Lagim na naganap sa Casa Real ng Boac |
121 Taon na ang nakakaraan sa bayan ng Boac. Pista ng Santo Rosario.
Ang imahen ng Santo Rosario na nilamon ng apoy noong nakaraang Hulyo 2, 2018.
Linggo, Oktubre 10, 1897, "Pista ng Santo
Rosario". Isang pinakahihintay na sagradong kaganapan sa makasaysayang bayan
ng Boac. Subalit sa pagkakataong ito, ang prusisyon na nagsimula ng 6:00 n.h. ay di pangkaraniwan.
Ang dating imahen ng Santo Rosario. Naging abo na rin dulot ng Sunog sa Boac noong Hulyo 2, 2018 |
Dahil di-nagtagal pagkatapos ng prusisyon nang bandang
alas-nuwebe ng gabi, may natanggap na balita ang tenienteng Espanol na si Fresnede
na nakatalaga sa Casa Real ng Boac – ang mga ‘insurrectos’ daw ay sumusugod na papuntang
Boac para salakayin ang Casa Real!
Tinatalakay pa lamang ni Fresnede ang ulat kasama ang
kanyang mga cazadores nang biglang sumalakay na nga ang mga
rebolusyonistang mula sa Mogpog, sa
pangunguna ni Fabian Medenilla (“Kapitan
Fabian”), ng ‘Mendez unit’ – sumalakay sa Casa Real.
Doon, ang iba pa nilang kasamahan na nasa piitan ay
naghihintay sa kanilang magiging kapalaran. Ang mga rebolusyonista ay
nakipaglaban armado ng kanilang mga itak at sundang, ang mga cazadores naman ay
armado ng kanilang mga baril.
Mga nakapangingilabot na tunog ng hiyawan, pagtangis, hinagpis
ng mga tinig-lalaki at mga pagputok ng mga baril ang umalingawngaw sa buong
kabayanan. Ang sumunod na kaguluhan sa mga nagaganap ay nararamdaman lamang ng
mga taumbayan na labis ang takot at pagkalito para maunawaan kung ano ang
nagaganap.
Natagpuang patay kinaumagahan sa may pintuan ng isang
tanggapan sa silong ng Casa Real si Fabian Medenilla, isang bala ang nakabaon
sa kanyang noo na punong-puno ng dugo. Ang bala ay nanggaling sa baril na
pag-aari ni Fresnede.
Kasama ang iba pang mga patay na bilanggo sa loob ng selda, natagpuan
ang walang buhay na katawan ng komandante ng rebolusyonaryong pwersa sa Marinduque
– si Kapitan Hermenegildo Flores ("Kapitan Bindoy"). Si Hermenegildo Flores (tuwing sinusulat ko
ang pangalan niya ay naiiyak ako). Si Flores, ang dakilang makatang Tagalog na
inakala ng lahat dahil sa kakulangan ng datos na doon nagmula at natapos ang
kanyang naging papel sa Rebolusyon – hanggang sa madiskubre ko na siya rin pala
ang Herminigildo Flores na namuno sa mga rebolusyonaryo ng Marinduque noong
panahon ng Himagsikan laban sa mga Kastila!
Si Remigio Medina ("Kapitang Mio"), ang
rebolusyonaryong pinuno mula naman sa Torrijos, ay natagpuang patay din. Sa isang
sukdulang pangungutya, ang mga Espanyol ay nagpasiya na ang mga napatay na
"insurrectos" ay hindi raw karapat-dapat na bigyan ng isang
Kristiyanong libing, ni "bendita" ni panalangin o kahit pa mababaw na
mga libingan.
Ang mga bangkay ng dalawa ay walang habag na hinila papunta
sa tabing-ilog ng Boac River, tinakpan ng mga dahon, tuyong kahoy at mga kayakas.
Doon sinunog ang kanilang mga bangkay hanggang sa maging mistulang abo na lamang ang
lahat. At nagdiwang ang mga casadores.
Ang mga bangkay naman ng iba pang mga rebolusyonaryo ay masasabing
mas naging mapalad. Ang mga ito ay dinala sa isang lumang sementeryo sa silangan
ng bayan, sa Cemeterio de Tampus na nasa isang burol. Ito ang naging huling
pahingahan ng kanilang mga labi at magkakasama silang nilibing sa isang common grave.
Isang bahagi ito ng Cemeterio de Tampus na nabaon na rin sa limot ng mga taga-Boac |
Malapit sa sementeryo, isang katawan na lulan ng isang kangga
ay nahulog at napag-alamang buhay pa at nagkamalay. Nagmakaawa at hinimok ang
mga casadores na iligtas ang kanyang buhay. Sinagot lamang ito ng mga bala,
maraming bala hanggang tuluyang mawalan na ito ng hininga at isinama sa mga inilibing.
'10 de Octubre St.' ang ipinangalan noon pang una sa kalyeng nasa harapan ng Casa Real. Ito ay bilang paggunita sa makasaysayang araw na nabanggit kung saan maraming namatay na mga makabayan. |
'10 de Octubre St.', Brgy. San Miguel, Boac. Nawala na ang dating street sign. Bakit kaya? Photo: yodisphere |