Thursday, September 3, 2020

Ibat-ibang kategorya ng community quarantine umiiral na sa Brgy. Balaring at Brgy. Laylay (Boac), dala ng 2 active cases

 

Si Mayora Armi DC Carrion habang pinupulong ang mga opisyales ng Boac at mga barangay captain. Larawan ni Konsehal Jojo Leva.


Naglabas ng isang opisyal na pahayag ang Punong-Bayan ng Boac, Marinduque, Armi DC Carrion para ipagbigay alam sa lahat na dalawang mamamayan mula sa bayan ng Boac ang mga kumpirmadong nagpositibo sa Covid-19. Ito ay sang-ayon sa resulta ng RT-PCR (Swab Test) na isinagawa noong Agosto 28 at natanggap ang resulta Setyembre 1, 2020.

Ang una ay mula sa Brgy. Balaring at ang ikalawa ay mula sa Brgy. Laylay. Ang dalawa ay iniulat na parehong walang travel history at wala rin silang kontak sa kahit sinong indibidwal na may kumpirmadong kaso ng Covid 19. Ang dalawa ay parehong asymptomatic.

Sa kasalukuyan ay naka-isolate na ang mga nagpositibo, samantalang ang kanilang mga pamilya ay naka home-quarantine at naisagawa na rin ang kinakailangang swab test.

Ang Boac Municipal Health Office at mga partner agencies ay kasalukuyang gumagawa na nang contact tracing, gayun din ng mga naaayong hakbang upang mapigilan ang paglaganap ng pandemya sa bayan.

Face mask at face shield

Binigyang diin ng Mayora na ang lahat ay dapat magsuot ng face mask at face shield sa tuwing lalabas ng bahay, papasok sa kanilang mga opisina at establisimiento.

Kaugnay nito ang mga umuuwi sa bayan ng Boac ay pinapayuhang sumailalim sa RT-PCR Test.

Hinihiling din ng Covid 19 Task Force ng bayan ng Boac ang kooperasyon at pagsunod ng mga mamamayan sa health and safety protocols upang maiwasan ang paglaganap ng Covid 19.

Sinabi rin ng Mayora na ang Pamahalaang Bayan ng Boac ay pansamantalang lilimitahan ang pang araw-araw na transaksyon para sa mga Boakeno upang mapanatili ang kaligtasan ng bawat isa.

Lockdown sa Purok Quirino, Brgy. Balaring

Samantala, naglabas ng isang kautusan (Executive Order No. 04-2020), ang Barangay Captain ng Brgy. Balaring na nag-uutos na "Sumailalim sa Total Lockdown ang Purok Quirino ng Barangay Balaring simula gabi ng Setyembre 1, 2020". Ayon kay Brgy. Captain Benecarlo Lagar sa kanyang FB post, kaalam si Mayora Armi DC Carrion sa nasabing EO upang tugunan at pigilan ang pagkalat ng sakit na Covid 19.

Ang buong Brgy. Balaring naman ay sumasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) mula Setyembre 1-15, 2020.

Kaugnay ng mga kaganapan sa Brgy. Balaring nag-anunsyo naman ang 10 y.o. Cafe ng Balar Hotel and Spa sa nasabing barangay na wala munang dine-in na papayagan. Takeouts and deliveries lamang ang papayagan. Maaari silang tawagan sa #0917-829-8880.

Sa Barangay Laylay, ibat-ibang kategorya ng CQ

Ang Sitio Capala at bahagi ng Ibaba ay sumasailalim din sa ECQ. Ang natitira pang bahagi ng Sitio Ibaba, Centro at Looban II ay sumasailalim sa MECQ. Ang mga sitio ng Ilaya I, Ilaya II at Looban I ay sumasailalim sa GCQ. Ito ay simula Setyembre 1-15, 2020, ayon sa FB post ni Konsehal Jojo Leva.