Friday, August 28, 2020

FLORES-DEL PILAR-BONIFACIO. Mapagpalayang wikang Tagalog. Nalimot nang Bayani ng Marinduque

 


Si Hermenegildo Flores ay kaliga nina Marcelo H. del Pilar at Andres Bonifacio bilang mga makata na sukdulan ang pagmamahal sa bayan. Silang tatlo ay nagkaroon ng katangi-tanging ugnayan sa pamamagitan ng trilohiya (trilogy) ng mga tula na nagpapahayag ng mga sentimyento mula sa konsepto ng repormismo hanggang sa paghihiwalay ng Pilipinas sa Espanya. Lumitaw ang trilogy na ito sa huling dekada ng ika-19 na siglo.

Si Flores, bayani ng Marinduque, ang sumulat ng una sa trilohiyang ito sa TAGALOG noong 1888. Ito ang “’HIBIK NG FILIPINAS SA INANG ESPANYA”.

Ang “Hibik” ay binubuo ng 66 quatrains (mga saknong), kung saan ang makata ay nagsasalita bilang isang pinahihirapan na anak na babae at nagbubuhos ng kanyang pangunahing karaingan sa Inang Espanya – tulad ng mga pang-aabuso ng mga prayle, ng mga pari!

(Ang anak na babae ay ganito ang bahagi ng reklamo):

"Sa bawat kapaki-pakinabang mo, ayaw ng prayleng ako'y makinabang, sa mga anak ko ay ibig lang isip ay bulagin, ang butas ay takpan ".

(At tinukoy niya):

"Sa pag-unlad ng kanilang yaman bendita't bendisyon lamang ang puhunan, induluhensiya't iba't ibang bahay ng mga sagrado naman ang kalakal ".


Si Flores ay isang propagandista na may ginampanang papel din sa buhay ni Marcelo H. del Pilar, ang nangunguna sa mga propagandistang Pilipino noong panahong iyon.

Si Flores pala ay "dating guro at kapwa propagandista", ni Del Pilar. (Tagalog Poetry, 1870-1898: Tradisyon at mga Impluwensya sa Pag-unlad nito, ni Bienvenido Lumbera).

Sinagot ni Del Pilar ang tula ni Flores sa “Sagot ng Espana sa Hibik ng Pilipinas” (1889). Mas mahaba at may 82 quatrains.



Ang nagtatag ng Katipunan, si GAT ANDRES BONIFACIO ay sumulat din ng kanyang kasagutan sa FLORES-DEL PILAR COMPANION POEMS!

Ito ang “Katapusang Hibik nang Pilipinas sa Ynang Espana” na tinawag na “the climactic moment to the history of Tagalog poetry during the 19th century”.

Sa tula ni Bonifacio, ang terms of endearment na ginamit sa mga tula nina Flores at Del Pilar ay hindi na ginamit. Ang Espanya ay tinurang “Inang pabaya’t sukaban” at “Inang walang habag”.


Alam mo bang may marker sa Liwasan ng Kalayaan sa Casa Real ng Boac tungkol kay Flores? Nabanggit lamang doon ang pagpaslang sa kanya sa Casa Real. Subalit ang pamumuno niya sa Himagsikan dito noong panahon ng Kastila, at tungkol sa kanyang tula at kung paanong kinaladkad ang kanyang bangkay sa may ilog Boac, sinunog at hindi binenditahan, ay hindi nabanggit.

Ang iba pang detalye tungkol kay Flores na sinaliksik sa loob ng maraming taon ni Eli J Obligacion ay makikita sa link sa ibaba at iba pang mga link sa Marinduque Rising blog, tungkol sa ating tunay na bayani.

Ito na ngayon ang ginagamit na source ng mga mananaliksik tungkol kay Flores


Also read:

Hermenegildo Flores, Rebolusyonaryong Bayaning Filipino

Kasaysayan ng 1 de Noviembre St. sa Boac, Marinduque

Ngayong Araw sa Kasaysayan ng Boac: 10 de Octubre 1897

Throwback: 1 de Noviembre 1897, Boac, Marinduque

Hermenegildo Flores, Forgotten Hero from Bulacan to Marinduque

Ressurecting Hermenegildo Flores

'Mis Lagrimas a Ti', Kapitan Bindoy

Remembering Bonifacio: The spirit of Hermenegildo Flores isn't far behind

Casa Real of Boac