Friday, April 15, 2016

Paglabag sa batas sa Marinduque FMR bids atbp umusok na

3 linggo bago mag-eleksiyon: Anomalya at ilegalidad sa midnight loan bids ng Lalawigan ng Marinduque ayon sa COA

Harap-harapang panggagahasa sa kaban ng isang-lalawigan?

Noong Oktubre 20, 2015 panahong suspendido si Gov. Carmencita O. Reyes ng Sandiganbayan dahil sa kasong tinaguriang Fertilizer Scam, ay nakipagkontrata si Reyes sa DBP para sa pangungutang ng P300M para sa mga ibat-ibang proyekto sa gitna ng mga protesta.

Kasama sa inuutang ang infra projects sa halagang P170,086,533.96 para sa farm to market roads kung saan nagkaroon ng bidding noong Marso 9, 2016, kahit pa may nakabinbin na kaso sa Makati Regional Trial Court na naglalayong ikansela ang kontrata sa DBP.

Base sa masusing pagsusuri ng COA, lumitaw na sadyang kadudaduda diumano ang legalidad ng prosesong isinagawa ng Bids and Awards Committee (BAC) sa maraming kadahilanan. Ilan dito ang hindi pagsunod sa mga probisyon ng RIRR ng RA 9184, mga bidders/suppliers na binigyan ng kontrata bagamat hindi kumpleto ang legal requisites, mga impormasyon na tinaguriang "bogus" ng COA, kabiguan ng mga bidder na magbayad ng tamang income tax sa BIR, kabiguang magsumite ng Tax Clearance, at marami pang iba pa.

Ikinagulat ng COA kung bakit sa likod ng mga nasabing pangangailangan ayon sa batas ay pinayagan ng BAC at Technical Working Group na palusutin ang mga ito sa panahon ng preliminary evaluation, evaluation at post-qualification bagamat ang mga bidders ay "ineligible".



Sa isang kasunod na Audit Observation Memorandum (AOM), na ipinadala kay Gov. Carmencita O. Reyes ay maliwanag na ipinarating ng COA ang kanilang pagsusuri. Ayon sa Komisyon may surplus sa pananalapi ang lalawigan na ang suma-total ay P 526,204,782.13 kayat hindi rin kailangang mangutang sa DBP.  Kasama sa nasabing halaga ang cash in vault, cash in bank at mga time deposit.

45% naman ng total cash na nagkakahalaga ng P238M ay magagamit sa mga proyekto sa halip na mangutang ayon sa Komisyon sa Audit.


Bahagi ng pagsusuri ng COA na may petsang April 11, 2016

Matatandaang noong 2014 ay tahasan ding iniulat sa bayan ng nasabing Komisyon na ang hindi pag-gamit ng lalawigan sa mga pondong nakalaan para sa mga proyektong makakatulong sa taumbayan ay hindi naaayon sa letra ng mga kaukulang batas.


2014 pa nagbabala ang Komisyon sa Audit

Dahilan dito iginiit na ng COA, bukod pa sa ilang mga dapat isagawa ng tuwid ng lalawigan na may kinalaman sa pananalapi, ang pagpaliban sa pangungutang sa DBP at pagtitiyak na ang pag-gamit ng kaban ng bayan ay naaayon sa "vision, mission at strategic plans" ng lalawigan.

Para sa ilang mga mamamayan ng Marinduque bilang reaksyon ay napakaliwanag na diumano kung ano ang talagang pakay ng mga nasa likod ng pangungutang.

"Tatlong linggo na lamang at eleksiyon na, so alam na!", anang isang kabataang sumusubaybay sa usaping ito.

Ito kaya ay maituturing na klasikong kabanata na kung saan ang isang inabusong pamayanan ay patuloy na ginigisa pa sa sarili nilang mantika?


Minsang bumagyo sa Marinduque ay umulan ng celphone
galing din sa kaban, disallowed na rin ng COA