Photo by Eli J Obligacion
Tatlumpung taon na akong nakatira sa Brgy. Amoingon, sa isang lugar na tinawag kong Bahaghari dahil sari-saring mga di pangkaraniwang bagay palagi ang nagaganap. Di madaling magkwento tungkol dito dahil mahirap simulan at mahirap na ring matandaan ang pagkakasunod-sunod ng mga kabanata.
Kagabi lamang, nagulat ako dahil may bago na namang kaganapan na maganda. Mga alas-dose ng gabi naisip kong lumabas ng bahay para maghanap ng mas malakas na signal para magamit ko ang cellphone ko. Malakas ang signal sa tabing-dagat pero sinubukan ko na sa likod-bahay na lamang magpunta baka sakaling makasagap doon ng mas malakas dahil gabi na.
Nakaupo ako sa isang putol na tree trunk. Madilim ang gabi, pero kumikidlat at may kalamigan. Napatingin ako sa isang punong kahoy sa likuran ko na mula ng tumira ako sa Bahaghari ay nandun na siya. Alam kong sa tamang panahon, namumulaklak ito ng pink o puti at sa lahat ng panahon ay nahuhulog na lamang sa lupa. Magandang tingnan tuwing nahuhulog ang mga bulaklak nito, talagang parang shower of beautiful flowers na isa-isang nahuhulog.
May napansin akong bago sa paningin. Tila may nagsabit ng isang cylindrical lantern dun sa puno pero sino kaya at bakit kako. Nilapitan ko ang bagay para maimbestiga at namangha sa aking nakita. Isang cylindrical na kumpol ng bulaklak na kulay puti ang nakasabit.
Di ko pa nakita ito sa loob ng tatlong dekadang pananahan ko sa Bahaghari. Nakatitiyak naman ako na tinitingala ko ang puno paminsan-minsan. Dahil na rin sa iba pang istoryang narinig ko na tungkol sa punong ito.
Photo by Eli J Obligacion
Kaagad sumagi sa isip ko na dapat kong kunan ito ng larawan dahil baka hindi na abutan ng umaga at ito ay mahulog na sa lupa. (Nasa larawan)
Ang natirang tangkay matapos maglaglagan ang mga bulaklak.
Larawan: Eli J Obligacion
Kinaumagahan, pinuntahan ko ang puno at wala na nga ang mga bulaklak. Hindi ako nagkamali. Tangkay at receptacles na lamang ng mga indibidwal na bulaklak ang natira. Ang mga petals kasama ang mga di mabilang na eleganteng stamen nito na may pollen pa sa dulo bawat isa ay naglagpakan na.
Mayroon akong sapantaha na mas malamang ay totoo: sa gabi lamang namumukadkad tulad ng inakala kong 'lantern' ang misteryosong bulaklak na ito. Di mo na maabutan sa umaga dahil basta nakaramdam sila ng banaag at sikat ng araw ay lumalagpak na lamang sa lupa.
May mga okasyon noong mga nakaraang buwan na basta dumaan ako sa ilalim ng puno (may nilagay along tulay sa ilalim ng puno), ay sumasabay ito sa pagpapakawala ng kanyang mga bulaklak at mapapangiti ka na lamang dahil maginhawa sa pakiramdam at nakakasaya.
May mga panahong kulay pink ang mga bulaklak na nahuhulog mula sa puno. (Nasa larawan na kuha noong nakaraang mga buwan,ilang segundo lamang ang nakaraan bago sila makunan ng retrato).
Ang problema, di ko alam hanggang ngayon kung ano ang pangalan ng punong-kahoy at bulaklak na ito bagamat marami na akong napagtanungan. Wala silang masagot, kundi "bihira laang yan".
Pero kung may nakakaalam naman, nakakita na kaya sila ng parol ng bulaklak tulad ng nakita ko noong hating-gabi kagabi? May pagkaduda ako.
Ganito ang dahon ng mahiwagang puno.