Thursday, July 9, 2020

Saksi ako: May dalawang pinaghukayan sa paghahanap ng kayamanan

Malapit sa isang ilog ang pinaghukayan na nasa gitna ng bakawan.
Photo: Eli J Obligacion


Dalawang pinaghukayan para sa yaman

One day isang araw may nagyayaya sa akin sa isang medyo liblib na lugar, walang naninirahan pero malapit sa tabing-dagat. Di kalayuan sa lugar na ito ay may pagkamalalim pero makipot na ilog ang dumadaloy, mga 80 metro ang layo mula sa kinatatayuan namin at iyon mismo ang bunganga papuntang dagat.

Ang sabi sa akin ng matandang lalaking nagyaya ay sa kanila mismo ang loteng iyon. May ituturo daw siya sa akin na mga nakasalansang batong hinaluan ng semento, at kuwadrado ang hugis nito.

Hindi lamang daw siya nakatitiyak na makikita namin ito kaagad dahil ito raw ay nakalubog sa tubig lalo na kapag taib at nasa bandang gitna pa ng  isang bakawan. Nakadagdag nga raw sa kanilang pagtataka at hindi nila lubos-maisip kung bakit may ganitong bagay sa bahaging ito ng kanilang lupain na namana nila sa kanilang mga ninuno.

Nang nakarating kami malapit sa lugar, aniya ay “naku makikita siguro natin dahil taghibas pala ngayon”.
Sa madalit-salita, nakita nga niya ang lugar sabay nagulat at nagdeklarang “Ito yun, pero may nakapaghukay na pala, ito o”, sabay turo niya sa mga tatlong talampakang hukay sa aming harapan. “Sino kaya iyon? May nahukay kaya?”, aniya.

Wala akong sagot sa tanong niya. Ilang taon na rin naman aniya na hindi niya nabisita ang partikular na lugar na iyon para mag-inspeksiyon. Sa isang banda, iniisip ko na napakababaw naman yata ng hukay para may makuha doon ang sinuman, pero di naman ako sigurado dahil wala pa akong naging karanasan sa paghuhukay ng mga bagay. Pero gulat na gulat siya sa nakita niyang may nakiaalam na pala sa lugar na iyon.
Ito ang bumungad sa aming hinukay ng sino mang maagap o maaagap na nauna.
Photo: Eli J Obligacion

Yung isa pa

May isa pang ebidensya ng paghuhukay kung saan ako dinala ng matandang lalaking nagsama sa akin para daw makita ko rin. Mag-iisat kalahating dekada na ng may dalawang malalaking gusi na may mga laman ang nahukay dito ng mga treasure hunters.

May mga nakaalam at nakakita sa pagbubuhat ng mga gusi, at walang nagtangka sa mga humukay na itago ang kanilang ginawa sa paghibon ng malalim na hukay. Kayat hanggang ngayon ay naroroon pa rin ang hukay, ginapangan na ng mga cadena de amor.
Sadyang malalim ang hukay sa isang ito. Iniwan na lamang matapos makuha ang dalawang malalaking gusi na may mga laman. Photo: Eli J Obligacion