban muna dahil sa hindi inaasahang pagdating sa ating lupain ng COVID-19. Ito ay nagresulta sa pagpaliban ng isa sa mga plano na kinatatampukan ng pambansang pagkilala sa wikang Tagalog na sinasalita sa Marinduque.
Alam natin na ang dakilang wikang Tagalog ay isa sa
pangunahing wika sa ating bansa. Ito ang pangunahing wika ng humigit-kumulang
sa 22,000,000 na mga Filipino na naninirahan sa mga lalawigan ng Aurora,
Bataan, Batangas, Bulacan, Camarines Norte, Cavite, Laguna, Marinduque,
Maynila, Mindoro, Nueva Ecjija, Palawan, Quezon, Rizal at Zambales.
Sa kadahilanang ito ay sinasalita sa maraming lugar sa ating
bansa, umusbong na ang maraming diyalekto ng wikang Tagalog. Tinatawag ng mga
Tagalog ang wikang Tagalog na kanilang sinasalita ayon sa lugar na pinagmulan
nito. Ang Tagalog sa lalawigang Marinduque – na tinatawag ding Marindukenyo
(Marinduqueño) – ay inilalarawan bilang “ugat na pinagmulan ng makabagong porma
ng wika,” (Cecilio Lopez, 1923), na kakikitahan ng sinaunang katangian ng
Tagalog.
Sa kasalukuyan, sinasalita ng mga taga-Marinduque ang
Tagalog sa paraan nang pagsasalita ng mga Tagalog bago pa man dumating ang mga
Kastila sa Pilipinas.
Bantayog-Wika |
Bahagi ng maingat na pananaliksik na isinagawa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang sumusunod:
“Maaaring ituring na naiiba ang Tagalog ng Marinduque dahil
na rin sa pagkakabukod nitó bílang isla sa iba pang lugar na nagsasalita ng
Tagalog sa Luzon. Mapapansin din sa wikang sinasalita sa silangang bahagi nitó
ang pagkakaroon ng impluwensiya ng mga nanahan na Bisaya at Bikolano sa lugar.
Ayon sa pag-aaral ni Rosa Soberano noong 1980, may kaunting pagkakaiba sa
katangian ng diyalektong Tagalog-Marinduque na maaaring makita sa mga
tagapagsalita na nanggaling sa kanluranin o silanganing bahagi ng isla.
“Ayon sa lingguwistang si Christopher Sundita, kapansin-pansin
sa mga salitang ginagamit sa lalawigan ang mga panlaping kaiba sa gámit sa
modernong panlapi ng mga Tagalog gaya ng “a-” at “ina-” na ginagamit sa wikang
Ási na sinasalita sa kalapit-lalawigan nitóng Romblon, halimbawa nitó ay ang
inasulat (sinusulat), inatawagan (tinatawagan), akainin (kakainin), at marami
pang iba. Mapapansin din ang paggamit ng
mga unlaping “ma-” at “ga-” para sa mga pandiwang panghinaharap gaya sa masulat
(susulat), gaaral (mag-aáral), at iba pa. Sa halip na gitlapi at hulapi lámang
ang gámit sa ilang mga diyalekto ng Tagalog, kadalasang ginagamit ang “in-” sa
Tagalog-Marinduque bílang unlapi sa mga pangkasalukuyang pandiwa gaya sa
inatawag (tinatawag). Ginagamit din ang dini/diri (dito) at iri (ito) bílang
mga panghalip. Isa rin sa pinakagamiting ekspresyon sa pagsasalita ng mga
taga-Marinduque ay ang “ngani” na kagaya ng ekspresyong “ala eh” sa lalawigang Batangas.”
Pagsasamonumento sa ating Wika
Sa darating na panahon kapag wala nang magiging gaanong balakid tulad ng pandemyang bumabalot sa buong mundo, kasama na sa ating bansa at sa isla ng Marinduque, ipagpapatuloy ang naantalang pagtatayo ng isang Bantayog Wika bilang pagkilala sa Tagalog Marinduque. Pasisinayaan ang isang pisikal na istruktura ito na magsasamonumento sa ating katutubong wika bilang baul o sisidlan ng katutubong kaalaman, kahalagahan, gawi, tradisyon at ating kasaysayan.
Ito ay isang stainless steel na monument na kakikitaan ng sinaunang mga titik ng Baybayin na inukit sa pamamagitan ng laser technology at naiilawan mula sa loob para mabasa ng mga tao sa gabi. Ginawa ni artist Luis Yee, Jr na nagwagi para sa disenyo ng Bantayog-Wika.
Isang lugar sa harapan ng Kapitolyo ng Marinduque ang nailaan na para sa gawaing ito kung saan nakatayo na ang inilaang isang pedestal.
Ang proyektong ito ay sinimulan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque sa ilalim ng pamumuno ni Gov. Presbitero Velasco, Jr., sa pakikipagtulungan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), at National Commission for Culture and the Arts (NCCA).