Kapitan Teofilo Navaroso Roque |
Ipinagdiwang kahapon dito sa Marinduque ang makasaysayang
Labanan sa Paye (July 31, 1900), na isang mahalagang bahagi ng
Philippine-American War sa Marinduque (1900-1902). Isa ito sa dalawang makasaysayang kabanata noong 1900 na hindi na makakalimutan sa lokal na kasaysayan.
Ang Digmaan sa Marinduque
Si Martin Lardizabal, military governor ng Marinduque ang
nag-organisa ng Hukbong Rebolusyonaryo ng Marinduque ayon sa pag-uutos ni
Mariano Trias ng Southern Command.
Nagsimula naman ang panibagong pakikibaka, sa panahong katatapos pa lamang ng Spanish-Philippine War, nang dumating noong Abril 25, 1900 ang dalawang
US Navy ships. Dumaong malapit sa Puerto Laylay, lulan ang isang batalyon ng
29th USV Infantry sa ilalim ni Col. Edward Hardin.
US soldiers wading ashore at Laylay, Boac, April 25, 1900 |
Matapos ang pakikipag-usap sa ilang mga prominenteng
residente ng Boac, dumeretso ang mga sundalong Amerikano sa mala-citadel na
simbahan ng Boac at ito ang ginawa nilang kuta. Walang pagtanggi o labanan na
naganap.
Pagkatapos ng ilan pang pagmamanman na wala pa ring anumang insidente,
nagpasya si Hardin na tahimik ang isla. Iniwan ang Company A at naglayag
papunta sa iba pang masasakop na mga isla sa labas ng Marinduque.
Si Lardizabal naman ay nagkasakit at hindi na magampanan ang
kanyang tungkulin. Hinirang niya si Lt. Col. Maximo Abad bilang kanyang kapalit
na mamuno sa hukbong rebolusyonaryo. Mayo 6, 1900 nang ang Hukbo ay hinati sa
apat na guerilla units.
Si Teofilo Roque ang namuno sa 2nd Guerilla para mangalaga
sa teritoryong Boac-Mogpog (kung saan naganap ang Labanan sa Paye).
May mga prominenteng personalidad sa kilusan na may
kaugnayan sa isat-isa. Halimbawa, biyenan ni Abad si Kapitan Fausto Roque ng 1st
Guerilla, at pinsan naman ni Fausto si Teofilo. Dahil dito, naisulat ni Andrew Birtle, isang US historian,
na ang revolutionary struggle daw sa Marinduque ay matatag na nakaugat sa middle at
upper classes ng isla na may kakayahang gamitin ang kanilang kapangyarihan at
pagkilala ng mga tao para ang kilusan ay suportahan ng mga mamamayan.
Labanan sa Sta .Cruz
Noong ika-19 ng Mayo 1900, umabot sa 57 ang mga kawal
Amerikano ng Company D/38 na nagmartsa papuntang Sta. Cruz, at nakarating doon
ng 7:00 ng umaga, Linggo. Nadatnan nila ang may mga 1,000 katao na dumalo sa
maagang misa.
Karamihan sa mga tao ay sakop ng paningin ng mga Amerikano
bagamat pansin din nila na ang mga gerilya ay naka-deploy sa ibabaw ng isang
burol.
Nagsagawa ng tinatawag na ‘bush tactic o Indian style’ na
paglusob ang mga Amerikano. Sa pangunguna ni Major Charles H. Muir biglaang
rumatrat at nasapol kaagad ang ilang mga Filipino mula sa kanilang
pinagkukublihan. Nagtalsikan papunta sa ibat-ibang direksiyon.
Anim kaagad ang namatay na mga Filipinong sundalo at isa ang nabihag. Napagtagumpayan
ng mga Kano ang unang labanan sa Marinduque na wala silang casualty.
Matapos ang pangyayari, nagpasya ang may karamdamang si
Martin Lardizabal na sumuko na lamang. Nanatili para sa pakikipaglaban sina Abad at mga kasamahan sa kabundukan.
Battle of Paye Historical Landmark |
Labanan sa Paye
Samantala, ang komandanteng Amerikano sa Boac, si First
Lieutenant William S. Wells ng Company A, 29th USV naman ay tila naging
kampante sa panahong iyon dahil tag-ulan. At dahil walang nagaganap na ano mang
insidente o engkuwentro sa lugar. Nanatili na lamang sila sa loob ng simbahan.
Sa isang pambihirang pagkilos ni Wells, nagsagawa siya ng
isang reconnaissance march sa kanayunan hanggang makarating sa Balimbing. Ito
na ang naganap na pagsalakay sa kanila ng mga gerilya ni Teofilo Roque noong
Hulyo 31, 1900.
Habang nasa tabing ilog ang mga sundalong Amerikano, sinalakay
sila ng mga pwersa ni Roque, nasugatan ang dalawang Amerikano at binihag ang
dalawa pa. Ang isa sa mga binihag ay nakilalang isang negosyanteng Ingles na
matagal nang naninirahan sa Boac, kilala lamang bilang si ‘Macky’ o R.D. Macky.
Ang nagulantang na mga Amerikano ay umatras at tumakas sa
kahabaan ng mga 7-milyang layo mula sa Paye hanggang nakabalik sila sa Simbahan
ng Boac.
Ayon sa tala, nang gabing iyon, ang mga nagwaging mga
gerilya ang nagsunog sa isang bahagi ng Boac na tinatawag na Mataas na Bayan,
malapit sa simbahan sa pagsisikap na tuluyang palayasin ang mga Kano.
Nagsilikas ang mga naninirahan sa bayan at halos walang
taong natira. Paralisado naman, di makagalaw, nanginig sa takot, 'cowering', ang Company A
sa loob ng simbahan.
Ang pagkatalo ng mga Amerikano sa Paye ay isang maliwanag na
babala, sapagkat ito ay hahantong sa isa pang malaking pagkatalo ng puwersang
banyaga, pagkaraan ng anim na linggo sa Labanan sa Masaguisi, mas kilala sa tawag na Labanan sa Pulang Lupa - ang tinaring mismo ng mga US historians bilang “one of the worst
reversals suffered by US forces... sending shock waves through the American high
command."
(May kasunod)