Noong nakaraang Marso 3, ay walang babala na biglang sumipot ang dating Amerikanong abogadong si Skip Scott sa Sangguniang Panlalawigan ng Marinduque. Dala ito ng isang kahilingan na natanggap ng SP noong araw ding iyon na payagan si Gov. Carmencita Reyes na pumirma ng isang MOA at panibagong kontrata sa Diamond McCarthy (DM). May kinalaman ito sa kasong isasampa sa Canada laban sa Placer Dome/Barrick Gold dahil sa kapinsalaan ng naging pagmimina ng Marcopper sa Marinduque.
Sinabayan ng BANTAY-KASO (Marinduque Movement for Transparent and Accountable Dispositions of the PGM vs Barrick Case) ang civil society group na Marinduque Council for Environmental Concerns (MACEC), at mga Kapariang mahigpit na tumutol din sa binalak sa naging biglaang desisyon.
BAHAGI NG PAHAYAG:
Tanong: Bakit hindi dapat Diamond McCarthy (DM)?
Ito ay US law firm na humawak ng kaso ng Lalawigan sa US subalit walang license mag-practice sa Canada. Pag kinuha sila, kukuha naman sila ng isa pang Canadian Law Firm/Lawyers (tinawag na LOLG) para siyang humawak ng kaso natin doon na babayaran din ng lalawigan (maliban sa kanila).
Parang BROKER o AHENTE lang ang DM. Bakit pa? Samantalang may mga kilalang Canadian Law firms naman na direktang gustong humawak ng kaso? Kailangang dumaan pa sa kanila? DOBLENG GASTOS!
Tanong: Bakit sa Canada isasampa ang kaso?
Sa US unang isinampa ni Scott/Diamond McCarthy ang kaso subalit makalipas ang halos 10 taon, FINALLY DISMISSED ang kaso dahil MALI na sa US isinampa kundi sa CANADA o sa Pilipinas dapat. Ito lang ang na-resolve sa US sa halos 10 taon subalit sinasabi ni Scott/DM na nasa $12-million (P600-million) na daw ang nagastos nila sa kaso.
Tanong: Paano babayara ang abogado pag sinampa sa Canada? May pera bang gagamitin?
Sa dating kontrata kay Scott/DM, walang perang ilalabas muna ang probinsya at magbabayad lamang kung nanalo o may nasingil na (Contingency Basis).
Subalit sa bagong kontratang hinahain ngayon, BABAYARAN NA AGAD ang mga abogadong kukunin nilang humawak sa Canada at iba pang gastos. At sapagkat walang pera ang lalawigan para dito, UUTANG ANG LALAWIGAN sa Parabellum na funding partner ng DM sa US. Babayaran ito at bibigyan pa rin ng share ang Funder kapag may nasingil.
Ilang million dollars din ang proposed budget ngayon ng DM at Canadian partner (LOLG) para sa susunod na 2 taon subalit HINDI PA RIN NILA SINISIGURADO NA MAI-FILE ANG KASO SA KORTE. Kung ganoon, para saan ang budget na babayaran sa kanila?
Tanong: Sino'ng kukuning abogado ng Diamond McCarthy bilang partner nila na hahawak sa kaso sa Canada?
Ang partner nila ay ang Lax O'Sullivan Lisus Gottlieb (LOLG), isang law firm na kilalang humahawak ng mga corporate cases sa Canada at NAGING ABOGADO NA RIN NG BARRICK GOLD na siyang idedemanda ng lalawigan ngayon. Pag napirmahan ni Gov. Reyes ang MOA, ang magtatanggol sa atin ay dating abogado ng kumpanyang ating idedemanda!
Tanong: Kung hindi DM at LOLG, may iba pa bang Canadian firms na interesado sa kaso?
Oo. Isa dito ang Trudel, Johnston & Lesperance (TJL) na nag-submit na ng initial proposal sa probinsya at personal ding bumisita at nag-ocular visit sa probinsya sa kahilingan ng Lalawigan, at their expense noong pang Enero 2016.
Ang TJL ang nagpanalo ng isa sa pinakamalaking awards sa Canadian Court na $ 15-BILLION (Ca) para sa mga apektadong residente ng lalawigan ng Quebec. Sila ay isa lamang sa nagpakita ng interes na hawakan ang kaso ng Marinduque nang i-declare ng US lawyer Walter Skip Scott sa Public Meeting na HINDI na nila hahawakan ng DM ang kaso kapag hindi tinanggap ng lalawigan ang $20M Proposed Settlement Agreement na pinag-usapan noon 2014-2015.
Subalit nang nagpakita ng interest ang TJL, biglang nagmarahipit uli si Scott/DM na hawakan ang kaso. Dapat na mag-imbita pa ng ibang law firms para maraming pagpilian ang lalawigan.
Tanong: Inaako ng DM na sila daw ay 'global counsel' ng probinsya, anong ibig sabihin nito?
Ibig sabihin na sila ang hahawak at magiging kausap sa ano mang kaso na isasampa ng Lalawigan kahit saang panig ng mundo. Kahit wala silang license magpractice sa bansang iyon tulad ng Pilipinas. Kungmagsasampa ng kaso ang Lalawigan sa Pilipinas, sila pa rin ang ka-kontrata, at kukuha naman sila ng Filipino Law Firms at lawyers para ipagtanggol tayo sa korte ng Pilipinas. Malaking KALOKOHAN ito!
PATULOY PO TAYONG MAGMATYAG AT MAGING KAAGAPAY NG MGA KATUWANG SA CIVIL SOCIETY AT SA GOV'T NA NAGSUSULONG NG IKABUBUTI NG LALAWIGAN
BANTAY-KASO
March 10, 2017