Thursday, June 28, 2018

Mga Balinsasayaw sa Marinduque nanirahan na sa isang mansion




Ang ibong Balinsasayaw (Philippine swiftlet) ay likas sa Pilipinas. Naninirahan sila sa mga gubat maging sa bundok man o patag. Karaniwang sa malalamig na kuweba ang paborito nilang tahanan. Sa mga ilalim ng tulay ay makikita rin sila.

Subalit minsan nakikitira rin sila sa mga bahay kahit pa okupado ito ng mga tao. May mga lugar na matapos nilang tirhan ay binabalikan nilang muli. Mayroon namang mga bahay na hindi nila magawang umalis at tila igigiit ang kanilang kagustuhang manirahan dito.

Sa Hilagang Marinduque, may isang mansion dito na dekada na ang inabot ay ayaw talagang umalis ng mga masasayang ibon. Hanggang animo ay nagkaroon ng direktang kasunduan ang mga Balinsasayaw at mga taong nakatira sa nasabing bahay na ang mga ibon ay may pahintulot nang akuing kanila ang isang malaking silid, at hindi na sila makikialam sa iba pang silid.


Sa araw ay palipad-lipad lamang sila sa pali-paligid at padapo-dapo sa kanilang puwesto, pero pagdating ng alas-6:00 ng hapon hanggang mga 6:30 n.h. ang kanilang mga kasamahan ay datingan na. Libo-libo ang bilang at halos di na magkasya sa isang bahagi ng kisame na kanila ngang inako na, ayon sa may-ari.

Dun makikita ang mga maraming pugad na ginawa at pinagdikit-dikit nila gamit ang kanilang mga laway. Mahal kung bibilhin ang mga pugad ng Balinsasayaw dahil ang mga ito ay pambihirang gawa sa tumigas na laway ng mga Balinsasayaw at ginagawang sopas, lalo na ng mga Intsik. Mataas daw ito sa calcium, iron, potassium at magnesium kaya maganda sa kalusugan at mahal ang halaga.


Ang mga pugad ay ginagawa ng mga lalaking Balinsasayaw kapag breeding season sa loob ng mga 35 araw. Hugis tasa na mabababaw ang mga ito at nakadikit sa mataas na bahagi ng kuweba o kuwarto.

Sa ating bansa ay mahigpit na ipinagbabawal pakialaman ang mga pugad ng Balinsasayaw.



Sa kaso ng mga Balinsasayaw na iri at kanilang mga pugad sa bahay na aming nabisita, hindi pinapakialaman ng may-ari ng mansyon ang mga ibon at mga pugad nila. Ayon sa may-ari maliwanag na pinagbigyan sila ng mga ibon sa kanilang pakiusap na isang kuwarto na lamang ang kanilang okupahin, kaya’t iginagalang naman nila ang pagsang-ayon ng mga Balinsasayaw.

Ehemplo baga ng maayos at mapayapang magkakasamang buhay, peaceful coexistence. Sa pagitan ng mga tao at mga ibon.

Ang may-ari ng bahay (kaliwa) at ang blogger na ito.

Video of Balinsasayaw in a Marinduque mansion: