Tuesday, September 4, 2018

Bandilang Pilipinas at ang Patriyotismo ng mga Marinduqueno

Lumang larawan ng Simbahan ng Boac na pinaligiran ng fortaleza. May nakataas na bandila sa kanang bahagi subalit ito ay ang bandilang Amerikano. Kuha ito nang ginawang kuta ng mga dayuhan ang Simbahan.
Ang patriyotismo ng Marinduqueno ay naitala sa maraming mga panulat sa panahon ng Filipino-Spanish War, Filipino-American War, at Filipino-Japanese War. Katunayan, pangunahin ang Gobernador-Militar ng Marinduque na si Martin Lardizabal sa paghayag ng paghihiwalay ng islang-lalawigan sa paglaya mula sa pamamalakad ng mga Kastila.


Lumang larawan ng Calle Rosario, Boac, Marinduque

Nang lumisan na ang pinakahuling casadores ng Espanya sa Marinduque noong Abril 23, 1898, idineklara ng Marinduque ang kalayaan nito mula sa Espanya, bago pa man ideklara ni Gen. Emilio Aguinaldo ang Kasarinlan. Pormal itong pinagtibay ng mga kinatawan (mga opisyal ng bayan at mga ilustrado) mula sa limang munisipyo ng Boac, Gasan, Mogpog, Sta. Cruz at Torrijos. (Ang Buenavista, dating Sabang ay bahagi pa lamang noon ng bayan ng Gasan).

Hindi kataka-taka na ang unang opisyal na Bandila ng Pilipinas ay dinala sa Marinduque dalawang buwan pagkaraan ng pagkilos na ito, noong Hunyo 27,1898. Ito ay naging isang napakalaking kaganapan sa bayan ng Boac kung saan sinalubong ang pagdating ng bandila ng napakaraming mga mamamayang lubos na Kasarinlan at Pagmamahal sa Bayan ang tanging nasa puso.


Binindisyunan sa Simbahan ng Boac ang Bandilang si Canuto Vargas,
courier ni Gov. Martin Lardizabal ang maydala.

Si Ramon Madrigal, isang naunang lokal na istoryador ang nanguna sa pagsulat sa naganap na makasaysayang pangyayari:

"Noong Hunyo 27, (1898), ang courier ng Gobernador (Gov. Martin Lardizabal), na si Canuto Vargas, ay dumating sa Boac na dala ang unang Watawat ng Pilipinas para sa Lalawigan ng Marinduque. Isang malaking pulutong ng mga tao ang pumunta sa Bundok Santol upang salubungin ang Watawat habang ang flag-bearer ay patungo sa sentro ng bayan sa Calle Real. 

Lumang larawan ng Calle Real, Boac, Marinduque

Dahil sa dami ng tao ay tanging ang Watawat lamang na nakawagayway sa isang poste ng kawayang tangan ang makikitang gumagalaw nang dahan-dahan, at ang tagapagdala ng bandila ay ni hindi masilayan.

Pagdating pa lamang sa panlalawigang gusali* nang makilala ang maydala ng Bandila na si Canuto Vargas, isang maliit na tao na noo’y labis na pawisan dahil sa pagod. Ang karamihan sa mga tao ay sabik na makita ng malapitan at ihayag ang kanilang paghanga sa Unang Opisyal na Watawat ng Pilipinas para sa Lalawigan - ang  Watawat na kanilang kinilala at binigyan ng pagpupugay at pagmamahal."

Larawan ng Lardizabal-Trivino ancestral house. Larawan ni Phil Lim

(*Ang tinutukoy na panlalawigang gusali ay ang ancestral house ng mga Lardizabal-Trivino na siya pa ring nakatayo sa tapat ng Boac Covered Court, na nagsilbing Kapitolyo noon nang pagkatiwalaan si Martin Lardizabal bilang unang Gobernador. Makikita sa larawan ang nasabing antigong bahay.