Sa botong 212-1-1, inaprubahan ng Mababang Kapulungan noong Martes sa pangatlo at panghuling pagbasa ng panukalang batas ang pagtataguyod sa isang bagong paraan ng pagpapakita ng pagbibigay-galang. Ito ay bilang pagtalima sa social distancing protocols sa gitna ng kasalukuyang pandemya.
Ang House Bill 8149 o "Bating Filipino Para Sa Kalusugan
Act" ay tungkol sa pagbibigay-galang sa pamamagitan ng paglagay ng palad
sa gitna ng dibdib habang bahagyang tumatango bilang bagong kaugaliang Filipino
sa paggalang. Ito rin ay bilang kahalili ng tradisyonal na pakikipagkamay.
Saklaw ng panukala ang lahat ng mamamayang Pilipino at iba
pang mga indibidwal na nanatili sa bansa.
Sa ilalim ng ipinanukalang hakbang, ang lahat ng mga ahensya
ng gobyerno ay inatasan na magpalaganap ng impormasyon at hikayatin ang
pagsasagawa ng bagong kilos na ito.
Inaatasan din ng panukalang batas ang Kagawaran ng Kalusugan
na kumunsulta sa Kagawaran ng Edukasyon, Pambansang Komisyon para sa Kultura at
mga Sining, Presidential Communication Operations Office, Philippine Information
Agency, at iba pang mga kinauukulang ahensya na bumuo at maglabas ng mga
patakaran at regulasyon para sa pagpapatupad nito.