Inilunsad kamakailan ang isang HIV treatment hub para sa Marinduque. Ang Triple Heart Treatment Hub ay pinasinayaan kamakailan ni Gov. Presbitero Velasco sa Dr. Damian Reyes Hospital kasama ang iba pang mga opisyales sa lalawigan.
Dahil dito, mas higit nang maiisagawa ngayon ang pagbibigay ng gabay sa publiko para sa pag-iwas, at maagang paggamot sa mga nahawahan ng HIV.
Matatandaang, isa sa mga pangkalusugang isyu ngayon ang tumataas na bilang ng mga HIV-infected persons sa bansa. Ayon sa DOH MIMAROPA ang bilang ng mga HIV infections ay "tumaas sa Pilipinas sa parehong proporsyon din sa lalawigan ng Marinduque", at gayun din sa iba pang lalawigan.
May kaukulang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque at Department of Health Mimaropa Regional Office sa pagpapatupad ng kanilang pagka-kasama sa gawaing ito.
Ang treatment hub ay makapagsasagawa ng mabilis, walang bayad at maayos na HIV testing at makapagbibigay ng kaalaman para sa mga nagnanais na mabigyan ng test. Sa ganitong paraan sila rin ay mabibigyan ng updates tungkol sa pagpigil ng infection at iba pang control strategies.
Makapagbibigay din ang hub ng pre at post-test counselling at maayos na access sa pagpapagamot, pag-aaruga at kinakailangang support services.
Ang pagpapasinaya ay dinaluhan din nina Vice Gov. Romulo Bacorro, Dr. Edgar Ancheta (Chief of Hospital), Dr. Annette Macayaon, Dr. Jonathan Fontilla at Cherry Candava ng DOH MIMAROPA, gayun din iba pang mga kasamang doktor at nars sa Damian Reyes Hospital.