Sumikat na, Ina sa sinisilangan
Ang araw ng poot ng Katagalugan,
Tatlong daang taong aming iningatan
sa dagat ng dusa ng karalitaan.
Walang isinuway kaming iyong anak
sa bagyong masasal ng dalita't hirap,
Iisa ang puso nitong Pilipinas
at ikaw ay di na Ina naming lahat.
Sa kapuwa Ina'y wala kang kaparis
Ang layaw ng anak: dalita't pasakit;
pag nagpatirapang sa iyo'y humibik,
lunas na gamot mo ay kasakit-sakit.
Gapusing mahigpit ang mga Tagalog;
hinain sa sikad, kulata at suntok
makinahi't ibiting parang isang hayop
ito baga, Ina, ang iyong pag-irog?
Ipabilanggo mo't sa dagat itapon
barilin, lasunin, nang kami'y malipol.
sa aming Tagalog, ito baga'y hatol
Inang mahabagin, sa lahat ng kampon.
Aming tinitiis hanggang sa mamatay
bangkay nang mistula'y ayaw pang tigilan,
kaya kung ihulog sa mga libingan,
linsad na ang buto't lumuray ang laman.
Wala nang namamana itong Pilipinas
na layaw sa Ina kundi pawang hirap
tiis ay pasulong, patente'y nagkalat
recargo't impuwesto'y nagsala-salabat.
Sari-saring silo sa ami'y inisip
kasabay ng utos na tutuparing pilit
may sa alumbrado bayad kami'y tikis
kahit isang ilaw ay walang masilip.
Ang lupa at buhay na tinatahanan
bukid at tubigang kalawak-lawakan
at gayon din pati ng mga halamanan
sa paring Kastila ay binubuwisan.
Bukod pa sa rito'y ang iba't-iba pa
huwag nang saysayin, O Inang Espanya
sunod kaming lahat hanggang may hininga
Tagalog di'y siyang minamasama pa.
Ikaw nga, O Inang pabaya't sukaban
kami'y di na iyo saan man humanggan
ihanda mo, Ina, ang paglilibingan
sa mawawakawak na maraming bangkay.
Sa sangmaliwanag ngayon ay sasabog
ang barila't kanyong katulad ay kulog
ang sigwang masasal sa dugong aagos
ng kanilang bala na magpapamook.
Di na kailangan sa Espanya ang awa
ng mga Tagalog, O Inang kuhila
paraiso namin ang kami't mapuksa
langit mo naman kung kami'y madusta.
Paalam na Ina, itong Pilipinas,
paalam na Ina, itong nasa hirap,
paalam, paalam, Inang walang habag,
paalam na ngayon, katapusang tawag.
Hibik ng Pilipinas sa Inang Espanya
Tula ni Hermenegildo Flores
Inang mapag-ampon, Espanyang marilag,
nasaan ang iyong pagtingin sa anak?
akong iyong bunsong abang Pilipinas
tingni't sa dalita’y di na makaiwas.
Ang mga anak kong sa iyo’y gumigiliw,
sa pagmamalasakit ng dahil sa akin;
ngayo’y inuusig at di pagitawin
ng mga prayleng kaaway mong lihim.
Sa bawat nasa mong kagaling-galingan,
ayaw ng prayleng ako’y makinabang,
sa mga anak ko’y ang ibig lamang
isip ay bulagin, ang bibig ay takpan.
Nang di maisigaw ang santong matuwid
na laban sa madla nilang ninanais
palibhasa'y wala silang iniisip
kundi ang yumaman at magdaya ng dibdib.
Sa pagpapalago ng kanilang yaman
bendita't bendisyon lamang ang puhunan,
induluhensiya't iba't ibang bahay
ng mga sagrado naman ang kalakal.
Sapagkat anumang bilhin sa kanila,
kaya namamahal, dahil sa bendita,
kahit anong gawin pag may halong kanta
ay higit sa pagod ang hininging upa.
Ibig ng simbaha't kumbentong marikit
organo't kampana aranyang nagsabit;
damasko't iba pa, datapwa't pawis
ng bayan kukunin, mahirap mang kahit.
Ani sa asyenda't kita sa simbahan
sa minsang mapasok sa mga sisidlan
ng mga kumbento'y di na malilitaw
kaya naghihirap, balang masakupan.
Ang dulo'y marami sa mga anak ko
ang di makabayad sa mga impuwesto
sa gayong katataas ng mga rekargo
pagka't kailangan naman ng estado.
Sa bagay na iyan, ang mga mahirap
na walang pagkunan ng dapat ibayad,
sa takot sa Sibil, aalis ngang agad,
iiwan ang baya't tutunguhi'y gubat.
Dito pipigain naman ang maiiwan,
na di makalayo sa loob ng bayan,
siyang pipiliting magbayad ng utang
kahima't wala ng sukat na pagkunan.
Maghanapbuhay ma'y anong makikita
wala nang salapi, ibayad ang iba
pagkat naubos nang hititin ng kura
sa pamamagitan ng piyesta't iba pa.
Sa limit ng mga piyesta't mga kasayahan
ay walang ginhawang napala ang bayan
kundi ang maubos ang pinagsikapang
sa buhay ng tao'y lalong kailangan.
Ang kapalaluang paggugol ng pilak
nang dahil sa pyesta ay di nag-aakyat
sa langit, kundi ang santong pagliyag
ng puso ang siya lamang hinahanap.
Niyong ang ating Amang hindi madadaya
sa inam ng pyesta at lagi ang ganda,
sapagkat ang ating gawang masasama
ay di mangyayaring bayaran ng tuwa.
Ibigin ang Diyos nang higit sa lahat
at ito ang siyang lalong nararapat
ngunit ang prayle'y walang hinahangad
kungdi magpalalo't ang baya'y maghirap.
Ang pangako nila sa mga anak ko
ay magbigay lamang sa mga kumbento
ng kuwalta'y sa langit naman patutungo
at ligtas sa madlang panganib sa mundo.
Saka sasabihing ang kanilang aral
ay utos ni Kristong dapat na igalang
bago hindi'y gayo't kauna-unahang
lumalabag sila sa Poong Maykapal.
Ang mga anak ko'y turuan nga lamang
ng bala-balaking dapat matutuhan
kahima't maubos ang lahat ng yaman
kikilanlin ko pang darakilang utang.
Dapwa'y sa akin daya at pag-api
ang siyang nakayang pawang iginanti,
kaya hanggang ngayon sa ikabubuti
ng kalagayan ko'y wala pang masabi.
Gayunmay'y ako pa ang siyang masama
kung aking idaing yaring pagkaaba,
sarisaring dusa nama'y nagbabala
sa balang dumamay sa aking pagluha.
Yamang may hustisyang hindi humihibik
kung dili sa balang ayon sa matuwid
sa di natutulog na awa ng langit
ipauubaya yaring pagkaamis.
Ngunit hindi kaya ngatngatin ng pula
ng ibang potensya sa balat ng lupa
ang kamahalan mo kung mapag-unawang
sa anak ay inang tunay ang dumusta?
Hanggang dito ina't ang bahala'y ikaw
dangal mo'y tanghalin ng sansinukuban
ang pagkakasundo ng lahat mong kawal
ay lumagi nawa sa kapayapaan.
Noong taong 1872 ay pinatay sa garote sina Padre Gomez,
Burgos at Zamora at nagkaroon ng pag-aalsa sa Cavite. Ito ang naging simula ng matatawag na panahon
ng pagbabago at paghihimagsik sa ating kasaysayan. Itinuring na isa sa mga matatapang at
magiting na manunulat ng panahong iyon ay si Hermenegildo Flores, ang nalimutang Bayani ng Marinduque.
Pinasinayaan ang Bantayog-Wika para sa Tagalog Marindukenyo noong Agosto 26, 2020. Ito ay bilang bahagi ng Sentenaryo ng Marinduque at kasabay ng Buwan ng Wika. Nakasulat sa Bantayog ang bahagi ng tula ni Andres Bonifacio, "Pag-ibig sa Tinubuang Lupa". Ang blogger na siyang tumayong tagapangasiwa sa programa ay makikita sa larawan. Inaasahan din na pagdating ng panahon may karapat-dapat na marker para sa mga lokal na bayani at para higit na malaman ng buong bansa ang naging buhay at kabayanihan ni Hermenegildo Flores.