Tuesday, October 23, 2018

Kasaysayan ng 1 de Noviembre St. sa Boac, Marinduque

Dahil parating na ang Undras ay maiging maibahagi ang naging madugong kasaysayan ng '1 de Noviembre St.' bago tuluyang maglaho sa memorya at mapalitan ng kung anong pangalan ang mahalagang kalyeng ito.

Iri ang hitsura ng Calle Rosario ng mga panahong iyon na isang bloke lamang ang layo mula sa Casa Real. Napalitan na sa kasalukuyang panahon ang pangalan nito.

1 de Noviembre 1897 

1896 pa lamang ay balita na ang rebolusyonaryong grupo mula sa Mogpog na pinangunahan ni Basilio Mendez. Ang grupo ay nasa ilalim pa rin ng mandamyento ni Hermenegildo Flores (Kapitan Bindoy/Kang Bindoy).

Napag-usapan ng husto ang gilas ng Mendez unit dahil nagkaroon ito ng encuentro sa Bundok Bintakay ng dalawang beses laban sa mga 'cazadores' ng Espana. Ang ikalawa rito ay sinalihan pa ng gunboat ng mga Kastila na may pangalang Elcano na mula sa Puerto Laylay kung saan ito nakadaong ay dinala pa sa Luawan (Mogpog), bilang panakot. Hindi naman nasindak ang Mendez unit at bagkus ay naging katawatawa ang sinapit ng mga Kastila at mga tauhan nila sa ginawang pagtaboy sa kanila ng grupo ni Mendez.


Isang lumang manuskrito ng lokal na kasaysayan.


Ayon sa tala, 25 lamang ang mga tauhan ni Mendez. Kasama rito ang kanyang kapatid na si Vicente at kapatid na babae na si Olympia. Kasama rin sina Baldomero Taingaso, Juan Manuba, Felix Lavega, si Fabian Medenilla (na napatay sa Casa Real ng Boac, 10 Oktubre 1897), at Dalmacio Lamac. Ang iba ay hindi na napangalanan.

Nang maganap ang trahedya sa Boac noong 10 Oktubre 1897, na kung saan napatay sina Medenilla, Flores at Medina, ay nanumpa ang mga rebolusyonaryo na magsagawa ng paghihiganti. 

Naganap ito noong 1 de Noviembre 1897, Undras. Sinalakay ng Mendez unit ang Casa Real ng Boac upang palayain ang ilan pang natitirang bilanggo.


Noong 2008, ipinalabas sa buong lalawigan para sa National Arts Month 
project ng NCCA ang 'Viva Marinduque'. Naging bahagi naman nito ang isang dula
handog ng DepEd Mogpog District tungkol sa pakikipagsapalaran noong 1897 ng Mendez Unit ng Mogpog.

Ito na ang pinakahuling marahas na pag-atake ng mga sundalong Marinduqueno sa mga Espanyol. Nagkaroon ng madugong pakikipaglaban sa kadiliman ng gabi sa Araw ng mga Patay, Todos los Santos.

Ang taong bayan na pawang mga putok ng Mauser guns ng mga Kastila at hiyawan ng mga tao ang naririnig ay walang magawa kundi manalangin na lamang.

Naitaboy sina Mendez at mga kasamahan. Ang mga natitira pang ilang bilanggo ay ipinag-utos ng Alferez na agad patayin lahat. Isang nakapangingilabot na kadiliman sa loob at labas ng gusali ang sumunod, at sa huli ay nakatutulig na katahimikan na lamang ang bumalot sa buong kabayanan.

Isa sa mga bilanggo na napagkamalang patay na ay naging masuwerte pa. Si Pedro Madrigal, isang parmasyutiko mula sa Boac ay pinag-utusan na suriin ang mga bangkay at sinabi niya kay Fresnede na ang isa ay gumagalaw pa. 

Ang bahagi ng '1 de Noviembre St.' na patungo sa Ilog ng Boac.
Larawan: Eli Obligacion


Ang may buhay pa palang bilanggo, nakilala bilang si Juan Manuba, ay disedidong ipaglaban ang kanyang sarili kayat nagawa niyang kumaripas ng takbo mula sa Casa Real patungo sa ilog ng Boac na malapit lamang. Naglaho siya sa makapal na damuhan at mababang mga punong-kahoy doon sa tabing-ilog. 

Nabuhay pa si Manuba ng maraming taon para ibahagi naman sa kanyang mga kababayan ang kanyang kalunos-lunos na sinapit.

Ang kalyeng nasa likuran ng Casa Real ng Boac ay pinangalanang '1 de Noviembre St.' bilang paggunita sa madugong kabanatang ito sa kasaysayan ng Marinduque.

Casa Real ng Boac ang gusaling nasa kanan. Ito ang kalye sa likuran ng Casa Real na pinangalanang '1 de Noviembre St.' Larawan: Eli Obligacion