SA VIVA MARINDUQUE:
TROPANG MSC UMANI NG PAPURI
Umani ng matinding paghanga at papuri ang mga grupong pangkultura ng Marinduque State College sa kanilang ipinamalas na kakayahan sa entablado para sa “Viva Marinduque” project. Bilang pagpupugay sa magkakambal na selebrasyon ng “Araw ng Marinduque” at Philippine International Arts Festival, ang kontribusyon ng MSC sa naturang proyekto para sa pagpapalaganap ng kulturang Marinduque sa bansa ay inaasahang higit na makapagpapadali sa hangaring ito.
Sa pamamagitan ng mga nasaliksik na mga katutubong awiting naisagawa sa ilalim ng grupong Sambayang Sining Lahi ng kolehiyo, higit na nagkaroon ng pagkakataong maiangat ang kamalayan ng balana sa pagkakataong ito tungkol sa yaman ng panlalawigang kultura. Ang masusing pag-aaral at pagsasanay ng grupo ay nagbunga ng mga katutubong sayaw tulad ng “Isang Buong Dayap”, “Lahat ng Bagay”, ”Sulong Aking Tandang”, “Alamat ng Dalawang Puting Gansa” at “Bila-Bila” na maitatala bilang karagdagang yamang-sining ng Marinduque.
Nasa likod ng tagumpay ng Sambayan si Prof. Rex Asuncion bilang tagapamahala ng isa sa apat na seksiyon sa ilalim ng MSC Culture & Arts Department na pinamamahalaan ni Prof. Rosalinda Castro. Ani Asuncion, ang mga sayaw na ito ay maihahanay sa klasipikasyon ng ‘extension dance’ dahilan sa pag-gamit ng mga ‘interpretative movements’ kayat hindi ganap na lumilihis sa elemento ng mga katutubong sayaw. Ipinaliwanag din ni Asuncion na sa kanyang pagsusuri ay higit na mapapahalagahan ng balana ang mga nalimot nang mga awit at musika kung lalapatan ito ng mga galaw na kahali-halina sa mga manonood.
Ayon naman kay Dr. Romulo H. Malvar, pangulo ng MSC patuloy ang pagsuporta ng kolehiyo sa mga layuning naaayon sa pagkiling nito sa mga gawaing nakakatulong sa tuloy-tuloy na paghahanda at pagpapalaganap ng kamalayang ‘global’ sa kanilang mga guro at mga mag-aaral.
Ang iba pang bahagi ng naunang nabanggit na pangkulturang departamento ng MSC ay kasalukuyan ding nakatutok sa pagsasanay sa pagtugtog-rondalla, pagsasanay sa sining ng teatro at mga tradisyonal na sayaw. Hinggil sa huli ay isang bersiyon ng “Pateado” ang kasama sa naipakitang MSC ‘showcase’.
Para sa Viva project ay nakahanda ring itanghal ng pang-kolehiyong “Teatro Marinduqueno” sa ilalim ng pangangasiwa ni Castro ang isang bersiyon ng “Alamat ng Marinduque” sa pangunguna ng mga artistang mag-aaral galing sa iba’t-ibang sangay nito.
Ang “Viva Marinduque (Ani ng Sining 2009)” project ay sinimulan noong nakaraang taon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque sa ilalim ni Gobernador Jose Antonio N. Carrion bilang bahagi ng “Araw ng Marinduque”. Ang kahalagahan ng proyekto ay nahirang ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na nakakatulong sa pagpapalaganap ng sining at kulturang Pilipino. Dahilan dito ay nagpasya ang naturang ahensya na karapat-dapat itong ampunin para sa mga layunin nito.
Nakahanda na ring suportahan ng sa ilalim ng programa ng nabanggit na ahensya ang morion mask-making sa pangunguna ng Department of Trade and Industry (DTI) at pagpapalaganap sa pagtugtog ng kalutang sa ilalim ng Pamahalaang Bayan ng Gasan.
Kasama sa pagtatanghal ng Viva ang “Moryonan” at “Bulong” ng Teatro Balangaw. “Sungkasayaw”, “Pahasik” at “Bulingan” ng Boghai Dance Troupe ng Bognuyan National High School “Kalutang” at isang panibagong bersiyon ng “Putong” na isasagawa rin ng Sambayang Sining Lahi.
Ang pagtatanghal ng Viva ay nakatakda sa mga sumusunod na petsa: Feb. 13 (Gasan Municipal Court), Feb. 17 (Mogpog Covered Court), Feb. 21 (MSC Tanza), Feb. 23 (Boac Covered Court), Feb. 24 (Buenavista Park), Feb. 25 (Torrijos Covered Court), Feb. 26 (Sta. Cruz Plaza). Bahagi ito ng layunin ng pamahalaang panlalawigan na “patibayin at suportahan ang pag-andar ng isang maliksing turismo at pagpapalaganap pang-ekonomiya at panlipunan dito sa Marinduque”, ani Carrion.
No comments:
Post a Comment