Thursday, February 14, 2019

May nakakatanda pa kaya? Mga labi ng isang banal sa Boac Cathedral na hinatid ng mga pilgrims mula Espanya

Ito ang bas-relief ni Padre Diego de Saura, gawa sa Mexico at dinala sa Marinduque para sa isang bantayog na inilaan para sa kanya, pinasinayaan noong Feb 8, 1979. Naroon pa kaya ang kanyang mga labi?


Sa susunod na pagdalaw mo sa simbahan ng Boac, kapag pumasok ka sa main gate nito bago makarating sa simbahan ay may mapapansin ka sa bandang kanan na isang bantayog na may bas-relief ng isang nakaluhod.

Iyon po si Padre Diego de Saura, isa sa mga naunang prayle sa Boac.

Si Diego Saura y Vell ay ipinanganak sa Alajor (Spain) noong 1598, namatay sa Maynila noong 1631. Maikli ang naging buhay niya pero puno ng personal na katuparan at dedikasyon sa kanyang banal na paglilingkod sa Pilipinas – lalo na sa isla ng Marinduque.

Matapos ang kanyang pag-aaral sa Mallorca at Barcelona, pumasok si Padre Diego bilang novitiate sa Jesuits of Tarragona. Ang kanyang first vows ay naganap noong 1617. Narinig niya ang mga kamangha-manghang kuwento tungkol sa mga gawain ng mga misyonaryo sa Amerika at Pilipinas, kayat nakarating siya sa mga lupaing ito taong 1622.

Ayon sa tala, ang pambihirang pananampalataya ni Padre Saura ay kinabilangan ng ibang uri ng pagmumuni-muni kung saan naging kaugnayan niya ang mga santang tulad nina Santa Brigida, Sta. Angela de Fulgino, Santa Gertrudis, Santa Hildergis, at Santa Theresa de Jesus. Ang mga ito ay tinuturing na divinely inspired.

Noong 1977, para simulan ang mga hakbang para sa beatification ni Padre Saura, may 120 pilgrims mula Menorca ang dumalaw sa Marinduque. Dala nila ang mga labi ng pari para sa Marinduque na ang kanyang maging pinakahuling hantungan.

Ang malaking bronze plaque ni Padre Saura ay ginawa sa Mexico ng isang bantog na eskultor, si Angel Tarrac, at dinala sa Marinduque noong 1978.

Noong February 8, 1979 ito pinasinayaan - 40 years ago. 


Nadadalaw pa rin ngayon ang monumento para sa isang nanilbihan sa mga naunang ninuno natin.

Sa  inscription ay ito ang nakasaad:

EL PUEBLO DE LA ISLA DE MENORCA A SU HIJO REVERENDO PADRE DIEGO DE SAURA, MISIONERO JESUITA EN LA ISLA DE MARINDUQUE 1598-1631

Ito ang monumental relief sa Boac Cathedral ngayon