Friday, June 12, 2015

Araw ng Kalayaan ngayon ng isang bansang kinakatay dahan-dahan bigla


Isang 1734 na mapa ng Pilipinas na iginuhit ni Fr. Pedro Murillo Velarde, isang Heswita. 

Nakatakdang ipresenta raw sa Pangulo ng Pilipinas ang isang malaking kopya ng tinaguriang Mother of Philippine Maps ngayong Araw ng Kalayaan. Galing ito mula kay Mel Velarde na siyang nakabili ng mapang nabanggit sa isang auction sa London noong nakaraang taon.

Balak daw ipamahagi ang kopya nito sa mga paaralan at mga lalawigan para ipanumbalik kumbaga ang diwa ng pagiging makabayan sa mga kabataan.

Ngani? Ngayon pang 2015 kung kailan matindi ang banta ng pagkatay sa orihinal na mapa ng Pilipinas na handog at iginigiit sa taumbayan ng gobyerno ni Aquino? Pagkatay sa Kanlurang bahagi ng bansa, pagkatay sa Timog na bahagi... Pag-ibig sa Bayan ngani? Pagiging makabayan? Sana ngani.

Imahe ni St. Francis Xavier sa Murillo Velarde Map ay nasa mapa sa kaliwang bahagi ng Mindanao.


Tungkol sa mapa, ito pala ay unang lumabas noong 1734 at may isa pang bersyon na lumabas noong 1744 kaya may pagkakaiba ang dalawang mapa. Lumalabas na sa ikalawang bersyon ay may iginuhit na larawan ni St. Francis Xavier na malapit sa mapa ng Mindanao. Marami pala kasing mga manunulat ng kasaysayan ng mga panahong iyon na nagsulat hinggil sa diumano ay pagdalaw ng nasabing santo noong nabubuhay pa sa Mindanao para palaganapin ang Kristyanismo.

Ang hirap dito ay marami rin ang nagpabulaan sa kuwento ng pagdalaw sa Pilipinas ni St. Francis Xavier na isang Jesuit priest. Sa huli, dahil sa matibay na mga ebidensya ay napatunayang ang istorya tungkol sa santo ay isa nga lamang istorya na walang batayan

Sa dalawang mapang nabanggit naman ay parehong makikita ang tinatawag natin sa kasalukuyang Scarborough o Panatag shoal kaya makakatulong daw ito sa pagdidiin na pag-aari talaga ng Pilipinas ang nabanggit na lugar sa West Philippine Sea.

Ang ikalawang mapa ni Murillo Velarde, noong 1744.
Itinuturo ni Mel Velarde kung saan naroon ang Panatag Shoal. Larawan ni Ian Cruz/GMA

Si Pope Francis nga pala na isang Heswita, ayon sa kaniyang paliwanag, ay kinuha ang pangalan niya mula kay St. Francis of Assisi at hindi mula kay St. Francis Xavier na isa ring Heswita.