Sina Gob. Presbitero J. Velasco, Jr., Bise-Gob. Romulo A. Bacorro, Jr, Kongresista Lord Allan Q. Velasco at Prov. Admin. Vincent Michael Velasco ang nanguna sa pagpapasinaya ng Bantayog-Wika para sa Tagalog Marindukenyo.
.
Matagumpay na naisagawa sa lalawigan ng Marinduque ang pagpapasinaya sa Bantayog-Wika bilang pagkilala sa Tagalog Marindukenyo. Ito ay proyekto ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pakikipagtulungan ng tanggapan ng dating Senadora at ngayo'y Kongresista ng Antique, Loren B. Legarda, sa inisyatiba ng Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque sa pamumuno ni Gobernador Presbitero J. Velasco, Jr.
Ang pagpapasinaya na ginanap noong Miyerkules, Agosto 26, 2020, ika 8:00 ng umaga sa Liwasan ng Kapitolyo ay bahagi pa rin ng paggunita sa Sentenaryo ng Marinduque mula Pebrero 21, 2020 hanggang Pebrero 20, 2021.
Nagbigay ng pambungad na pananalita at pagtanggap sa mga panauhin si provincial administrator, Vincent Michael Q. Velasco. Ibinahagi ni PA Velasco na isang makabuluhang karagdagan ang Bantayog-Wika sa mga di-materyal na pangkulturang pamana na ating mga ninuno, bilang dagdag pa aniya sa "Moryonan, Tubong o Putong, Kalutang, mga Kapistahan at ngayon ay ang kamalayan, pagkilala, at halaga ng ating katutubong wika".
Ang Pambansang Awit ng Pilipinas ay masiglang tinugtog ng Banda de Mogpog
Naging tampok ang grupong ng mga mang-aawit na I Baritoni, kinabibilangan nina Ronnel Mauzar, Jezreel Mangui at Joseleo Logdat. Sila ang umawit ng Panalangin (Prayer) at Marindukeng Minamahal, isang orihinal na komposisyon nina Dominic S. Saet at Zeus Ivy Paguntalan ng Maestrong Benito Selva Learning
Center ng Gasan, Marinduque.
Dahil hindi makadalo ang mga taga-KWF dala ng travel restrictions dulot ng kasalukuyang pandemya, ang kanilang mensahe ay binasa sa publiko ni Gng. Florie M. Regencia, Education Program Supervisor - Filipino mula sa DepEd.
Ipinaalam ng KWF na 19 na Bantayog-Wika sa buong Filipinas
mulang Batanes hanggang Tawi-Tawi ang naitayo. Kasalukuyang gumagawa ang Komisyon ng paraan, aniya upang mabigyang akses ang lahat sa mga naitatag nang Bantayog-Wika lalo’t higit
sa panahong hindi tayo maaaring lumabas ng ating mga tahanan.
Ipinarating ng Tagapangulo ng KWF, Dr. Arthur Casanova ang pasasalamat sa Pamahalaang
Panlalawigan ng Marinduque sa pamumuno ni Gobernador Velasco para sa inisyatiba na magkaroon ng sariling Bantayog-Wika ang
Tagalog-Marinduque.
Si dating Punong-Bayan ng Mogpog, Senen M. Livelo, Jr., na kilala bilang historyador ng bayan at tagapagsulong ng Kulturang Marindukenyo ang naglahad ng mensahe mula sa NCCA Punong Tagapagpaganap Al Ryan Alejandre.
Bahagi ng kanyang mensahe: "Sa pagkakataong ito, magsasamasama
tayo sa probinsiya ng Marinduque upang pasinayaan ang Bantayog-Wika para sa
wikang Tagalog ng mga taga-Marinduque, o sa salitang lokal, Marindukenyo.
"Kasabay ng kanilang selebrasyon ng
sentenaryo ngayong taon, ang Bantayog-Wika na ito ay kumikilala sa natatanging
wika na bahagi ng makulay na kasaysayan at kultura ng Marinduque.
Binasa naman nina G. Rolando Larracas, Senior Administrative Assistant III ang teksto ng isa sa tatlong marker tungkol sa Bantayog-Wika ng Marinduque.
Bahagi ng tekstong ito ang sumusunod: "Naiiba ang Tagalog ng Lalawigang Marinduque (na tinatawag ding Marindukenyo) sa iba pang Tagalog dahil sa pagkakabukod ng isla ng Marinduque sa Luzon. Mapapansin sa wikang sinasalita sa silangang bahagi nito ang impluwensiya ng mga nanahan na Bisaya at Bikolano sa lugar."
"Ang Marindukenyo ay inilalarawan bilang "ugat na pinagmulan ng makabagong porma ng wika", (Cecilio Lopez, 1923), na sinasabing kakikitaan ng mga sinaunang katangian ng wikang Tagalog."
Binigyang pansin din sa marker ng Bantayog-Wika ang tradisyon ng tubong o putong. Ayon sa marker ang mga salitang ginagamit sa ritwal na ito ay kinapapalooban ng mga sinaunang Tagalog at itinuturing na sagrado.
Ang teksto ng iba pang marker ay binasa naman ni Bokal John Pelaez ng Unang DIstrito. Ito aniya, ay sumasagisag sa halaga ng mga wikang katutubo bilang baul ng yaman ng katutubong kaalaman, halagahan, gawi, tradisyon, at kasaysayan ng mga Filipino. Kasama sa kanyang binasa ang mga nasa likod ng makasaysayang proyekto.
Binasa rin ni Pelaez ang teksto ng ikatlong marker kung saan naroon ang ilang taludtod mula sa tulang Pag-ibig sa Tinubuang Bayan ni Gat Andres Bonifacio.
Ang Bantayog ay dinisenyo ng bantog na eskultor na si Luis Yee, Jr. o "Junyee" sa art circles. Si Junyee ang nanalo sa isang pambansang kompetisyon sa disenyo ng Bantayog-Wika.
Ito ay may taas na 10-talampakan, pintadong stainless steel bamboo kung saan naroon ang mga linya mula sa tula ni Gat Andres Bonifacio na ang mga titik ay nasa katutubong Baybayin. Ito ang sinaunang writing system sa Luzon at ibat-ibang bahagi ng bansa kasama na ang islang Marinduque.
Ibinahagi naman ni Bise-Gobernador Romulo A. Bacorro, Jr. ang mga unang pagdiriwang ng Linggo ng Wika sa ilalim ng ibat-ibang pangulo na sa panahon ni Pangulong Fidel V. Ramos ay ganap na binigyang halaga ang pagdiriwang at ginawang Buwan ng Wika.
Kaagapay ang Sangguniang-Panlalawigan sa pagsasabantayog ng wikang Tagalog Marindukenyo, kasama na ang pagpapasa ng mga kaukulang resolusyon na naglalayong ihinto at ipinag-utos na ihinto ang mga kalituhang ipinakalat sa isang kolehiyo sa pamamagitan ng pagtawag sa wikang Marindukenyo ng ibang likhang salita (coined word), bagamat walang seryosong pag-aaral ito ni basehan sa kasaysayan.
Nagbigay din ng kaniyang mensahe SI Kongresista Lord Allan Q. Velasco. Sa simula ng kanyang talumpati ibinalita ng kongresista na naipasa na noong nakaraang araw ang kanyang House Bill 6552 na naglalayong ideklara ang ika-21 ng Pebrero ng bawat taon bilang "Araw ng Marinduque", na isang special nonworking holiday para ito maipagdiwang ng mga Marindukenyo.
Umaasa ang kongkresista na sa tulong ng Senado at ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay madali nang maisasabatas ang "Araw ng Marinduque".
Ayon sa kongresista, "Ang wika, tulad ng mga halaman at puno, ay umuunlad at lumalago kapag ito ay inaalagaan at minamahal. Nawa'y higit pa nating pag-ibayuhin ang ating mga gawain at magbuhos ng panahon upang linangin ang ating wika."
"Atin pong itanghal sa buong mundo na dito sa Puso ng Pilipinas, ang mga Marinduqueno ay may pagmamahal sa wika at kailanma'y hindi mababahiran ng lansa ng bilasang isda," dagdag ng kongresista.
Sa kaniyang talumpati masiglang pinasalamatan ni Gob. Velasco (nasa itaas), ang mga lingguwistang tulad nina Rosa Pelaez Soberano at Christopher Sundita na ang kanilang isinagawang pag-aaral tungkol sa Tagalog Marindukenyo ay higit na nagbigay-liwanag tungkol sa naging impuwensa ng mga nanahan na mga taga karatig-lugar na mga Bisaya at Bikolano, maging ang impliuwensya ng mga Asi ng Romblon.
Binigyang diin ng Gobernador na "noong nakaraang pagdiriwang naman ng International
Mother Language Day, Pebrero 21, nagkataon na kasabay pa ito ng
pagdiriwang ng Sentenaryo ng Marinduque, ayon sa UNESCO, ang pinakamakapangyarihang kasangkapan para mapangalagaan at paunlarin pa ang mga material at di-materyal na pamanang pangkultura." ("Languages are the
most powerful instruments of preserving and developing our tangible and
intangible heritage.")
Pinapurihan din ng punong-lalawigan ang obra ng eskultor na si Junyee Yee, Jr.
Bago magsimula ang programa, pag-uusap ng blogger bilang tagapangasiwa, at ng mga tagapagtukoy na sina Ms. Mayda Lagran at G. Abet Faundo para sa maayos na daloy ng programa.
Photo credits to Zelo J Salvacion, Cyril Manguera and Eli J Obligacion.