Ito ang bahagi pa ng nakasulat sa wikang Kastila:
El gobernador Juan de Silva se pone al frente de una escuadra de 8 barcos (la nao “San Juan Bautista”, de 600 toneladas, construida con toda celeridad y la ayuda de todos en un recóndito astillero de la isla de Marinduque...)
Sa Ingles:
Governor Juan de Silva takes the helm of a squadron of eight ships (the 600-ton "San Juan Bautista" ship, built with great speed and help from all in a remote shipyard on the island of Marinduque...)
Ano raw yun?
Parang maganda ang isang panulat na ito na kung saan ako dinala dahil sa mga pananaliksik na aking patuloy na gingawa tungkol sa mga makasaysayang galleon. (Nasimulan ko kamakailan sa pamamagitan ng 5-part na serye na lumabas dito sa Marinduque Rising).
Ang ilan sa mga galleon (tulad ng San Marcos at San Juan Bautista), ay sa Astillero de Marinduque ginawa. Subalit kagilagilalas na mas marami pa pala sa mga galleon ang sumadsad o lumubog sa Tablazo de Marinduque, sa panahong iyon, kasama ang daan-daang mga sakay at tripolante na nagsilunod dahil sa mga bagyo.
Sa panahon naman ngayon, talagang naglabasan na sa ibat-ibang bahagi ng mundo, sa ibat-ibang lenguahe, ang mga dating nalimutan nang mga bahagi ng kasaysayan natin. Kayat ang mga kabulaanan at haka-haka ng nakalipas, na itinuro sa atin ng ilang naunang mga manunulat, maging ng mga manunulat sa kasalukuyan, o nilang mga simpleng mapag-imbento lamang, ay madali nang naitutuwid ngayon.
Nagkalat na ang mga sources na maaaring nung kapanahunan ng mga sumulat ay hindi nila maabot, kayat ngayon ay di na kailangang magbabad sa mga silid-aklatan saan man sa mundo. At ano mang gustong malaman nino man, ano mang katanungan, tungkol sa kasaysayan nating talagang nakabaon na sa limot ay maaaring halukayin sa Google para masagot. At depende na rin sa autentisidad at iba pa ng iyong mahuhukay.
Para sa Isla de Marinduque, ang kagulat-gulat na yaman ng mga pinaglumaang panulat ay nariyan lamang para sa kaalaman at kaliwanagan ninuman.
Juan de Silva
Isa lamang si Juan de Silva sa mga naging bahagi ng kasaysayan ng Marinduque. Marami pang nauna sa kanya. Pero sino muna siya, kahit bahagya lamang?
Si Juan de Silva, tubong Trujillo sa Espana ay dumating sa Pilipinas noong Abril 1609, para maging military commander at gobernador ng Pilipinas. Sa kanyang panahon nasimulan ang pagtatayo ng mga astillero sa Marinduque para sa pagpapagawa at pagkumpuni ng mga galleon. Karagdagan ito sa iba pang astillero sa ibat-ibang panig ng Pilipinas. (Sa panahon ding iyon naitayo ang ilang visita sa Marinduque).
Sa isa sa kanyang pakikipagsapalaran noong 1616 sa Malacca (sa Malaysia), ay dala niya ang sampung galleons, apat na galleys at mga maliliit pang sasakyang pandagat. Pangunahin dito bilang flagship ang 1,700 toneladang San Marcos na gawa sa Marinduque. Sakay ng mga ito ang 5,000 na kalalakihan bilang mga sundalo at mga mandaragat, kasama na ang 2,000 mga Kastila at 500 mga kawal na Hapon. Sa panahong iyon ito na ang pinakamalaking armada na nakita sa dakong iyon ng mundo.
Subalit sa kabanatang iyon din siya mahiwagang binawian ng buhay, hindi dahil sa pakikipaglaban kundi isang mahiwagang pagkamatay.