PAGLILIHIS NG LANDAS?
Iyung mga hindi makatanda sa kasaysayan o nangyari sa nakalipas ang mas malamang na gumawa ng bagong kuwento. Maari ring may maitim na mga binabalak. Ito ang tinatawag na REVISION OF HISTORY.
Kamakalawa, tungkol na naman sa MARCOPPER disaster at mga masamang epekto ng iresponsableng pagmimina ang tinalakay ng ABS-CBN TV Patrol. May pini-PR kumbaga ang mainstream media. Dating gawi.
'Pinasarang Marcopper banta pa rin sa kalusugan.' Ngani naman.
Sabi ng reporter: 'Ayon kay Gov. Reyes ng Marinduque, hindi nabigyan ng sapat na tulong ang mga biktima ng aksidente dahil pinili umano ng minahan na makipagsagutan na lamang sa korte kaysa tulungan ang mga residenteng naapektuhan ng natapong mine tailings.'
Ang tanda naman ng mga taga-Marinduque ay TUMAKAS ngani palabas ng bansa ang mga banyaga para TAKASAN din ang kanilang mga tulong na ipinangako sa gobyerno. Hindi nila PINILI na makipagsagutan na lamang sa korte. Sila ay dinemanda ng lalawigan kaya NAPILITAN silang humarap sa Korte.
Sabi naman ni Gov. Carmencita Reyes sa video: 'What about the rehabilitation, restoration and restitution of the lives of people? Hindi pa ako kasama doon.'
Tanda naman ng mga taga-Marinduque ay may iniwang pondo (escrow) ang Placer-Dome na $12-MILLION para sa rehab ng Boac River. Nawala na ang malaking halaga, katumbas ngayon ay PHP 600-MILLION. Parang bulang naglaho at wala ni isa na makapagbigay ng paliwanag kung saan napunta. TAHIMIK O TANGGING BINGI ang mga kinauukulan.
Wala ring ipinaliwanag tungkol sa $20-MILLION na proposed settlement ng BARRICK AT MARINDUQUE GOVERNMENT na matinding ISINUKA ng mga mamamayan dahil kung anu-anong kundisyones ang iginigiit sa kanilang ngala-ngala.
Kasama na ang kundisyon na ni singkong duling ay hindi ito puwedeng gamitin sa rehabilitation o restoration ng alin mang apektadong lugar.
Tila kung ano naman ang ibig ipakahulugan ni Carmencita sa sinambit niyang "HINDI PA AKO KASAMA DOON' na dapat palang idagdag sa 'rehabilitation, restoration of the lives of people'. Ano raw daw?
'Ipinasarang Marcopper'
Tungkol naman sa paulit-ulit na pag-gamit sa report ng salitang "ipinasarang Marcopper" o "matapos mapasara", hindi naman niliwanag na ang mine site ay guwardiyado ng mga armadong kalalakihan higit dalawang dekada na, at walang basta-basta makapasok dito kahit pa galing sa gobyerno.
Bagamat opisyal na tumutugon ang Marcopper Mining Corporation sa mga katanungang galing media, may nakapaskil naman sa mine site na babala at ito ang nakalagay:
'THE AREA IS PRIVATE PROPERTY AND ENTRY WITHOUT PERMISSION IS PROHIBITED. BY: MR HOLDINGS, LTD' |
Isa itong kabalintunaan!
HOY GISING! BAYANG INAPI-API!