Monday, January 25, 2021

Biosurveillance: Na-detect sa 17 katao sa Pilipinas ang COVID variant

 


Kasunod ng umiiral na pinaigting na biosurveillance activities dala ng naiulat na kauna-unahang COVID variant na B.1.1.7 sa bansa noong Enero 13, ang Department of Health (DOH), UP-Philippine Genome Center (UP-PGC) at ang UP-National Institutes of Health ay may natuklasang 16 na kaso ng B.1.1.7 variant ng COVID-19 bilang karagdagan. May kabuuan na ngayong labimpitong (17) kaso ng nasabing variant sa Pilipinas. 

Labindalawa sa 16 na karagdagang kaso ay mula sa Bontoc, Mountain Province. Sa 12 kaso na ito, pito ang lalaki at lima ang babae. Tatlo ang may edad mababa sa 18 taong gulang at tatlo ay higit sa 60. Isinagawa kaagad ang kaukulang contact tracing at mga kailangang pagsisiyasat.

Samantala, dalawang pasyente na may B.1.1.7 variant ang returning overseas Filipinos (ROF) na dumating noong Disyembre 29, 2020 mula sa Lebanon, na kasama sa listahan ng bansang may travel restrictions dahil sa pagtuklas doon ng B.1.1.7 variant. Sakay ng Philippine Airlines flight PR 8661, ang unang kaso ay isang 64-taong gulang na babae na ang lokal na address na naitala ay Jaro, Iloilo City.

Ang pasyente ay nilagay sa isolation sa San Juan, Metro Manila at pinalabas noong Enero 9. Ang isa pa ay isang 47 taong gulang na Filipina na ang naiulat na lokal na address ay Binangonan, Rizal. SIya ay na-quarantine sa New Clark City at pinalabas noong Enero 13. 

Ang huling dalawang kaso ay naobserbahan sa La Trinidad, Benguet at sa Calamba City, Laguna; kapwa walang naging kaugnayan sa alinmang kumpirmadong kaso at walang kasaysayan ng paglalakbay mula sa labas ng bansa. Ang isa ay kasalukuyang nasa Benguet Temporary Treatment and Monitoring Facility, habang ang 23 taong gulang na lalaki sa Laguna ay pinalabas na matapos magnegatibo ang resulta ng test noong Enero 16. 

Sa karagdagang 16 na kaso na may kinakitaan ng B.1.1.7 variant, 3 ang gumaling na, 13 ang mga aktibong kaso — 3 ay asymptomatic at 10 ang nagpapakita ng banayad na mga sintomas. 

Ang biosurveillance ay pinapairal ng husto, at ayon sa DOH sila ay magpapatuloy na palawakin pa ang kanilang kakayahan para sa detection ng lahat ng COVID variants.

Nanawagan ang DOH sa mga LGUs upang tiyakin ang strict monitoring at compliance sa quarantine protocols. Idiniin ng DOH na ang hindi pagsunod o maling pagsunod sa minimum public health standards (MPHS) ay maaaring maging sanhi ng transmission at mutation kayat nangangailan ng mas mahigpit na pagpapatupad sa MPHS.